Narinig ng Hermana ang Kakaibang Usapan ng Dalawang Kasamahang Naglilingkod sa Simbahan; Nanlaki ang mga Mata nila ng Kura-Paroko nang Mahuli Nila ang mga Ito
Kung magkakaroon ng paligsahan sa kung sino sa mga hermana o mga nakatatandang babaeng naglilingkod sa simbahan ng San Roque ang pinakamatagal na kinaiilagan, iyon ay walang iba kundi si Hermana Arminda.
Walang nakalalampas sa kaniyang mga hindi kanais-nais na gawain sa kaniyang mga kapwa-lingkod ng Diyos. Sinisita niya sila, lalo na kung may mababalitaan siyang tsismis hinggil sa kanila. Lagi niyang ipauunawa na sila ay naglilingkod sa simbahan, kaya hangga’t maaari ay kailangang maging maayos sila sa paningin ng lahat.
Tumandang dalaga na si Hermana Arminda, at ang haka-haka ng marami, dahil ito sa pagiging istrikto, seryoso, at magagalitin niya. Kinaiinisan siya ng maraming mga hermanang kasamahan dahil palagay nila ay sipsip ito sa kura-parokong natatalaga sa kanilang parokya.
“Sister, ayusin mo naman ang pananamit mo. Narito ka sa loob ng tahanan ng Diyos at wala sa kabaret.”
“Sister, tigil-tigilan mo ang pagsulyap-sulyap sa cellphone mo. Baka dukutin ng Panginoon ang mga mata mo, sige ka.”
“Sister…”
Kaya naman hangga’t maaari ay pinakaiiwasan si Hermana Arminda ng kaniyang mga kasamahan sa simbahan dahil sa ugali niyang mapanita at mapanghusga.
At dahil ‘sipsip’ nga o mahilig magbida-bida si Hermana Arminda sa harapan ng kura, ingat na ingat ang iba pang mga hermano at hermana sa kanilang mga pag-uusap, dahil iniiwasan nilang may masabing hindi maganda laban sa kura, kapag nagkukumparahan na sila ng iba’t ibang pamamalakad ng mga nagdaang kura-paroko sa kanilang parokya.
Isang araw, napansin ni Hermana Arminda na madalas na nag-uusap ang isang hermano o lay minister na si Hermano Pedrito at ang isa sa mga hermanang kinaiinisan niya na si Hermana Luciana. Tila masinsinan ang kanilang usapan. Naintriga naman si Hermana Arminda lalo pa’t halos pabulong sila kung mag-usap.
Gumana na naman ang malawak at mapanghusgang kaisipan ni Hermana Arminda.
“Siguro magkalaguyo ang dalawang ito. Mga hindi na nahiya sa kanilang mga sarili! Nasa tahanan pa naman ng Diyos ang mga ito,” bulong ni Hermana Arminda sa kaniyang sarili.
Sa napadaan naman ang kusinera ng parokya na si Aling Biday. Hinaltak niya ito palapit sa kaniya.
“Halika nga rito Biday. Tingnan mo ang dalawang matandang iyon na nag-uusap. May malisya ka bang nakikita?” sabi ni Hermana Arminda sabay nguso sa direksyon nina Hermano Pedrito at Hermana Luciana.
“Wala naman po, Hermana Arminda. Baka naman may pinag-uusapan lang silang mahalaga,” naiilang na tugon naman ni Biday.
“Sinungaling ka. May malisya eh. Pareho pa namang may asawa ang dalawang iyan. Saka kung kailan tumanda, saka naman nabubulid sa pagkakasala. Humanda itong dalawa sa akin. Aalamin ko ang totoo.”
Palihim na nagtungo si Hermana Arminda sa bandang likuran ng kinaroroonan ng dalawa. Pinakinggan niya ang usapan.
“Saan nga natin gagawin?” narinig ni Hermana Arminda na tanong ni Hermana Luciana.
“Doon sa bakanteng kuwarto sa likod ng simbahan. Malamig doon. Puwede nating buksan ang aircon para hindi tayo masyadong pagpawisan,” sagot ni Hermano Pedrito.
Napaantanda naman si Hermana Arminda sa mga narinig niya. Susmaryosep!
“Tara na… punta na tayo roon habang wala pa sila. Bilisan lang natin para makarami tayo… at habang tulog pa si Padre Castor,” dagdag pa ni Hermano Pedrito.
At kitang-kita nga ni Hermana Arminda na nagpalingon-lingon pa ang dalawa, bago nagtungo sa bandang likuran ng simbahan, at pumasok sa kuwartong tinutukoy ni Hermano Pedrito.
Naalarma si Hermana Arminda. Palagay niya ay may kababalaghang nangyayari sa dalawa. Nagmamadali siyang nagtungo sa kuwarto ni Padre Castor, na noon ay nagpapahinga. Kinapalan na niya ang mukha niya. Kinatok niya nang sunod-sunod ang pinto ng kuwarto nito.
“Hermana Arminda? May mahalaga ka bang sasabihin at kailangan mo akong bulabugin nang ganito?” may pagkairita sa tinig ni Padre Castor.
“Padre Castor, may kailangan po kayong malaman. Halina’t sumama kayo sa akin,” ‘di-magkandatutong sabi ni Hermana Arminda. At habang nagtutung sila sa kuwarto ay isinalaysay ni Hermana Arminda ang kaniyang mga narinig na usapan sa pagitan nina Hermano Pedrito at Hermana Luciana.
“Hindi na sila nahiya sa inyo Padre, sa simbahan, at sa Diyos. Mga baboy sila! Halina’t pakinggan natin sila,” saad ni Hermana Arminda nang sila ay nasa tapat na ng kuwarto. Pinakinggan nga nila ang usapan ng dalawang matanda. Narinig nila na para bang may isang bagay na tumatama sa isa pang bagay. Parang bumabayo.
“Sige pa Hermano Pedrito, sige pa, huwag kang tumigil, malapit na…” maya-maya ay sabi ni Hermana Luciana. “Ipasok mong maigi sa butas…”
“Heto na nga, bibilisan ko na. Malapit na…”
Binuksan nina Padre Castor at Hermana Arminda ang pinto ng kuwarto. Nanlaki ang mga mata nila sa bumungad sa kanila.
Pawisan sina Hermano Pedrito at Hermana Luciana. Hawak ni Hermano Pedrito ang isang air pump habang si Hermana Luciana naman ay mga lobo.
“P-Padre? Naku… wala na… nabuko na tayo! Maligayang kaarawan, padre!” hindi malaman ni Hermano Pedrito kung paano magsasalita.
“Ano’ng nangyayari dito?” tanong ni Hermana Arminda.
“Gumagawa kasi kami ng mga lobo bilang sorpresa sa kaarawan ni Padre Castor. Eh nabuking na kami ngayon. Maligayang kaarawan, Padre Castor!” pagbati ni Hermana Luciana.
Matapos niyon, nagsilitawan na ang iba pang mga hermano at hermana at binati ang kura-paroko.
Pahiyang-pahiya naman si Hermana Arminda sa kaniyang ginawa. Isa pa, bukod-tanging siya lamang ang nakalimot na kaarawan nga pala ni Padre Castor, at napag-usapan na nila ang gagawing sorpresa ng mga lingkod ng simbahan para sa kaniya.
Kaya naman, inis na inis ang mga hermano at hermana kay Hermana Arminda dahil sa ginawa niya. Napagtanto niya na hindi dapat magpadalos-dalos sa mga hakbang na ginagawa, at hindi dapat maging mapanghusga sa kapwa.