Inday TrendingInday Trending
Kamag-anak ng May-ari ang Dalaga Kaya Inakala Niya na Kaniya na ang Promosyon; Nakakagulat ang Lumabas na Desisyon

Kamag-anak ng May-ari ang Dalaga Kaya Inakala Niya na Kaniya na ang Promosyon; Nakakagulat ang Lumabas na Desisyon

“Lumabas ka ng elevator. Paunahin mo ako,” mataray na utos ni Hershey sa isa sa mga kaopisina nang maabutan niya na pasara na ang elevator.

Walang salita naman itong lumabas upang makapasok siya. Hindi niya maiwasang mapangisi. Takot lang nito na kalabanin siya! Siya lang naman ang nag-iisang pamangkin ng may-ari ng kompanya na iyon.

Nang lumabas siya ng elevator ay narinig niya ang pagtawag sa kaniyang ng kung sino.

“Hershey, hija!”

Awtomatiko siyang napangiti nang malingunan ang kaniyang Tito Greg, ang nakababatang kapatid ng kaniyang Papa.

Agad itong umakbay sa kaniya nang magkapanabay sila sa paglakad.

“Ikaw ha, may nasampolan ka na naman sa elevator. ‘Wag mo ngang tinatarayan ang mga empleyado ko,” magaan nitong sermon.

Napahagikhik naman siya sa tinuran ng tiyuhin. Alam niya kasi na kailanman ay hindi nito magagawang magalit sa kaniya.

“Nandun ka pala, Tito?” alanganing tugon niya.

Pabiro nitong ginulo ang buhok niya bago binuksan ang pinto ng opisina nito.

“Bawas-bawasan mo ang katarayan mo, pamangkin! Bahala ka, maiinis sa’yo ang mga tao rito!” pananakot nito.

Natatawang nagkibit-balikat na lamang siya.

Naabutan niya ang mga kaopisina na nagtatawanan. Agad siyang napasimangot nang makita roon si Isabela, ang kakumpitensya niya sa pinakaaasam na promosyon.

Agad na tumigil ang mga ito sa pagtawa nang dumating siya.

“Ako ba ang pinagtatawanan niyo?” taas-kilay na usisa siya nang mapatapat siya sa mga ito.

“N-naku, Hershey, hindi!” agad na sagot ni Jeff,

Tiningnan niya nang matalim si Isabela bago siya dumiretso sa kaniyang lamesa.

Mula sa malayo ay tanaw niya ang masayang kwentuhan ng mga katrabaho.

Ilag sa kaniya ang mga kaopisina dahil alam ng mga ito na tiyuhin niya ang may-ari ng kompanya.

At siya, sigurado na siya na sa kaniya mapupunta ang mas mataas na posisyon, at hindi kay Isabela. Dahil bagaman pareho silang magaling ay alam niya na hindi siya bibiguin ng kaniyang Tito Greg.

Tanghalian. Gaya ng dati ay mag-isa siyang kumain habang dinig na dinig niya ang masayang tawanan ng mga katrabaho na sabay-sabay nananghalian.

Noong una ay niyayaya pa siya ng mga ito na sumabay. Ngunit nang mapagtanto ng mga ito na hindi siya interesadong makipagkaibigan ay tumigil na rin ang mga ito sa pagyayaya. Maliban sa isang tao.

“Hershey, kain tayo?” malawak ang ngiting paanyaya ni Isabela. Araw-araw ay wala itong sawa na alukin siya sumabay sa mga ito.

Isang malamig na iling lamang ang isinagot niya sa babae bago siya nagpatuloy sa pagkain.

Naiinis siya kay Isabela. Kung ituring siya nito ay parang hindi sila naglalaban para sa isang posisyon! Kasundo rin ito ang mga katrabaho nila, hindi kagaya niya.

Gayumpaman, sorry na lang ito, dahil siya ang mapo-promote, at hindi ito!

Kaya naman uminit ang ulo niya nang marinig ang komento ni Jeff.

“Isabela, kapag na-promote ka, ilibre mo kami, ha!”

