Napakasungit at Suplado ng Bago Niyang Amo; Matagalan Niya Kaya ang Pagtatrabaho Rito?
Sabik man si Arianne ay hindi niya pa rin maiwasan ang kabahan. Unang araw niya kasing magtatrabaho sa malaking bahay.
Sabik siya dahil matapos ang matagal na panahon niyang naghahanap ng trabaho ay may tumanggap na rin sa kaniya.
Kinakabahan nga lang siya dahil may usap-usapan na isang masungit na lalaki raw ang nakatira sa mansyon ng mga Sandoval.
Paano ba naman, kailanman ay hindi nakita na nabuksan ni isa sa sandamakmak na bintana sa mansyon.
Ang nakikita lang nila na labas-masok sa mansyon ay ang matandang si Aling Nita, na siya ring nagpasok sa kaniya sa trabahong iyon.
“Pasok ka, hija,” paanyaya ng matanda nang buksan nito ang malaking gate.
Nang makarating sila sa loob ng bahay ay hindi niya maiwasang mamangha dahil sa ganda sa loob ng bahay. Bawat gamit doon ay sumisigaw ng karangyaan.
“Ituturo ko sa’yo ang lahat ng kailangan mong matutunan. Alam mo na, isang buwan na lang at aalis na ako,” wika ng matanda habang iginigiya siya sa magiging kwarto niya.
Matapos ang tatlumpung taong paninilbihan ng matanda ay magreretiro na ito at uuwi sa probinsya. Ngunit bago raw ito umalis ay kailangan nitong maghanap ng papalit rito at siyang maninilbihan sa alaga nito.
“Handa ka na ba? Ipapakilala kita sa alaga ko,” maya-maya ay wika ng matanda nang sumilip ito sa kaniyang silid.
Kinakabahang tumango siya. Nang magtungo sila sa sala ay halos dumagundong ang dibdib niya sa labis na kaba. Nakita niya ang isang lalaking prenteng nakaupo sa magarbong sofa.
“Matt, siya si Arriane, ang papalit sa akin.”
Nang lumingon ang lalaki ay hindi niya maiwasang mapaatras at manlaki ang mata sa labis na gulat.
May malaking peklat kasi sa mukha ang lalaki. Subalit ni hindi man nabawasan ng peklat na iyon ang taglay nitong kakisigan. Ngunit nakasimangot ang lalaki.
“Marunong ba ‘yan ng gawaing bahay, ‘Nay? Mukhang senyorita eh,” seryosong komento nito habang sinusuyod siya ng tingin.
“O-opo, S-sir, sanay po ako sa gawaing bahay,” nauutal na sagot niya sa lalaki. Nakakatakot ito, at mukhang masungit!
“Ayusin mo, isang mali mo lang at sisisantehin kita!” pananakot pa nito.
“Matt, umayos ka! Kung susungitan mo’ng lahat ng kasambahay, hindi talaga tayo makakahanap ng papalit sa akin!” nanlalaki ang matang sermon ni Aling Nita sa lalaki.
Napasimangot ang binata. “Bakit ka naman kasi aalis, ‘Nay, paano na ako?” tila batang pagmamaktol nito.
Palihim na napangiti si Arianne nang makita ang inasta ng lalaki. Para itong bata.
“Cute pala siya,” pilyang sigaw pa ng isip niya.
Subalit nawala ang ngiti niya nang bumaling sa kaniya si Matt.
“Anong nginingiti-ngiti mo riyan? Magtrabaho ka na,” masungit na taboy nito.
Agad siyang tumalima.
“Sungit,” bulong niya habang naglalampaso ng sahig.
“Pagpasensyahan mo na, hija. Ganoon lang talaga si Matt. Masasanay ka rin,” wika ng matanda mula sa likod niya.
Gulat na napalingon siya sa matanda.
“‘Wag kang mag-aalala, hindi ko sasabihin na sinabi mong masungit siya,” nakangiti pang dagdag nito.
Subalit nang mga sumunod na araw ay napatunayan niya talaga na napakasungit ng lalaki! Kahit anong pilit niya na makasundo ito ay parati itong nakasinghal.
Nag-aalala siya dahil ilang araw na lang ay aalis na si Aling Nita. Silang dalawa na lamang ng lalaki ang maiiwan sa malaking bahay na iyon.
Naglilinis siya sa kwarto ni Matt nang aksidente niyang matabig ang picture frame na nakapatong sa lamesa sa tabi ng kama ng lalaki.
Nabasag ang salamin ng frame, na lumikha ng ingay.
“Ano’ng nangyari?” humahangos na usisa ng kaniyang amo.
Nang dumako ang tingin nito sa sahig ay napatakbo ito nang makita ang nabasag na frame.
“S-sorry po, Sir! Hindi ko po sinasadya!”
“Lumabas ka na muna! Parati ka talagang palpak!” angil nito.
Sa sobrang takot at sama ng loob ay napaiyak siya. Noon naman dumating si Aling Nita.
