Hinusgahan ng Dalagang Ito ang Tiyahing Nagbabalot ng Handa, Napahiya Siya sa Sinabi ng Ina
“Tingnan mo, Cristine, hindi pa rin nagbabago si tita! Mayaman na, nagbabalot pa rin ng mga pagkaing iuuwi sa kanilang bahay! Gaano kagahaman ‘yan?” bulong ni Fe sa kaniyang pinsan habang pinagmamasdan ang tiyahing nangunguna sa pagbabalot ng mga tirang pagkain, isang gabi matapos ang salu-salo ng kanilang buong pamilya.
“Ano ka ba, Fe? Ayos lang ‘yan! Wala na rin namang kakain, ‘di ba? Nakakain na naman tayong lahat saka pati naman ang mga nanay natin, nagbabalot ng pagkain minsan na iuuwi natin sa bahay,” tugon ng kaniyang pinsan na ikinataas ng kilay niya.
“Aba, natural lang sa mga nanay nating magbalot ng iuuwing pagkain dahil mahirap lang naman tayo. Ni hindi nga tayo sigurado kung may makakain tayo bukas pagkatapos ng selebrasyong ito. Siya naman, may maganda na ngang bahay, may isang silid pa na puno ng pagkain!” katwiran niya pa habang dinudurog na sa tingin ang naturang tiyahing patuloy pa rin sa pagbabalot ng pagkain.
“Sa bagay, may punto ka nga riyan,” sagot nito kaya siya’y nakapagdesisyong gumawa ng aksyon.
“Kaya dapat, pagsabihan ‘yan! Dapat ipaubaya niya na lang sa atin ang mga tirang pagkain dito sa handaan! Teka, magsusumbong ako sa nanay ko para mapahiya ‘yang ganid na tiyahin mo!” sambit niya saka agad na pinuntahan ang nanay niyang nakikipagkwentuhan sa iba pa niyang tiyahin.
Hindi mawari ng dalagang si Fe ang ugaling mayroon ang isa niyang tiyahin sa tuwing mayroong salu-salong nagaganap sa kanilang pamilya. Tuwing may pagdiriwang kasi, palagi itong nag-uuwi ng pagkain na labis niyang ikinagagalit.
Mayaman na kasi ang tiyahin niyang ito. May sariling bahay at lupa, may tatlong sasakyan, may sariling negosyo, at higit sa lahat may isang silid na puro pagkain dahilan para ganoon na lang siya mainis sa ugaling pinapakita nito.
Para sa kaniya, dapat na nitong ipaubaya sa kanilang mga mahihirap na kapamilya ang mga tirang pagkain na ito dahil hindi katulad ng kanilang tiyahin, hindi nila tiyak kung may makakain pa sila kinabukasan.
Kaya naman, nang araw na ‘yon, nang muli niyang makitang nagbabalot na naman ang tiyahin niyang iyon ng pagkain, agad na siyang nagdesisyong isumbong ito sa kaniyang ina upang komprontahin.
“Mama, baka naman maempatso ‘yong mayaman mong kapatid, ha? Tingnan mo, sandamakmak na pagkain na ang binabalot! Akala ko ba mayaman na ‘yan? Bakit parang nagkukumahog sa pagbabalot ng pagkain? Mauubusan ba ‘yan?” inis niyang sambit na ikinagulat ng kaniyang mga tiyahin.
“Hoy, Fe! Itigil mo nga ‘yang bastos mong bunganga!” saway ng kaniyang ina saka siya hinila palabas ng naturang bahay, “Bakit ka gan’yan, ha?” tanong nito sa kaniya.
“Tingnan mo kasi, mama, habang kayo nagkukwentuhan, siya nagkukumahog magbalot ng pagkain!” pagrarason niya.
“Ano naman kung magbalot siya ng pagkain, anak? Siya naman lahat ang bumili niyan, eh. Kahit piso, wala tayong inambag d’yan!” sagot nito na ikinagulat niya.
“O, kahit na! Sana, pinaubaya niya na lang sa atin!” pagmamatigas niya pa.
“Sino ba kasing nagsabi sa’yong inuuwi niya ang mga binabalot niya? Siya lang ang nagbabalot pero ipapamigay niya iyon sa aming magkakapatid. Gusto niya kasing pantay ang mga naiuuwi nating pagkain kaya siya mag-isa ang nagbabalot. Bukod pa roon, kailangan niya nang isauli sa pinagbilhan niya ng pagkain ang mga lalagyan kaya pagkatapos na pagkatapos nating kumain, nagbabalot na siya agad,” paliwanag nito sa kaniya, sasagot pa lang sana siya nang marinig niyang nagbibigayan na ng mga balot na pagkain sa loob ng naturang bahay na talaga nga namang ikinapahiya.
“Kahit na mayaman na ang tita mo, hindi ‘yan nakalimot tumulong sa atin. Hindi mo lang nakikita ang mga ginagawa niya pero ang pamilya natin ang pinakatinutulungan niya kaya magpakabait ka sa kaniya,” pangaral pa nito na labis niyang ikinatungo.
Minabuti niya munang huwag pumasok sa bahay na iyon ngunit siya’y tinawag ng tiyahin niyang ito upang bigyan ng pangbaon.
Dito na siya labis na nahiya dahilan para siya’y humingi ng tawad sa panghuhusgang kaniyang ginawa.
“Naku, walang problema roon, hija. Mahal ka pa rin ni tita! Madalas akong nahuhusgahan dahil sa ugali kong hindi maintindihan ng iba pero wala ‘yon sa akin dahil alam kong alam ng mga kapatid kong malambot ang puso ko,” sagot nito saka siya niyakap dahilan para mapangiti ang ilan niyang mga tiyahing naroon.
Simula noon, hindi na isang ganid na tiyahin ang nakikita niya sa tuwing mayroon silang salu-salo kung hindi, isang tiyahing kahit na umangat na sa buhay, hindi pa rin nakakalimot na tumulong at mamahagi ng kaniyang yaman sa kaniyang pamilya.