Kinutya ang Dalaga Dahil sa Mahirap Niyang Buhay; Makalipas Ilang Taon ay Ibang-iba na ang Takbo ng Buhay Niya
Napayuko si Arra nang marinig ang bulungan ng kaniyang mga kaklase.
“Hala, mais na naman ang baon ni Arra. Hindi ba siya nahihiya?”
Wala naman siyang dapat ikahiya kung iyon ang laman-tiyan na kayang ipabaon ng kaniyang magulang. Maswerte pa rin siya dahil marami ang nagugutom at ni walang makain.
“Siguro mahirap talaga ang buhay nila. Kita mo naman, manilaw-nilaw na ang uniporme.”
Kahit halos araw-araw niyang naririnig ang mga salitang iyon ay tila patalim pa rin kung tumusok iyon sa kaniyang dibdib.
“Naku, kung ako sa kaniya, mahihiya akong pumasok!” wika pa ng isa sa mga kaklase niya.
Napabuntong hininga na lamang siya bago ipinagpatuloy ang pagkain. Madalas man siyang pagtawanan ay hindi siya titigil. Labis kasi ang kagustuhan niya na makapagtapos ng pag-aaral.
Alam niya kasi na isa iyon sa mga hakbang upang umunlad ang kaniyang buhay.
Isa pa, ilang buwan na lang naman ang titiisin niya. Kapag kasi nagtapos na sila sa hayskul ay maiiwan na rin siya sa probinsya nila dahil sa mga prestihiyosong paaralan sa Maynila mag-aaral ang mga kaklase niya.
Kaya naman ganoon na lamang ang pagguho ng mundo niya nang marinig ang malungkot na balita mula sa kaniyang ina.
“A-anak, pasensya ka na, ha. Alam ko na gustong-gusto mong mag-aral. Ang kaso ay hindi talaga natin kaya…” umiiyak na wika ng kaniyang ina ilang araw bago ang araw ng kaniyang pagtatapos.
Masakit man ang kalooban niya ay nauunawaan niya ang mga magulang. Alam niya naman na ginagawa ng mga ito ang lahat para sa kanilang magkakapatid.
“‘Wag na po kayong umiyak, Nanay. Alam ko naman po na kung may tiyansa ay hindi niyo ako pahihintuin. Mas ayos na ho siguro ito, para naman may katulong na kayo ni Tatay sa pagsasaka,” may tipid na ngiting tugon niya sa ina.
Nanlaki ang mata nito.
“Naku, hija! Hindi, hindi ka magsasaka! Hayaan mo na kami ng Tatay mo, dumito ka na lang muna sa bahay,” anito.
Kahit anong pilit niya ay hindi niya napakiusapan ang mga magulang. Masyado pa raw siyang bata para sa mabigat na gawain, katwiran ng mga ito.
Sa araw ng pagtatapos ay wala siyang ibang magawa kundi ang masdan ang mga kaklase na masayang nagkukwentuhan tungkol sa magagandang unibersidad na papasukan ng mga ito.
“Grabe ‘yung school ko, ang laki-laki! Ang ganda ng mga klasrum, puro naka-aircon pa!” naulinigan niya na kwento ng isa.
“Ako rin, ganda ng canteen namin. Lahat ng klase ng pagkain, nandoon. Sa wakas, makakaalis na tayo sa probinsyang ‘to!” tuwang-tuwang komento naman ng isa.
Napaangat ang tingin niya nang marinig niya na tinawag ng isa sa mga ito ang pangalan niya.
“Ikaw, Arra? Saan ka mag-aaral?”
Kimi siyang napangiti.
“N-naku, hihinto na ako. Hindi kasi ako kayang pag-aralin nila Nanay,” halos pabulong na tugon niya sa mga kaklase.
Ilang sandaling nanahimik ang mga ito bago sumabog ang malakas na tawanan.
“Ok lang ‘yan, at least graduate na rin ang naninilaw mong damit!” komento ng isa.