“Arianne, bakit ka umiiyak?” takang tanong nito.
Sa utal-utal na salita ay ikinuwento niya sa matanda ang nangyari.
“Aalis na ho ako, hindi ko na kayang pakisamahan pa si Sir Matt!” naibulalas niya.
Napabuntong hininga na lamang ang matanda. Noon ito nagsimulang magkwento.
“Iyon na lang kasi ang alaala ng pumanaw niyang pamilya, hija. Pasensya na at sana ay unawain mo si Matt. Napakatindi ng pinagdaanan niya kaya naman ayaw niyang mapalapit sa kahit na sino.”
Nang mapansin ng matanda ang naguguluhan niyang ekspresyon ay nagpatuloy ito sa pagkukwento.
Doon niya nalaman ang mapait na sinapit ng lalaki. Ang buong pamilya pala nito ay pinat*y nang pasukin ng masamang loob ang malaking bahay. Ang lalaki lamang ang nakaligtas, ngunit nag-iwan ng malaking sugat dito ang pangyayaring iyon, hindi lang sa mukha ni Matt kundi maging sa puso nito.
“Kaya unawain mo siya, hija. Grabe ang pinagdaanan ng alaga ko. Napakabait niyan, hindi dapat ito nangyari sa kaniya,” naluluhang pakiusap ng matanda.
Noon niya tunay na naunawaan si Matt. Matindi nga talaga ang pinagdaanan nito, kaya naman halos hindi na ito makahanap ng rason para ngumiti. Kaya nagdesisyon siya na manatili.
“Salamat, Nanay Nita. Dalawin mo pa rin ako rito, ha?” malungkot na paalam ng binata sa matandang nagpalaki rito.
“Oo naman, hijo. Alam mo naman na parang tunay na anak na kita.”
Bumaling ang matanda sa kaniya.
“Hija, ikaw na ang bahala rito, ha? Ikaw na ang bahala sa alaga ko,” bilin ng matanda bago ito tuluyang nagpaalam.
Nang mga sumunod na araw, gaya ng payo ni Aling Nita ay pinilit niya talagang pakisamahan si Matt. Marahil ay pinagsabihan din ito ng matanda dahil kahit papaano ay bumait ito sa kaniya.
Hindi na ito parating nakakulong sa kwarto, at kahit paano ay kinakausap na siya nito. Mukhang nagsawa na ito sa pagiging bugnutin!
Sa loob ng isang taon pananatili niya roon ay unti-unti ang naging pagbabago ng pag-uugali ng lalaki. Madalas na rin itong ngumiti. Naunawaan niya na ang sinasabi ni Aling Nita. Totoo ngang mabait na tao si Matt.
Kaya naman sumama ang loob niya nang marinig ang sinabi nito isang araw habang kumakain sila.
“Sabihin mo lang kung gusto mo nang umalis. Para makahanap na ako ng papalit sa’yo.”
Tila dinurog ang puso niya sa sinabi ni Matt. Akala niya pa naman ay magkaibigan na sila. ‘Yun pala ay kasambahay pa rin ang tingin nito sa kaniya, at hindi na hihigit pa. Nahulog na pa naman ang loob niya rito.
“Bakit naman ako aalis?” inis na tanong niya sa lalaki.
“Eh lahat naman umaalis. Hinahanda ko lang ang sarili ko,” diretsong sagot nito.
“Ikaw lang ang nag-iisip niyan. Paano ka makakahanap ng kaligayahan kapag gan’yan ang pag-iisip mo, Sir Matt? Gaya ni Aling Nita, gusto ko rin na maging masaya ka,” kastigo niya sa lalaki.
Natahimik ito. Hindi ba talaga nito nararamdaman na mahalaga ito sa kaniya?
“Ayaw ko lang namang masanay sa presensya mo, tapos umalis ka rin gaya ng mga tao sa buhay ko…” mahinang bulong ng lalaki.
“Bakit kita iiwan eh mahal kita!” nabiglang bulalas niya.
Nanlaki naman ang mata nito.
“Ano’ng sabi mo? M-mahal mo ako? P-paano? Sa pangit kong ‘to?”
Napakunot-noo siya sa sinabi nito.
“Ano’ng pinagsasasabi mo? Anong pangit? Ang pangit lang sa’yo ay ang pagtingin mo sa sarili mo,” naiiling na tugon niya sa lalaki.
Nang araw na iyon ay tuluyan na silang nagkaaminan. Gaya niya, mahal din pala siya ni Matt!
“Salamat sa pagdating mo, Arianne. Salamat sa pananatili,” sinserong wika pa nito.
Akala raw nito ay hindi na ulit ito magkakaroon pa ng tiyansa sa buhay. Ngunit kakaiba talaga ang tadhana. May mga misteryoso itong paraan upang pagtagpuin ang mga nais nitong pagtagpuin. Maswerte sina Arianne at Matt dahil natagpuan nila ang isa’t isa!