Mainit ang Dugo ng Ginang sa Kaawa-awang Tindera; Isang Matandang Babae ang Magpapabago sa Kapalaran Nito
Maaga pa lang ay rinig na ata sa buong palengke ang pagputak ng bunganga nitong si Aling Osang. Inis na inis kasi siya dahil nahuli na naman ang anak sa labas ng kaniyang mister at tindera niyang si Katya.
Nang dumating si Katya ay sinalubong niya ito kaagad ng sermon.
“Ikaw na nga ang binibigyan ko ng trabaho, ikaw pa itong may ganang paghintayin ako! Mabuti nga ay binigyan kita ng pagkakakitaan. Kung hindi ay ano na lang ang ipapakain mo sa mga anak mo?!” bulyaw ng ginang.
“Pasensiya na po, Tiya Osang. Bigla po kasing nilagnat si Junjun. Hinintay ko pa po ‘yung asawa kong makauwi nang sa gayon ay may mag-alaga sa kaniya,” nakayukong pagpapaliwanag ni Katya.
“Puro ka na lang dahilan! Sige na at ano pang tinutunganga mo riyan? Magtrabaho ka na! Ang daming bumibili, nakat@nga ka pa riyan!” bulyaw muli ni Osang.
Mainit talaga ang dugo ni Osang kay Katya. Anak kasi ito ng kaniyang asawa sa isang pagkakamali. Sa tuwing nakikita niya si Katya ay umiinit ang kaniyang ulo. Naaalala kasi niya ang pagtataksil na ginawa sa kaniya noon ng mister.
Ngunit pilit na ipinapakiusap ng kaniyang mister na tulungan nila si Katya. Kaawa-awa kasi ang buhay nito. Hindi ito nakatuntong man lang ng kolehiyo dahil nagkasakit ang ina. Maaga rin itong nag-asawa. At hindi naman din sapat ang kinikita ng arawan ng kaniyang asawa mula sa pagiging construction worker.
Kaya para mapagbigyan ang mister ni Osang ay kinuha niyang tindera sa pwesto nila sa palengke si Katya.
“Kung hindi lang dahil kay Rolando ay ibang tindera talaga ang kukunin ko dito! Ikaw nga ata ang dahilan bakit minamalas itong tindahan!” sambit pa ng ale.
Maya-maya ay may isang lalaki na bumili ng mga gulay.
“Miss, pabili ako ng isang kilong sibuyas,” saad ng ginoo.
“Sige po. Ito po ang plastik, mamili na po kayo,” magiliw na sambit naman ni Katya.
Nang marinig ito ni Aling Osang ay agad itong sumabat.
“Hoy, Katya! Anong sinasabi mo riyan? Hindi p’wedeng mamili. Ikaw ang kumuha ng sibuyas nila! Kung papipiliin mo ang mga ‘yan ay matitira lang ang mga bulok!” bulyaw ni Osang.
“Kung gusto n’yong mamili ay doon kayo sa iba bumili!” dagdag pa ng ginang.
“Ginoo, sige po, akin na po ang plastik. Ako na po ang bahalang mamili. Huwag na lang po kayong maingay,” bulong ni Katya sa lalaki.
“Naku, maraming salamat, miss. Kailangan ko kasi talaga ng mga magagandang sibuyas para sa espesyal na lulutuin ko mamaya,” saad pa ng ginoo.
Nang makabayad ang ginoo ay sinigurado pa ni Osang kung tama ang ilalagay na pera ni Katya sa kanilang kaha.
“Tiya Osang, baka po p’wedeng makuha ko na rin po yung sahod ko para bukas. Kailangan ko lang pong bumili ng gamot ni Junjun. May lagnat pa rin daw kasi siya. Nagtext po ang mister ko,” pakiusap ni Katya.
“Kung gayon, nagtetext ka lang habang nasa trabaho?! Kaya pala wala tayong gaanong benta, e! Imbis na pagtitinda e pagseselpon ang inaatupag mo!” galit na sambit ni Osang.
“Tiningnan ko lang naman po saglit, tiya. Nag-aalala kasi po ako sa anak ko. Hanggang ngayon po ay nilalagnat!” saad pa ni Katya.
“Huwag mong dadalhin sa trabaho ang problema mo, Katya! Kung gusto mo ay umuwi ka na at huwag ka nang babalik pa rito! Kapal ng mukha mong hingin pati sahod mo bukas! Hindi ka naman mapakinabangan dito!” saad pa ng ginang.
Ngunit sa totoo lamang, mas malaki ang kita ng tindahan sa tuwing mag-isa lamang si Katya na nagbabantay. Inis din kasi ang mga mamimili sa pagiging masungit nitong si Aling Osang.
Ilang sandali pa ay may isang matandang babaeng bumili sa tindahan ni Aling Osang. Dahil hinayaan na naman ni Katya na mamili ng gulay ang matanda ay nakarinig na naman ito ng masasakit na salita.
“Hayaan n’yo na po siya, ale. Sige po at kumuha lang kayo ng gusto n’yo, ako na po ang bahala sa amo ko,” bulong muli ni Katya.
Namili nang namili ang matandang babae. Kinuwenta na ni Katya ang lahat ng nakuha ng matandang mamimili.
