Inday TrendingInday Trending
Hindi Napigilan ng Nobyo ang Babaeng Ito na Magtungo sa Japan; Dapat nga Bang Ipamigay ang Anak Nila sa Iba Para Lamang Magawa Ito?

Hindi Napigilan ng Nobyo ang Babaeng Ito na Magtungo sa Japan; Dapat nga Bang Ipamigay ang Anak Nila sa Iba Para Lamang Magawa Ito?

“Huwag mo akong iwan, mahal… hindi mo na ba kami mahal ng anak mo ha?”

Nagmamakaawa ang live-in partner ni Osang na si Fred habang tangan nito ang tatlong buwang gulang nilang sanggol na si Teddy. Nasa paliparan sila, at nakatakda na ngayon ang pagtakas ni Osang upang makapunta sa Japan, upang makapagtrabaho siya bilang isang entertainer.

Inilihim niya kay Fred ang pagproseso ng kaniyang mga dokumento dahil tiyak na hindi siya papayagan. Matagal na sana siyang nakaalis subalit nabuntis nga siya. At ngayong nakapanganak na siya, muli siyang tinawagan ng recruitment agency. Sayang na sayang kung hindi siya matutuloy.

Ngunit mas matinik si Fred. Hindi nalingid sa kaniya ang mga plano ni Osang. Kaya binuntis niya kaagad ito. Akala niya, tapos na ang pangarap na iyon ni Osang nang magkaroon sila ng anak. Doon siya nagkakamali.

Kaya ngayon, nasa paliparan siya kasama ang kanilang sanggol upang pigilan pa ito sa huling pagkakataon. Alam niya ang detalye ng alis nito. Nang palihim itong umalis ng bahay kaninang madaling-araw, nakahanda na rin ang kotse ng kaniyang kaibigan upang sundan ang inupahan nitong sasakyan sa pamamagitan ng isang application, patungo sa terminal 3 ng paliparan.

“Maawa ka naman sa amin ng anak mo, Osang. Huwag mo kaming iwanan. Sapat naman ang kinikita ko sa trabaho ko para mapakain at mabuhay ko kayo. Sapat naman ang ibinibigay ko sa iyo para mabili mo ang mga luho mo,” umiiyak na sabi ni Fred.

“Pabayaan mo na ako, Fred. Ang totoo niyan, ayoko talagang magka-baby. Ayoko na sa iyo. Hindi na kita mahal. Sa Japan, magsisimula ako ng panibagong buhay. Kaya umuwi na kayo ni Teddy dahil malapit na ang flight ko. Ilang minuto na lang…” pakiusap ni Osang kay Fred.

Nagbago ang timpla ng mukha ni Fred.

“Kung ganoon, wala na akong magagawa. Sige. Kung iyan ang ikapapanatag ng loob mo. Pero may hiling lang ako sa iyo. Yakapin mo naman ang anak natin sa huling pagkakataon. Halikan mo siya, pakatitigan, dahil baka ito na ang huling beses na magkikita kayo. Hindi ko alam kung babalikan mo pa kami.”

Tumalima naman si Osang. Kinarga niya ang sanggol. Tinitigan ang maamong mukha nito. Nagpaalam saglit si Fred na magtutungo lamang sa palikuran.

Buo na sa kaniyang desisyon na iwanan ang mag-ama dahil ayaw niya sa buhay na mayroon sila ngayon. Wala siyang ibang nakikita kundi ang pagtupad sa kaniyang pangarap na makapagtrabaho sa Japan at makapangasawa ng mayamang Hapon.

Subalit nang makita niya ang maamong mukha ng kaniyang anak, may kung anong kurot sa kaniyang puso ang nangibabaw, na para bang nagmamakaawa ito sa kaniya, na huwag siyang iwanan.

Maya-maya, narinig na ni Osang ang pagtawag sa mga pasahero ng flight na kaniyang kinabibilangan.

Hindi pa rin bumabalik si Fred.

Nagtungo siya sa pinuntahan nitong palikuran subalit wala ito roon. Hindi siya maaaring mahuli dahil malaki ang babayaran niya kapag hindi siya nakaabot.

Saka niya napagtantong kaya ibinigay ni Fred ang kanilang anak sa kaniya, ay upang hindi siya makaalis. Siyempre, hindi niya maaaring dalhin ang sanggol.

Wala na siyang pamimilian. May nakita siyang staff na nagtatrabaho sa paliparan.

“Miss, miss, may nakaiwan ng sanggol, hindi ko alam kung sino ang mga magulang. Pakikuha na kasi flight ko na eh.”

Dahil sa pagkataranta, kinuha naman ito ng babaeng staff. Agad namang nagtatatakbo si Osang upang hindi siya maiwanan ng kaniyang flight.

Matagumpay naman ang mga unang tatlong buwan ni Osang sa Japan bilang isang entertainer. Malaki ang kaniyang kita, at sa katunayan, siya talaga ang hinahanap ng mga parukyano sa club na kaniyang pinagtatrabahuhan. May manliligaw rin siyang negosyanteng Hapon na nangako sa kaniyang mahihiga siya sa mga ‘lapad’ kapag pumayag siyang pakasalan ito.

