Walang Inaasahang Magandang Pangyayari ang Dalagang Ito Tuwing Kaarawan Niya, Nabali ang Paniniwala Niyang Ito
“Maligayang kaarawan sa pinakamaganda kong kaibigan! Saan tayo mamaya? Sa inyo ba? Naghanda ba ang mama mo ng mga pagkain?” sunod-sunod na tanong ni Bena sa kaniyang kaibigan, isang umaga pagkadating nito sa kanilang tagpuan.
“Naku, Bena, parang hindi mo naman alam na walang maligaya sa kaarawan ko! Ipapaalala ko lang sa’yo, sa tuwing sasapit ang araw na ‘to, ako ang pinakamalungkot na tao!” inis na tugon ni Anabelle habang hinihigop ang biniling tiglilimang pisong kape.
“Ayan kasi ang tinatatak mo sa isip mo, eh! Malay mo naman, magbago ang ihip ng hangin ngayong araw! Lalo na’t isa ka nang ganap na dalaga ngayon!” masiglang wika pa nito na ikinailing niya lamang.
“Ano naman? Pakiramdam ko nga, trenta’y dos anyos na ako dahil sa bigat ng mga problemang kinaharap ko sa mga nakaraan na taon!” sambit niya pa na ikinatawa nito.
“Grabe ka naman! Mukha ka ngang labing anim na taong gulang dahil sa ganda mo e. Hindi halatang problemado ka! Mukha pa nga akong problemado kaysa sa’yo, eh!” tugon nito habang pinapapangit ang mukha dahilan para siya’y mapahagalpak ng tawa.
“Tigilan mo nga! Halika na, mahuhuli na tayo sa klase!” yaya niya rito nang maalala niyang malapit na ang takdang oras ng kanilang klase.
Sa tuwing sasapit ang kaarawan ng dalagang si Anabelle, hindi na siya umaasang may maganda at masayang mangyayari sa araw na ito. Palagi na lang kasing may problema ang kanilang pamilya sa tuwing sasapit ito na talaga nga namang nagbigay na nang malaking trauma sa kaniya.
Sa mismong kaarawan niya, nag-aaway ang kaniyang mga magulang tungkol sa pera, wala silang pagkain kung hindi tubig at asin, mabubugb*g siya ng kaniyang ina dahil sa galit nito sa buhay o kung hindi naman, may isang trahedyang magaganap na talagang ikawawasak niya.
Ito ang dahilan para kahit katiting na kasabikan, wala siyang nararamdaman sa tuwing papalapit na ang araw na ito. Bagkus, ito ang araw na ayaw na ayaw niyang sumapit dahil sa takot niyang baka may hindi na naman magandang mangyari sa buhay niya.
Nang araw na ‘yon, kahit na kabado, maaga pa rin siyang gumising at kumilos upang makapasok sa paaralan kasabay ang kaniyang matalik na kaibigan.
Unang beses niyang ngumiti noong araw na ‘yon nang siya’y patawanin ng kaibigan niyang ito na talaga nga namang bahagyang tumugon sa kabang nararamdaman niya.
Ngunit habang sila’y naglalakad, nakita niyang may isang malusog na bata ang pilit na isinasakay ng dalawang lalaki sa isang puting van dahilan para siya’y muling kabahan. Sa isip-isip niya, “Diyos ko, talaga bang sa tuwing kaarawan ko, ganito ang mararamdaman ko?”
Ipapasawalang-bahala niya na lang sana ito dahil baka kaanak ng naturang bata ang dalawang lalaking iyon. Kaya lang, pagkalampas nilang magkaibigan sa sasakyang iyon, nakita niyang may iba pang batang umiiyak sa loob ng sasakyan dahilan para hilahin niya palayo ang kaniyang kaibigan.
“Tandaan mo ang plate number, Bena!” utos niya rito saka sila tumigil sa likod ng isang puno at doon kinuhanan ng bidyo ang pangyayaring iyon.
At dahil nga may kabigatan ang batang iyon, kitang-kitang hirap na hirap ang mga lalaking iyon na isakay ito. Ginamit na niya ang pagkakataong iyon upang tumawag ng tulong sa mga tricycle driver sa kabilang kanto habang inutusan niyang mag-live sa social media ang kaibigan niya.
Ngunit pagkabalik niya sa lugar na iyon, wala na ang sasakyang ‘yon pati na ang kaibigan niya na labis niyang ikinabahala. Naiyak siya sa panlalambot habang nagkukumahog ang mga pulis at ilan pang kalalakihang nasa paligid niya upang matunton ang sasakyang iyon.
“Huwag kang mag-alala, hija, ginawa mo ang lahat ng makakaya mo. Kami na ang bahala sa kaibigan mo at sa iba pang mga bata,” pagpapakalma sa kaniya ng isang pulis saka siya sinakay sa patrol upang makapahinga.
Dasal niya, “Kahit ngayong kaarawan ko lang, Panginoon, dinggin Mo ang panalangin ko, iligtas mo ang kaibigan ko at ang mga batang iyon,” saka siya umiyak nang umiyak doon.
At tila dininig nga siya ng Diyos dahil maya maya lang, may nagsabi na sa mga kasama niyang pulis na naharang na sa isang checkpoint palabas ng kanilang siyudad ang sasakyang iyon at lahat ng bata ay ligtas.
Halos mapatalon siya sa saya habang humagulgol.
“Salamat! Salamat po!” panalangin niya habang humihikbi.
Sinama siya ng mga pulis sa pagsundo sa mga batang iyon at doon niya nalamang ang mga batang kasama pala ng kaibigan niya ay mga anak ng isang mayamang negosiyante.
Nang malaman ng naturang negosiyante na siya ang dahilan nang kaligtasan ng mga bata, agad siya nitong inabutan nang malaking halaga ng pera at nagpangako sa kaniya ng isang magandang buhay.
“Kahit saang kolehiyo mo gusto mag-aral, ako ang bahala. Pagkatapos mo sa pag-aaral, magtrabaho ka sa kumpanya ko. Salamat sa’yo, hija, utang ko ang buhay ng mga anak ko sa’yo,” wika nito na labis niyang ikinapasalamat.
Doon na tuluyang nasira ang tila sumpa sa araw ng kaniyang kaarawan. Napagtanto niyang hindi sa lahat ng pagkakataon, kamalasan ang matatanggap niyang regalo dahil darating din ang araw kung saan hahamakin siya ngunit makakatanggap naman siya nang malaking biyaya.
Simula noon, biglang umayos ang buhay niya. Naiwasan na rin ng kaniyang mga magulang ang palagiang pag-aaway dahil sa tulong ng naturang negosiyante na talaga nga namang nagpabago sa buhay mahirap nila.