Maluha-luhang naglakad palayo si Arra mula sa pambubuska ng mga kaklase. Sa puso niya ay may piping hiling na sana ay maghimala at mabago ang takbo ng kaniyang buhay.
Nang mga sumunod na araw ay inabala niya ang sarili sa mga gawaing bahay. Natuon ang interes niya sa pagluluto. Iyon ang ginawa niya upang hindi magapi ng lungkot.
Nang hapunang iyon ay masigla siyang naghain nang dumating ang kaniyang mga magulang. Alam niya kasi na pagod at gutom ang mga ito dahil sa maghapong pagsasaka.
“Anak, ang sarap naman nitong niluto mong sabaw!” komento ng kaniyang Nanay.
Napangiti siya. “Sayang naman po ang mga mais, kaya ginamit ko na po pangluto.”
“Aba, masarap nga, anak. Saan mo natutunan ito?” usisa naman ng kaniyang ama. Bakas sa mukha nito ang pagtataka.
“Pinagsama-sama ko lang naman po ang mga sangkap na mayroon tayo, ‘Tay,” tugon niya.
Dahil sa sinabi ng mga magulang ay mas lalo siyang nahilig sa pagluluto. Dahil mais ang madalas na pagkain nila ay kung ano-anong pag-eeksperimento ang ginawa niya, dahilan upang makapagluto siya ng kung ano-anong ulam, merienda, at kung minsan ay panghimagas.
“Grabe, Ate Arra! Ang sarap ng mga luto mo!” madalas komento ng kaniyang mga kapatid.
Nagsimula siyang magtinda-tinda sa labas ng bahay nila dahil na rin sa udyok ng kaniyang pamilya. Ang espesyal sa mga niluluto niya ay gumagamit siya ng mais bilang pangunahing sangkap. Bukod kasi sa marami silang mais ay masustansya pa iyon.
Nagulat siya dahil unang araw pa lang ay dinagsa na ng mga kapitbahay ang tinda niya. Pawang positibong komento ang narinig niya sa mga ito!
“Ang galing mo naman magluto, hija! Bibili ulit ako bukas!” nakangiting puri ng kapitbahay nilang si Aling Imelda.
Nagtuloy-tuloy ang magandang kita ni Arra sa pagtitinda. Nang lumaon ay nagkaroon siya ng isang maliit na karinderya na labis na pumatok dahil sa murang presyo at masarap na pagkain.
Isang araw habang abala siya sa pagluluto ay isang lalaki ang nagtanong.
“Hija, ikaw ba ang nagluluto ng lahat na pagkain?” tanong nito mula sa labas ng kusina.
Saglit siyang huminto upang harapin ang lalaki.
“Bakit ho?”
“Isa akong negosyante. Ngayon lamang ako nakatikim ng ganito kasarap ng pagkain sa murang halaga. Interesado ako ng bigyan ka ng mas malaking puhunan para mas lumaki ang karinderya mo,” walang paligoy-ligoy na alok ng lalaki.
Walang pag-aatubili na tinanggap niya ang alok ng lalaki At doon nagtuloy-tuloy ang pag-unlad ng buhay nila.
Sa loob ng apat na taon ay tuloy-tuloy ang naging pag-asenso ni Arra. Nakapagpundar siya ng bahay at sasakyan habang mas lumaki ang kaniyang restawran.
Napag-aral niya na rin ang mga kapatid niya sa magandang paaralan. At higit sa lahat, hindi na kailangang magbilad ng kaniyang mga magulang sa arawan upang magsaka.
Hindi pa rin makapaniwala si Arra sa naging takbo ng kapalaran niya. Hindi man siya pinalad na makapag-aral kaya ng orihinal niyang plano ay may mas magandang buhay naman pala na naghihintay sa kaniya.
Mais ang dahilan kung bakit tampulan siya ng tukso noon, ngunit mais din ang naging simula ng sunod-sunod na swerte niya sa buhay ngayon. Mabuti na lamang at hindi siya nagpatalo sa pang-aapi ng iba!