Subalit may tatlong buwan na ring hindi nakakatulog nang maayos si Osang. Hindi siya makakain nang maayos. May mga sandaling natutulala siya at bumabalik sa Pilipinas ang kaniyang isip.

Tila naiwanan niya ang puso niya sa paliparan.

Iniisip niya kung ano ang nangyari sa kaniyang anak. Nadudurog ang puso niya kapag sumasagi sa isipan niyang literal na ipinamigay niya ang anak sa taong hindi niya kakilala. Sinong matinong tao ang gagawa niyon? Sinong may matinong pag-iisip na ina ang gagawa niyon?

Kaya naman, sa ikaapat na buwan nang kaniyang pananatili sa Japan, isang desisyon ang ginawa niya: babalik siya sa Pilipinas. Hahanapin niya ang anak niya.

Sa pagtuntong niya sa paliparan, ang una niyang hinanap ay ang babaeng staff na pinag-abutan niya nang kaniyang sanggol. Subalit batay sa tala ng paliparan, ang naturang babae ay nagbitiw na sa kaniyang tungkulin.

“Saan kaya niya dinala ang sanggol na ibinigay ko sa kaniya? Hindi ba ninyo natatandaan?” humahagulhol na tanong ni Osang sa iba pang staff na kaniyang napagtanungan.

“Ay kayo ho ba iyong nakapulot ng sanggol na ibinigay sa kaniya apat na buwan na ang nakalilipas? Naibalik naman ho sa tatay ng bata. Nilapitan ho siya, at nagpakilalang siya ang tatay ng bata,” kuwento ng isa.

Si Fred. Si Fred ang tinutukoy nito. Nakahinga nang maluwag si Osang. Tila may nabunot na tinik sa kaniyang puso.

Pero paano niya haharapin ngayon ang kaniyang mag-aama sa kabila ng mga ginawa niya?

Abot hanggang langit ang kagustuhan ni Osang na masilayan, mayakap, at mahagkan ang kaniyang anak, pati na rin si Fred. Napakalaki ng kaniyang pagkakasala. Nilamon siya ng kaniyang malaking ambisyon para sa kaniyang sarili.

Subalit matutuldukan lamang ang mga bagay na bumabagabag sa kaniyang isip at puso kung lulunukin niya ang kaniyang mga pangamba at alinlangan. Kailangan niyang harapin ang mga ito. Kailangan niyang harapin ang anak. Si Fred.

Makalipas ang isang oras at kalahating biyahe, nasa harapan niya na ngayon ang gulat na gulat na si Fred habang kalong nito ang kanilang anak. Pinadedede sa pamamagitan ng bote.

“A-Anong ginagawa mo rito?” puno ng hinanakit na tanong ni Fred kay Osang.

Nagsimulang maglandas ang luha sa mga mata ni Osang.

“A-Alam kong walang kapatawaran ang ginawa ko sa iyo Fred at sa baby natin… walang kuwentang ina ang ipamimigay sa ibang tao ang kaniyang anak dahil lang may ambisyon siya sa sarili niya na gusto niyang matupad. Pero sana, Fred, mabigyan mo pa ako ng pangalawang pagkakataong makasama kayo. Oo masayang maabot ang ambisyon pero kung wala ka namang pag-aalayan nito, balewala rin,” paliwanag ni Osang sa gitna ng paghagulhol. Umaagos pati ang uhog niya.

Si Fred naman ang nagpaliwanag. Bumuhos na rin ang emosyon.

“Alam mo ba kung gaano kasakit sa akin yung makita kong iniabot mo sa ibang tao si Baby Teddy? Nakamasid lang ako mula sa malayo, tinitingnan ko kung anong gagawin mo. Kung handa mo bang ipagpalit ‘yang pagja-Japan mo sa anak mo, sa pamilya mo. At ang sakit dahil ginawa mo nga. Hindi mo alam kung gaano kasakit ‘yon, Osang. Para kaming basura sa buhay mo na basta mo na lang itinapon!”

“Patawarin mo ako, Fred! Aaminin ko, binulag ako ng pera. Pero napagtanto ko, hindi ako masaya sa desisyon ko. Sana mabigyan mo ako ng pagkakataong makabawi sa inyo ni Baby Teddy…” at nanikluhod na si Osang.

Inilapag ni Fred si Baby Teddy sa kuna, at nilapitan si Osang at niyakap ito. Gumanti naman ng yakap si Osang. At iyon na ang hudyat ng kanilang pagkakapatawaran.

Masayang nagkabalikan sina Osang at Fred, at walang oras na hindi kinakarga, hinahaplos, at hinahagkan ni Osang ang kaniyang anak.

Makalipas ang ilang taon, hiningi ni Fred ang mga kamay ni Osang. Nagpakasal sila.

Masayang-masaya si Osang. Hinding-hindi na niya ipagpapalit ang ambisyon para sa kaniyang mag-ama.

Advertisement