Inday TrendingInday Trending
Palaging May Sabit sa Lakad ng Dalagang Ito at ng Kaniyang Nobyo, Ano bang Sadya ng Babaeng Iyon sa Relasyon Nilang Dalawa?

Palaging May Sabit sa Lakad ng Dalagang Ito at ng Kaniyang Nobyo, Ano bang Sadya ng Babaeng Iyon sa Relasyon Nilang Dalawa?

“Mariel, sa isang Linggo na ang ika-apat na anibersaryo niyo ng nobyo mo, ha? Saan niyo ito balak ipagdiriwang?” masayang tanong ni Hilda sa kaniyang kaibigan, isang tanghali nang magkasabay silang mananghalian sa pinagtatrababuhan nilang kumpanya.

“Oo nga, eh, nasasabik na ako! Napagdesisyunan namin na sa Boracay ‘yon ipagdiwang. Matagal na naming pangarap na makarating doon, eh, sakto namang may ipon kaming pera ngayon!” masiglang kwento ni Mariel habang hinahalo ang nabili niyang pagkain.

“Naku, sana, wala na siyang isamang asungot!” sambit nito na agad niyang ikinabusangot.

“Mayroon nga, eh. Kinukulit daw siya ng matalik niyang kaibigan na sumama sa amin. Hindi niya naman daw matanggihan dahil isusumbong siya sa nanay niya,” wika niya na ikinataas ng kilay ng kaibigan niya.

“Ano ba namang kaibigan ‘yan? Hindi niya ba alam ‘yong salitang “anniversary” para makisabit pa siya sa lakad niyo?” inis na tanong nito.

“Ewan ko ba roon. Palagi na lang nakabuntot sa amin ni Nico,” sagot niya habang iiling-iling.

“Parang iba na ‘yan, ha? Hindi ka ba kinukutuban sa babaeng ‘yon?” tanong pa nito sa kaniya na ikinabuntong-hininga niya.

“Huwag mo akong demonyohin, Hilda! Masasampal kita!” sigaw niya rito dahilan para matawa ito at ibahin na lang ang kanilang pinag-uusapan upang sila’y makakain nang maayos.

Hindi nakakaalis ang dalagang si Mariel pati na ang kaniyang nobyo nang wala ang matalik nitong kaibigan na palaging nais na bumuntot sa kanila. Kahit ano pa mang okasyon, palagi itong sumasama sa kanilang mga gala, pagsisimba, at kung ano pa mang gusto nilang gawin bilang magkasintahan na talaga nga namang ikinababahala na niya.

Minsan niya itong sinabi sa kaniyang nobyo ngunti ang sambit lang nito, “Alam mo namang kababata ko siya, at magkasosyo sa negosyo ang mga magulang namin, kaya kahit ayokong isama siya, kapag nagpumilit siya, wala akong magawa kung hindi ang pagbigyan siya dahil kung hindi, ako ang malalagot kila mama,” dahilan para ganoon niya na lang tiisin ang mga pagkakataong kasama nila ito sa mga mahahalagang okasyon ng kanilang relasyon.

Ang ikinaiinis niya pa sa tuwing kasama nila ito, tila ba siya ang parang nagiging sabit sa dalawa dahil sa mga usapan at galaw ng mga ito na hindi niya masabayan.

Madalas niyang itinatanong sa sarili, “Tama pa ba itong ginagawa ko? Bakit parang ako ang kaibigan at siya ang nobya?”

Pero dahil nga mahal niya ang kaniyang nobyo, lahat ng ito ay kaniyang tiniis at katulad ng iba nilang anibersaryong nagdaan, ngayong ika-apat nilang anibersaryo, kasama na naman nila itong magdiwang na ikinatataas ng dugo niya sa tuwing naaalala niya.

Ilang araw pa ang lumipas, tuluyan na ngang dumating ang araw ng kanilang pagpunta sa Boracay at katulad ng inaasahan niya, kasama na naman ang babaeng ito na nagagalit pa sa kaniya dahil kailangan pa raw siyang sunduin.

At dahil nga ayaw niya ng gulo o masira ang importanteng araw na ito, nginitian niya lang ito at ipinasawalang-bahala.

Ilang oras pa ang lumipas, dumating na nga sila sa Boracay. Wala silang narentahang pang tatlong taong kwarto dahilan para dalawang silid ang rentahan nila at nais ng babaeng kasama nila na makasama nito ang kaniyang nobyo sa isang silid na agad niyang kinontra.

“Huwag na kayong mag-away, kayo na lang ang magsama, ako ang mag-isa sa isang silid,” saway ng kaniyang nobyo dahilan para irapan siya ng naturang dalaga.

“Konti na lang talaga, masasabunutan ko na ‘yan!” sambit niya sa sarili.

Dahil sa pagod niya sa biyahe, pagkarating nila sa silid, agad siyang nakatulog. Nagising na lang siyang mag-aalas dose na ng gabi dahilan para hanapin niya ang kaniyang nobyo at ang kaibigan nito.

Ngunit tila nanghina ang tuhod niya nang makita ang tsinelas ng babaeng iyon sa silid ng kaniyang nobyo.

Wala na siyang sinayang na oras, agad niya itong binuksan at biglang nandilim ang paningin niya nang makitang naghahalikan ang dalawang ito dahilan para sabunutan niya at paluin ng bote ng alak na walang laman ang babaeng iyon.

“Sabi na nga ba, may iba kayong relasyong dalawa!” sigaw niya habang pilit niyang binabangasan ang dalagang nakayapos pa rin sa kaniyang kasintahan.

“Mahal, magpapaliwanag ako!” sigaw ng kaniyang kasintahan habang siya’y inaawat.

“Tama na, Nico! Sawang-sawa na ako sa ganitong klaseng relasyon!” bulyaw niya saka naman niya ito pinukpok ng nahablot niyang walis-tambo.

Hindi na siya nagdalawang-isip na umalis sa lugar na iyon. Ngayong alam na niya ang katotohanan, hindi na niya kayang magbulag-bulagan.

Agad niya itong ikinuwento sa kaniyang kaibigan at ganoon na lang din ang galit na naramdaman nito. Payo nito, “Siya ang nawalan, Mariel, hindi ikaw. Ayos lang ‘yan, hindi mo kailangan ng gan’yang klaseng relasyon!” na talaga nga namang tinatak niya sa isip niya upang agad na makausad sa kalungkutan at sakit na nararamdaman.

Advertisement