Tawa lamang ang isinukli nito sa lalaki, dahilan para lalong tumaas ang kilay niya. Naglakad siya patungo sa kainan upang mas lalong mapakinggan ang sinasabi ng mga ito.

“Kung kami ang masusunod, ikaw ang mapo-promote, eh!” wika naman ni Clara.

Hindi na niya napigilang sumabat.

“Ang kaso, hindi ikaw ang masusunod, Clara. Si Tito Greg. Sino sa tingin mo ang pipiliin niya sa amin ni Isabela?” mataray na sabat niya sa usapan ng mga ito.

Tila ito napipi at hindi nakapagsalita.

“Kung hindi pa obvious, s’yempre ako, Kaya ‘wag kayong magsalita ng ganiyan, dahil baka umasa si Isabela,” mayabang na litanya niya bago umalis.

Inis na tinungo niya ang opisina ng kaniyang Tito Greg.

“O, nakasimangot ka na naman!” pambungad na puna nito.

“Nakakainis kasi ang mga katrabaho ko. Halata na gusto nilang si Isabel ang ma-promote!” sumbong niya sa matanda.

Natawa ito. “Bakit ka nagagalit? Pareho naman kayong magaling. Kahit sino sa inyo, deserving.”

Nakasimangot na hinarap niya ang tiyuhin.

“Tito, ako ang pipilin mo na i-promote, hindi ba?” paniniguro niya.

Agad itong tumango. “Oo, naman, hija. Pwede ba namang hindi ikaw ang piliin ko?” nakangiting sagot nito.

Agad siyang nakahinga nang maluwag. Ngayon ay wala na siyang dapat ipangamba, dahil nasiguro na niya na siya ang pipiliin ng kaniyang Tito Greg.

Kaya naman nang araw na i-anunsyo kung sino na ang bagong manager ay nabigla siya.

“Congrats, Isabel!”

Dahil sa naabutan niyang tagpo ay agad siyang sumugod sa opisina ng tiyuhin.

“Tito, bakit si Isabela ang na-promote? Akala ko ba ako ang pipiliin mo?” dismayadong kinompronta niya ang kaniyang Tito.

“Ikaw naman talaga ang pipiliin ko, hija. Ang kaso, hindi naman ako ang namili.”

Napamulagat siya sa sinabi nito. “Sino?”

“Ang mga kaopisina mo. Sila ang nagdesisyon, hindi ako.”

“Pero bakit po? Alam mo naman na hindi ako ang pipiliin nila!” masama ang loob na pagmamaktol niya.

“Pipiliin nila ‘yung boss na tatratuhin sila nang maayos. Hija, kung magiging boss ka, mas lalo ka lang mapapalayo sa kanila. Kilalang-kilala ko pa naman ang katarayan mo. Bakit hindi mo subukang kilalanin ang mga katrabaho mo? Malay mo, mapalapit ka sa kanila,” payo nito.

Masama man ang loob niya ay hindi niya maiwasang magmuni-muni ukol sa sinabi ng kaniyang Tito Greg.

Noon niya rin napagtanto na tila inaabuso niya na nga ang katotohanan na pamangkin siya ng boss.

Habang nagmumuni-muni ay isang boses ang tumawag sa pangalan niya.

“Hershey, kain tayo ng tanghalian?” yaya ni Isabela.

Sa unang pagkakataon ay pinaunlakan niya ang paanyaya nito. Noong una ay naaasiwa pa siya dahil maraming beses niya itong tinarayan. Ngunit nang lumaon ay nakuha niya nang makipagtawanan sa babae!

Iyon na ang naging simula ng pagbabago ni Hershey. Sa tulong na rin ni Isabela ay unti-unti siyang napalapit sa mga katrabaho niya. Nalaman niya na masaya palang magkaroon ng kaibigan sa opisina na nakakasabay niyang kumain, kakwentuhan, at katawanan.

Tama ang kaniyang Tito Greg. Hindi man niya nakuha ang inaasam na promosyon ay nakakuha siya ng mas mahalaga – mga kaibigan.

Advertisement