Gumamit ng Ibang Lalaki ang Dalagang Ito Upang Makalimot sa Nobyo, Sakit ang Inabot Niya Rito
“Ben, may nabasa ako sa social media, eh. Sabi roon, mabilis daw nagsasawa ang mga lalaki sa kapareha nila dahil sa maraming dahilan katulad ng pag-aaway, hindi pagkakasundo, at ibang babae. Totoo ba ‘yon?” tanong ni Lerma sa kaniyang kasintahan, isang araw habang siya’y nagpapahinga sa bahay nito.
“Walang katotohanan ‘yan, mahal! Edi sana ngayon, iniwan na kita dahil palagi tayong nag-aaway! Walang gabi na hindi ka nag-iisip na may babae ako, sinong hindi maiinis sa utak mo?” pabirong tugon nito habang ginagawa pa kung paano siya magtampo.
“Umayos ka kasi ng sagot kung ayaw mong pag-awayan natin ‘to!” babala niya rito na lalong ikinatawa nito.
“Diyos ko, ang mahal ko talaga! Hindi nga ako nagsasawa, seryoso ako roon. Sino bang magsasawa sa isang maganda, sexy, at puno ng pangarap na babae, ha? Wala!” sambit pa nito dahilan para siya’y agad na mapangiti.
“Sigurado kang ako lang ang mahal mo, ha?” paninigurado niya.
“Siguradong-sigurado! Wala kang dapat ikapangamba dahil ikaw lang ang pinakamagandang babae sa mga mata ko!” segunda pa nito saka siya mariing na niyakap na lalo niyang ikinasaya.
Wala nang mas sasaya pa sa dalagang si Lerma sa relasyong mayroon siya ngayon sa pangkasalukuyan niyang nobyo. Pakiwari niya, kahit kailan niya lang ito nakilala sa isang kainan, matagal na niya itong nakasama.
Sobrang palagay ang loob niya sa binatang ito dahil nakakasigurado siyang mahal siya nito higit sa pagmamahal niya rito.
Sa katunayan, kamakailan lang nang makaranas siya ng pagkadurog dahil sa ginawa ng kaniyang dating nobyo sa kaniya. Pinagpalit siya nito sa kaniyang pinsan at ito’y nabuntis pa na talaga nga namang nagbigay sa kaniya ng kalungkutan.
Kaya naman, kahit na bahagya pa siyang hindi makapagbigay ng buong tiwala sa binatang ito na agad na nanligaw sa kaniya nang mabalitaang wala na siyang nobyo, pinilit niyang mahalin ito upang mabawasan ang kalungkutang nararamdaman.
Araw-araw siyang nagtutungo sa bahay nito upang kumain, magpahinga, at matulog kasama ito. Halos hindi na nga siya umuuwi sa kanilang bahay dahil sa tuwing nag-iisa siya, nakakaramdam siya nang malalang kalungkutan.
Kaya lang, nitong mga nakaraang araw, labis siyang nababahala sa kaniyang katawan. Nagkakaroon siya ng dalawang linggo ng dalaw o higit pa dahilan para maisip niyang baka siya’y nagdadalantao na.
Nang makahanap siya ng tiyempo, agad niya itong ipinagbigay-alam sa nobyo niya na agad naman nitong tinanggi dahil ligtas naman daw ang ginagawa nilang paglalambingan.
“Magpatingin na kaya ako sa doktor, ano?” wika niya.
“Huwag na! Baka naman wala lang ‘yan, sayang lang ang pera natin!” kontra nito na ikinapagtaka niya.
Kahit na lingid sa kagustuhan ng kaniyang nobyo, nagpatingin pa rin siya sa doktor dahil labis na nga siyang nababahala.
Nang sabihin niya pa lang sa doktor ang sitwasyon niya, agad na siya nitong ipinasok sa laboratoryo at ineksamina. Pagkalipas ng isang linggo, lumabas sa resulta ng laboratoryong siya’y mayroong nakakahawang sakit sa kaniyang pagkababae na ikinagulat niya.
“Paano po ‘yan nangyari? Malusog naman po ako saka wala akong ibang nakakapalagayan ng loob!” hindi niya makapaniwalang sambit.
“Baka ang pangkasalukuyan mong nobyo ang dahilan, hija,” mahinahong wika ng doktor na ikinaiyak niya.
Pagkauwi niya sa bahay ng kaniyang nobyo, agad niya itong kinompronta.
“Kaya ba ayaw mo akong magpatingin dahil alam mong may sakit kang nakakahawa, ha?” sigaw niya rito, “Kanino mo nakuha ang sakit na ‘yan?” tanong niya pa dahilan para mapatungo na lang ang binata.
“Sa mga babaeng bayaran d’yan sa kanto. Noong wala akong nobya, palagi akong naroon upang tumugon sa tawag ng laman. Pasensya ka na, nadamay pa kita,” mahinang sagot nito na ikinainis niya.
Doon siya nakaramdam ng labis na pagsisisi dahil sa kagustuhan niyang makalimot, nakakuha pa siya ng nakakahawang sakit.
Wika niya pa, “Kung naghintay lang sana akong kusang mawala ang sakit na nararamdaman ko o kung nag-isip ako nang maayos na paraan para makalimot, sana maayos pa ang buhay ko ngayon,” saka siya nagdesisyong makipaghiwalay na sa binatang iyon.
Agad din siyang sumailalim sa mahabang gamutan upang mawala ang sakit na nasa kaniyang katawan. Mahirap man at walang kasiguraduhan kung siya’y tuluyan pang lulubayan ng sakit, desidido siyang magbagong buhay para sa kaniyang kinabukasan.
Simula noon, hindi na siya agad na nagtiwala sa mga taong nakakasalamuha niya dahil alam na niya ngayong hindi lahat ng tao, malinis at may maayos na intensyon sa kaniya.