Sinisiraan ng Ginang ang Matalik na Kaibigan Kapag Ito’y Nakatalikod; Hindi Niya Akalaing Ito pala ang Igaganti ng Kumare
“Glydel, nakita mo na ba ang pinapatayong bahay ni Mareng Doris? Hindi pa man tapos ay alam mo nang maganda ito at talagang pangmayaman. Napakarami talagang pera niyang si Doriz, ano?” sambit ng kumareng si Toyang sa ginang.
“Naku, gusto lang magpasikat niyang si Doriz. Hindi naman talaga ganun karami ang pera niya! Sa tingin ko ay nangutang pa ‘yan sa bangko para lang maipilit ang pagpapagawa ng nais niyang disenyo sa bahay. Hindi na lang kasi makuntento sa kaya niya,” sambit naman ni Doriz.
“Nagtataka lang ako sa iyo, Glydel. Hindi ba matalik mong kaibigan itong si Doriz? Hindi ba dapat ay masaya ka dahil unti-unti na niyang nakakamit ang mga pangarap niya sa buhay? Bakit iba ata ang dating sa akin ng punto ng pananalita mo?” pagtataka pa ni Toyang.
“Masaya naman ako para kay Doriz. Pero hindi na niya kailangan pang bonggahan ang bahay niya nang ganun. Nag-aalala lang naman ako sa kaniya at baka magbaon siya sa utang. Pagtitinda lang naman ng isda ang ikinabubuhay niya!” dagdag pa ng ginang.
“Iyon pa ang isa, Glydel. Balita ko nga ay ilan na raw ang pwesto sa punduhan niyang si Doriz at asawa niya. Hay, nakakainggit talaga ang buhay niyang si Doriz,” sambit pa ng kaibigan.
Napaismid na lang si Glydel sa tinurang ito ng kumare.
Magkaklase mula hayskul hanggang kolehiyo sina Glydel at Doriz. Sa kasamaang palad ay hindi na nakatapos pa ng pag-aaral itong si Doriz dahil sa kakulangan sa pera. Habang si Glydel naman ay nakapagtapos, nagkaroon ng magandang trabaho at nakapangasawa ng maykaya sa buhay.
Ngunit sa paglipas ng panahon ay hindi na maitanggi ang pag-angat sa buhay ni Doriz. Napalago kasi nilang mag-asawa ang munti nilang negosyo sa punduhan. Ngayon ay unti-unti nang umaasenso sa buhay si Doriz na lihim namang kinaiinggitan ni Glydel.
Minsan sa isang linggo kung magkita ang magkakaibigan. Ngunit sa pagkakataong ito ay hindi raw makakadalo si Doriz sa kanilang salu-salo dahil abala ito sa negosyo.
“Iba na talaga si Doriz, ano? Ang laki na ng inasenso niya sa buhay. Dati kahit anong araw na mapili nating magkita-kita ay narito siya. Ngayon ay sobra nang abala sa negosyo,” saad ng isang kumare.
“Sa maganda naman nilalaan ni Doriz ang panahon niya. Saka bukod pa sa negosyo ay may pamilya rin siya. Nagpapagawa pa siya ngayon ng bahay kaya talagang abala siya,” saad naman ni Toyang.
“Pupusta ako sa inyo. Magsisimula na ang araw na ito na lalaki na ang ulo niyang si Doriz. Ganun naman talaga kapag nagkakapera ang tao. Hindi mo na mahagilap at hindi mo na makasama!” sambit naman ni Glydel.
“Hindi naman ganun si Doriz. Tingnan n’yo nga kahit na mayaman na siya ay simple pa rin siyang manamit. Ni wala siyang mamahaling bag kagaya mo, Glydel,” bwelta muli ni Toyang.
“Wala ngang bag, may bagong kotse naman! Mas gusto ko yata iyon!” natatawang sambit ng isa pa nilang kumare.
“Naku, hindi na si Glydel ang pinakamayaman sa barkada. Naaangatan ka na ni Doriz, Glydel. Papayag ka bang maungusan ka?” tatawa-tawang kantyaw ng isa pang kaibigan.
Pansin ni Toyang ang inggit at inis sa mukha nitong si Glydel. Lalo pa niyang napatunayan ang hinala nang nagsimula nang magsalita ng kung anu-ano itong si Glydel laban kay Doriz.
“Alam n’yo sa atin lang ito, ha. May nakapagsabi sa akin na kaya raw lumaki ang pwesto sa punduhan niyang si Doriz ay dahil meron siyang kinabitang mayaman doon. Baka ‘yung byahero niya! Ayaw ko ngang maniwala pero marami daw ang nakakakita tapos iisipin mo pa bakit biglang laki ng pwesto nila, hindi ba?” sambit ni Glydel sa mga kaibigan.
Pinakikinggan lamang ni Toyang ang lahat ng sinasabi ni Glydel laban kay Doriz.
Ang hindi alam ni Glydel ay balak pa lang sabihin ni Toyang ang lahat ng ito ay Doriz.
