Inday TrendingInday Trending
Nabulyawan ng Ginang ang Matandang Lalaki na Inakala Niyang Sisingit sa Pila sa Community Pantry; Nagulat Siya Nang Malaman ang Pakay Nito

Nabulyawan ng Ginang ang Matandang Lalaki na Inakala Niyang Sisingit sa Pila sa Community Pantry; Nagulat Siya Nang Malaman ang Pakay Nito

Tuwang-tuwa si Aling Margaret nang mabalitaan sa kanilang kapitbahay na may itatayong community pantry sa kanilang lugar.

“Ay sige, pipila nga ako mamaya riyan,” saad ni Aling Margaret sa nagbalita sa kaniyang si Aling Caridad.

“Bakit pipila ka pa eh sabi mo marami ka namang pera at hindi naman nagmimintis si Estong sa pagpapadala ng pera sa iyo mula sa abroad?” sarkastikong tanong ni Aling Caridad kay Aling Margaret. Lagi kasing ibinibida ni Aling Margaret ang malaking perang sustento ng mister na nagtatrabaho bilang karpintero sa Abu Dhabi.

“Eh wala namang masama ah. Masarap pa rin ang libre,” tugon ni Aling Margaret.

“Ipaubaya mo na lang sa mga walang-wala, ikaw talaga… yung walang asawang abroad,” muling parunggit ni Aling Caridad.

Tinitigan ni Aling Margaret ang kaniyang kapitbahay. Minsan may mga banat itong tila naiinggit ito sa mga pinagyayabang niya. Hinayaan na lamang niya.

Sadya kasing mapagmalaki si Aling Margaret pagdating sa mga ipinapadalang pera at kagamitan sa kaniya ng asawa. Wala siyang malay sa kung anuman ang nararamdaman ng kaniyang mga kapitbahay sa tuwing nagkukuwento siya, na masarap ang ulam nila, o may bago silang kasangkapang de-kuryente sa bahay, o kung malaki-laki ang padalang pera sa kaniya.

Hindi naman siya nagmamayabang, subalit kung iyon ang tingin ng mga kapitbahay niya, wala na siyang magagawa sa bagay na iyan.

Bandang hapon ay pumila na nga sila sa community pantry na inilunsad ng pamunuan ng kanilang barangay. Mahaba ang pila.

Habang nakapila si Aling Margaret, may narinig siyang nagparinig.

“Hay naku, sana naman yung mga nakakaangat-angat sa buhay ay magprinsintang maglagay sa ating community pantry, ano? Hindi yung makikipag-agawan pa,” saad nito.

Hindi na lamang pinansin ni Aling Margaret ang sinabi ng nagpaparinig. Halata kasing pinatatamaan siya. Bakit kailangang magbigay? Kaya nga community pantry eh, hindi ba’t kukuha?

Mabilis lamang ang pila kaya naman nang turno na ni Aling Margaret sa pagkuha, medyo naparami ang paghakot niya sa mga de lata at iba pang mga pampalasa para sa pagkain. Maya-maya, may nagparinig na sa kaniya.

“Magtira naman po… may mga susunod pa!”

Ngunit hindi ito pinansin ni Aling Margaret. Patuloy lamang siya sa paghakot. Maya-maya, may lumapit na matandang lalaki sa kaniya. Sa tantiya niya ay mahirap ito. Akala niya, sisingit ito sa kaniya kapag pinagsabihan niya.

“Hoy manong, bawal ang singit dito. Doon kayo sa dulo. Alam ko wala ka nang makain sa hitsura mong iyan, pero huwag kang maningit. May mga nauna pa sa iyo,” dire-diretsong saad ni Aling Margaret na ikinagulat ng lahat.

Tila napahiya naman ang matandang lalaki, na may dala-dalang mga gulay kagaya ng sibuyas, malunggay, talong, ampalaya, at sigarilyas. Hindi ito kumibo. Inilapag nito ang mga bitbit na gulay sa pantry.

“Ineng, hindi kita sisingitan sa paghakot mo ng mas marami pa sa pangangailangan mo. Narito ako upang maglapag. Kukuha rin naman ako pero s’yempre, kailangan ko ring magbigay batay sa kakayahan ko. Hindi ako sisingit. Hindi naman makapal ang mukha ko,” malumanay na paliwanag ng matandang lalaki.

Pulang-pula naman ang mukha ni Aling Margaret sa labis na kahihiyan. Parang nais niyang lumubog sa kaniyang kinatatayuan. Nagbubulungan na ang mga kapitbahay at kalugar niya, habang ang iba naman ay may nakatutok na cellphone sa kaniya. Walang lingon-likod na umuwi na siya sa kanila matapos makahakot ng mga pagkain at sangkap sa pagluluto mula sa community pantry.

Kinabukasan, laman na ng usap-usapan ng kaniyang mga kapitbahay si Aling Margaret. Marami ang ibinabatong isyu sa kaniya.

Una, ang ginawa niyang paghakot ng maraming mga pagkain sa community pantry na kung tutuusin ay hindi naman niya ganoon kailangan.

Pangalawa, ang ginawa niyang paninigaw sa matandang lalaking nag-ambag sa pa sa community pantry. Dinugtungan din nila ito na masyado itong mapanghusga sa kapwa. Ang simpatya ng mga tao ay nasa matandang lalaki.

Halos isang buwan ding hindi lumabas ng kanilang bahay si Aling Margaret. Kung may kailangan man siyang bilhin o bayaran sa labas, ito ay pinakikisuyo niya sa kaniyang mga anak. Hiyang-hiya pa rin siya sa kaniyang ginawa.

Marami siyang napagtanto habang siya ay nagninilay sa kaniyang mga ginawa.

Una, hindi lamang dapat kuha nang kuha. Dapat marunong ding magbigay batay sa kung ano ang kakayahan.

Pangalawa, kailangang huwag husgahan ang isang tao batay sa kaniyang kaanyuan. Hindi dapat nangmamaliit ng kapwa. Minsan, kung sino pa ang mukhang walang-wala ay siya pang nagbibigay.

Sa sumunod na mga pagpila sa mga community pantry ay nagsimula na ngang maglagay ng mga pagkain at iba pang mga pangunahing pangangailangan sa bahay si Aling Margaret, na bukal sa kaniyang puso at kakayahan.

Advertisement