Inday TrendingInday Trending
Hinahayaan ng Ginang na Ito na Mag-isang Pumasok sa Eskwela ang Anak, Nanginig ang Tuhog Niya nang Hindi Ito Umuwi

Hinahayaan ng Ginang na Ito na Mag-isang Pumasok sa Eskwela ang Anak, Nanginig ang Tuhog Niya nang Hindi Ito Umuwi

“Mars, mag-isa na ba talagang napasok sa eskwela ‘yong panganay mong babae? Nakita ko kasi ‘yon kahapon habang nagbibisikleta ako, walang kasamang naglalakad pauwi. Hindi ka ba nag-aalala? Delikado na ang panahon ngayon,” sambit ni Princess sa kaniyang kumare, isang umaga nang makita niya itong pinapaarawan ang bagong silang na sanggol.

“Naku, wala pa namang limang minuto ang layo rito sa atin ng eskwelahang iyon. Alam mo namang bagong panganak ako kaya hindi ko siya maihatid-sundo katulad dati,” sagot ni Tiffany habang hinehele-hele ang bunsong anak.

“Pasakayin mo na lang siya ng pedicab, mare! Sampu o kinse pesos lang naman ang ibabayad mo. Ligtas nang makakarating at makakauwi ang anak mo, panatag pa ang loob mo,” payo pa nito na bahagya niyang ikinataas ng kilay.

“Panatag naman ang loob ko, eh, ikaw lang naman ang nag-aalala. Bakit hindi ikaw ang magbigay ng pera sa kaniya pangpamasahe?” pabalang niyang tugon dito na ikinabigla nito. “Bakit ako ang magbibigay? Anak ko ba ‘yon?” tanong nito sa kaniya.

“Iyon na nga, eh, hindi mo naman anak pero nangingialam ka!” sigaw niya rito, tila nakaramdam na siya nang maigting na inis dahil sa pangingialam nito.

“Walang iyakan kapag ‘yan nawala! Usong-uso pa naman ngayon ang kuhaan ng bata!” bulyaw nito sa kaniya saka siya mabilis na nilayasan, inirapan niya lang ito saka nagpatuloy sa paghehele sa kargang sanggol.

Bagong panganak ang may bahay na si Tiffany dahilan para bahagya siyang manibago sa karagdagang responsibilidad na nakaatang sa balikat niya.

Kaya niya naman talagang maging isang ina ng dalawang bata kung siya’y may katuwang, kaya lang, ngayong namamalagi sa malayong lugar ang kaniyang asawa upang magtrabaho bilang isang construction worker at malayo siya sa kaniyang pamilya, ni wala siyang maasahan bukod sa sarili.

Ito ang dahilan para hayaan na niyang pumasok at umuwi galing eskwela ang kaniyang panganay na anak kahit ito ay siyam na taong gulang pa lamang. Kampante naman siyang ligtas itong makakauwi dahil hindi naman kalayuan sa kanila ang pinapasukan nitong paaralan.

Labis kasi siyang nanghihinayang sa perang ipapangbayad niya sa pedicab kung sakaling pasasakayin niya pa ito katulad na lang ng payo ng kaniyang kumare.

Wika niya pa nang araw na ‘yon pagkaalis ng kumare, “Hindi naman dumudumi ng pera ang asawa ko para magsayang kami ng ganoong pera! Kalapit-lapit lang, eh, idadamay pa sa kaartehan niya ang anak ko!” saka siya umiiling-iling.

Kinabukasan, katulad ng kaniyang nakasanayan, nagising na lang siyang napasok na sa eskwela ang kaniyang anak.

“Salamat talaga sa Diyos at napadaling turuan ng panganay ko! Sa murang edad marunong nang mag-ayos ng sarili!” nakangiti niyang wika habang pinagmamasdan ang mga gamit na ginagamit nito para sa paghahanda sa pagpasok. Bandang tanghali, habang tulog ang bunso niyang anak, agad na siyang naghanda ng pananghalian upang may makain na ang panganay niyang anak pag-uwi nito.

Kaya lang, lumamig na’t lahat-lahat ang niluto niyang paborito nitong tinola, hindi pa rin ito umuuwi.

Doon na agad na tumakbo sa isip niya ang babalang sinabi ng kaniyang kumare dahilan para siya’y labis nang kabahan.

Wala na siyang sinayang na oras, kahit na siya’y nahihiya sa kumare niyang sinigaw-sigawan niya kahapon, pinuntahan niya ito upang iwan ang kaniyang bunsong anak.

“Pasensya ka na, mars, ha? Sana nakinig na ako agad sa’yo kahapon para hindi ganitong kaba ang nararamdaman ko!” mangiyakngiyak niyang wika.

“Sige na, hanapin mo na ang anak mo. Ako nang bahala kay baby. Unahin mo siyang hanapin sa klasrum niya,” payo pa nito saka siya nagdali-daling umalis.

Pagkarating niya sa eskwelahan, agad siyang nabunutan ng tinik nang makita niya itong masayang nakikipaglaro sa guro at ilan nitong mga kaklase.

“Salamat po, sinundo niyo ang anak niyo. May abiso na po sa amin na huwag pauwiin ang mga bata mag-isa dahil sa mga masasamang balitang mayroon ang lugar natin ngayon. Pasensya na po at pinakaba ko kayo, pero mabuti na pong handa tayo, kaysa mawala nang tuluyan ang mga bata,” nakangiting wika ng guro na labis niyang ikinabuntong-hininga.

Agad niyang niyakap ang anak saka ito agad na iniuwi sa kanila.

Simula noon, kahit na anong mangyari, hindi na niya hinahayaang pumasok mag-isa sa eskwela ang anak. Gumastos man siya sa pamasahe sa pagrenta sa pedicab drayber na kilala niya, kampante na siyang ngayon, walang mangyayaring masama sa kaniyang anak.

Advertisement