“Hindi magagawa sa akin iyan ni Glydel, Toyang. Sigurado ka ba sa mga sinasabi mo? Alam niya kung gaano ko pinagtiyagaan at pinagsikapan ang negosyo namin. Saka hindi naman naging ganun kadali ang lahat. Ito ngang bahay ay inuunti-unti namin. Mabuti nang magpagawa kami ng gusto na naming disenyo kahit mabagal kesa paulit-ulit ang gawa. Saka ‘yung kotse na binili naman namin ay hulugan din. Inuna kasi namin ‘yung lupang taniman sa probinsya. Matagal na kasi ‘yung pangarap ng mister ko,” pahayag naman ni Doriz.
“Pero iba ang tingin ni Glydel, Doriz. Sana nga ay nagkakamali lang ako. Pero nakakahinayang na siya ang pinakamatalik mong kaibigan ngunit iba pala kapag nakatalikod ka,” pag-aalala ni Toyang.
Kahit na hindi naniniwala si Doriz sa mga sinasabi ni Glydel sa kaniyang likuran ay patuloy pa rin ang pagbibigay ni Toyang ng babala sa kaibigan.
Hanggang si Doriz na mismo ang nakarinig sa bibig ni Glydel ng mga masasama nitong sinsabi. Ang akala kasi ni Glydel ay hindi na naman darating sa kanilang salu-salo ang matalik na kaibigan.
Ngunit sa kabila ng lahat ng narinig ni Doriz ay hindi na niya kinompronta pa si Glydel. Nagpatuloy sila sa salu-salo na parang wala siyang narinig.
Isang araw ay bigla na lamang nakatanggap ng balita itong si Glydel. Natanggal daw sa trabaho ang kaniyang asawang OFW at kailangan nang umuwi sa bansa. Marami pa naman silang mga bayarin. Sapat lamang ang pera nila sa bangko para mabayaran ang lahat ng pagkakautang.
Isang araw ay nakaramdam si Glydel ng pananakit ng kaniyang ulo.
“Marahil ay sa labis na pag-iisip ko lang ito sa mga problema namin,” saad ni Glydel sa mga kaibigan.
“Magpatingin ka na kaya sa doktor? Sasamahan kita,” saad naman ni Doriz.
Ngunit hindi pa man nakakasagot itong si Glydel ay bigla na lamang siyang nawalan ng malay.
Agad na isinugod sa ospital ng magkakaibigan ang ginang. Doon ay nalaman nilang may inatake pala ito ng aneurysm. At malaking halaga ang kailangan upang maoperahan ito sa utak.
“Wala kaming ganung kalaking pera! Paano ko maililigtas ang buhay ng asawa ko?” pagtangis ng mister ni Glydel.
“Ako na ang bahala sa gagastusin sa operasyon ni Glydel, pare. Hindi ko hahayaan na may mangyaring masama sa matalik kong kaibigan!” saad naman ni Doriz.
Dahil sa tulong ni Doriz at ng iba pa nilang kaibigan ay nagawa ang nararapat na operasyon kay Glydel. Ilang araw ang nakalipas at nagkaroon na ng malay ang ginang.
“Akala ko ay hindi na ako muling gigising pa. Maraming salamat, mahal, ginawan mo ng paraan na madugtungan ang buhay ko,” sambit ni Glydel habang hawak ang kamay ng asawa.
“H-hindi ako ang may dahilan ng lahat ng ito, mahal. Hindi ka pinabayaan ng matalik mong kaibigang si Doriz. Siya ang nagbayad ng lahat para maoperahan ka, Glydel. Malaki ang utang na loob natin sa kaniya!” naluluhang sambit naman ng mister.
Hindi na mapigilan pa ni Glydel ang pagpatak ng kaniyang mga luha. Sa kabila kasi ng masama niyang sinabi sa likod ng kaibigan ay handa pa rin itong tumulong upang mapabuti siya.
“Patawarin mo ako sa lahat ng kasalanan ko, Doriz. Maraming maraming salamat sa tulong na ginawa mo sa akin at sa pamilya ko! Balang araw ay makakabawi rin ako sa kabutihan mo!” sambit ni Glydel kay Doriz.
“Para saan pa at naging matalik mo akong kaibigan, ‘di ba? Sa tingin ko ay pinagpala ako ng Diyos na magkaroon ng magandang buhay para makatulong sa aking kapwa. Huwag mo nang alalahanin ang mga nagawa mo, Glydel. Kung anu-ano man iyon, para sa akin ay ikaw pa rin ang pinakamatalik kong kaibigan. At hindi na iyon magbabago pa kailanman,” saad naman ni Doriz habang tangan ang kamay ng kaibigan.
Muling nagbalik ang mabuting samahan ng magkaibigan. Hindi umalis sa tabi ni Glydel si Doriz hanggang sa ito ay tuluyang gumaling. Inialis na ni Glydel ang lahat ng inggit sa kaniyang puso at ginawa niya ang lahat upang makabawi sa napakabuti niyang kaibigan.