“Tatlong daan na lang po ang lahat ng ito, ginang. Dadagdagan ko pa po kayo ng sili,” nakangiting bulong ni Katya.
Nang magbabayad na ay bigla na lang nagdalawang-isip ang matandang babae.
“Ay, hindi na lang pala ako bibili, miss. Naalala ko sabi ng anak ko ay namili na raw pala siya ng gulay. Pasensiya ka na. Pakibalik mo na lang ang lahat ng iyan,” saad ng matandang babae.
“Ay ganun po ba? Sige po, wala pong anuman, ginang. Ako na po ang bahala dito,” magiliw namang sambit ni Katya.
Nang marinig na naman ni Aling Osang ang nangyari ay labis itong nagalit.
“Kanina ka pa namimili, matanda ka! Tapos ay hindi mo lang pala kukunin?! Ikaw naman, Katya, ayos lang sa’yo? Aba’y nang istorbo lang pala ang matandang gurang na ito! Huwag mong ibalik ang mga gulay na ‘yan! Pabayaran mo ‘yan sa kaniya!” sigaw ni Aling Osang.
“Tiya, hayaan n’yo na po ang matanda. Ibabalik ko lang naman po ang mga gulay na ito. Wala naman pong nasira. May intensyon naman po talaga siyang bumili ngunit bigla niyang naalala na nakabili na po ang anak niya,” awat ni Katya sa nagwawalang si Aling Osang.
Ngunit hindi makakapayag ang kaniyang madrasta. Patuloy nitong inaway ang kawawang matanda.
“Ginang, umalis na po kayo at ako na po ang bahala sa Tiya Osang ko. Pasensya na po kayo sa inaasal niya,” sambit muli ni Katya.
Nang hindi na makapagtimpi ang matandang babae ay sinabi na niya ang tunay niyang pakay.
“Sa totoo lang ay hindi naman talaga ako bibili ng gulay dito. Narito lang naman ako para bigyan ng pagsubok itong tindera mo!” sambit ng matandang babae.
“Katya ang pangalan mo, hindi ba? Ako nga pala si Rosita Gonzales. Ako ang may-ari ng kakatayong gusali lamang sa tapat nitong palengke. Madalas akong mamili dito dahil may tindahan din kami ng nanay ko rito noong araw. Hindi mo na ako natatandaan sa tingin ko, pero pinagbilhan mo na ako dati. Naaawa kasi ako sa trato sa iyo nitong amo mo. Kaya naisipan kong subukin ang kabaitan mo. At hindi nga ako nagkamali,” pahayag ng ale.
“Alam kong nagtitiis ka na lang na mamasukan dito. Kung nais mo ay bibigyan kita ng trabaho. Kailangan ko rin kasi ng sales lady. Kailangan ko ang isang tulad mo sa aking mall. Mas malaki ang sahod at sigurado akong hindi ka mahihirapan. Sana ay pumayag ka,” saad pa ng matandang ginang.
Tatawa-tawa naman si Aling Osang. Sa tingin kasi niya ay nagsisinungaling lang ang matandang ale na siya ang may-ari ng mall sa tapat ng palengke. Hanggang sa sinundo na ng mga tauhan nito ang matandang babae.
“Ma’am, kanina pa po kayo pinahahanap ng anak n’yo. Dumating na raw po ‘yung ibang ka-meeting n’yong investors,” saad pa ng lalaki.
Laking gulat nina Aling Osang at Katya na totoo pala ang sinasabi ng matanda.
“Katya, hihintayin kita sa opisina ko ngayong araw. Pag-usapan natin ang magiging trabaho mo,” wika pa ni Ginang Rosita.
“G-ginang, wala po akong tinapos na pag-aaral. Hindi po ako nababagay sa trabaho na ibibigay n’yo sa akin,” saad ni Katya.
“Hindi naman nababase ang magandang ugali sa taas ng pinag-aralan, Katya. Hihintayin kita sa opisina ko ngayong araw, ha?” wika pa ng matanda.
Batid ni Katya na mas mapapaganda ang buhay ng kaniyang mag-anak kung tatanggapin niya ang alok ng matandang ginang. Isa pa, sawang-sawa na rin kasi siya sa mga sermon at sama ng ugali ng kaniyang Tiya Osang.
Nang araw ding iyon, habang walang habas sa pagbubunganga si Aling Osang ay iniwan na ni Katya ang trabaho niya sa tindahan. Nagtungo siya sa opisina ni Ginang Rosita upang tanggapin ang trabahong alok nito.
Sa tagal ng pagtitiis ni Katya sa pagtatrabaho sa kaniyang madrasta ay ngayon lang niya naranasan na maging tunay na malaya. Bilang pasasalamat sa matandang ginang ay pinagbuti ni Katya ang kaniyang trabaho.
“Malaki ang tyansa mo na umunlad sa buhay, Katya. Maging ako rin ay galing sa hirap. Ngunit hindi ako nawalan ng pag-asa. Malayo ang mararating mo dahil maganda ang iyong pag-uugali,” saad ni Ginang Rosita na tuwang-tuwa sa sipag at tyagang ipinapakita ni Katya.