Inday TrendingInday Trending
Bumalik sa Kolehiyo ang Dalagang Ina Upang Mabigyan ng mas Maginhawang Buhay ang Sarili at ang Anak; Sino’ng Mag-aalaga sa Kaniyang Unico Hijo?

Bumalik sa Kolehiyo ang Dalagang Ina Upang Mabigyan ng mas Maginhawang Buhay ang Sarili at ang Anak; Sino’ng Mag-aalaga sa Kaniyang Unico Hijo?

“’Ma, gusto ko pong bumalik sa pag-aaral.”

Napatingin si Aling Lourdes sa kaniyang anak na si Meryl, 23 na taong gulang, na sana ay nakatapos na ng pag-aaral, subalit nabuntis ng kaniyang nobyo na hindi naman siya pinanagutan.

“Sigurado ka? Wala tayong extrang pera para kumuha ng yaya para kay Janjan. Hindi rin naman ako puwedeng magbitiw sa trabaho. Wala ka namang trabaho,” tugon naman ni Aling Lourdes. Si Aling Lourdes ay nagtatrabaho bilang isang staff sa isang sangay ng pamahalaan. Bukod dito, nagsasagawa rin siya ng online selling ng banana cake na nakakatulong din naman talaga para sa panggastos nila sa gatas at iba pang mga pangangailangan ni Janjan.

“Naisip ko kasi Ma, isang taon na lang naman at tapos na ako sa kurso kong Edukasyon. Kapag nakatapos na ako, puwede na akong mahanap ng trabaho sa mga pribadong paaralan. Makatutulong na ako sa iyo. Nahihiya na ako sa iyo, Ma. Marami na akong kalokohang ginawa sa iyo. Gusto ko namang makabawi,” medyo naluluhang sabi ni Meryl.

Nabuntis kasi siya noong nasa Ikatlong Taon siya ng pag-aaral sa kolehiyo. 18 taong gulang siya noon, at hindi niya ipinaalam sa kaniyang ina na may nobyo siya. Kinailangan niyang tumigil sa pag-aaral. Hindi siya pinanagutan ng kaniyang nobyo dahil may asawa na pala ito, at nang malamang nagdadalantao siya ay nagpakalayo-layo na.

Hindi na naghabol pa si Meryl dahil nga estado nito. Ngunit, pinanindigan niya ang kaniyang pagbubuntis, sa kabila ng bulong ng mga demonyo sa kaniyang isipan na ipalaglag niya ang dinadala, dahil bunga ito ng pagkakasala niya.

Mabuti na lamang at nariyan ang kaniyang inang si Aling Lourdes na siyang umagapay sa kaniya. Biro nito, parang nangyari raw sa anak ang kagag@hang ginawa niya noong siya ay nasa edad din nito. Nakikita raw niya ang sarili sa anak.

“Ikaw ang bahala. Eh paano si Janjan? Kanino mo siya ipapaalaga habang nag-aaral ka?” tanong ni Aling Lourdes.

“Puwede ko naman po siyang isama. Dati po may mga gumagawa po niyan sa amin kaya susubukan ko lang po.”

Pumayag naman si Aling Lourdes na maipagpatuloy ni Meryl ang kaniyang pag-aaral. Matapos asikasuhin ni Meryl ang mga kailanganin sa kaniyang muling pagbabalik, kinausap niya nang masinsinan ang kaniyang anak.

“Isasama kita sa school, anak, pero pangako mo sa akin na hindi ka iiyak doon o basta-basta maglalaro ha? Magagalit ang titser ko,” paalala ni Meryl sa kaniyang anak.

“Ano po yung titser, Mommy? Ano po yung school?” inosenteng tanong ni Janjan habang naglalaro ng kotse-kotsehan.

“Anak, ang titser ay taong nagtuturo at nagbibigay ng kaalaman sa mga kagaya mong bata, at ang school naman, doon nagpupunta ang mga batang gaya mo para matuto. Pero sa ngayon, si Mommy muna ang mag-aaral. Sa susunod na taon, ako na ang magiging titser,” paliwanag ni Meryl.

“Magiging titser din po ba kita? Papasok din po ba ako sa school?”

“Oo naman anak, Kapag naaabot mo na ang tenga mo. Sige nga, abutin mo ng kanang kamay mo ang kaliwang tenga mo…”

At ginawa nga ng bata. Hindi nito naabot.

“Oh kita mo, hindi mo naabot. Kaya sa susunod na taon, sigurado na iyan, abot mo na iyan at papasok ka na rin sa school. Pero sa ngayon, sasamahan mo muna si Mommy kapag papasok ako sa school,” dagdag pa ni Meryl.

Kaya naman, nang magbukas na ang mga klase ay lagi-laging kasama ni Meryl si Janjan. Bukas naman ang pamantasan sa mga sitwasyong kagaya ni Meryl kaya wala nang sumita sa pagsasama niya kay Janjan. Nagbigay rin kasi siya ng liham sa dekano ng kolehiyo upang ipaliwanag ang kaniyang sitwasyon.

Kilala na nga siya ng mga security guards. Tahimik lamang ito sa loob ng kanilang silid-aralan, palibhasa ay dala-dala rin nito ang kaniyang bag na naglalaman ng ilan sa kaniyang mga laruan.

Naging katuwang naman ni Meryl ang kaniyang mga kaklase sa pagbabantay kay Janjan dahil cute na cute sila sa bata. Minsan, ilan sa kanila ang sumasama sa kaniya sa palikuran, o kaya sa kanilang kantina upang bumili ng pagkain nito.

Natutuwa rin naman ang mga propesor ni Meryl at madalas ay binibigyan pa ng pagkain o pera si Janjan.

Sa buong panahon ng pag-aaral ni Janjan ay hindi naman siya nagpasaway sa kaniyang Mommy. Minsan, pinapanood lamang niya ang mga propesor habang nagtuturo sila sa harapan ng klase. O kaya naman, naglalaro siya. O kaya naman, natutulog na lamang siya. May dala-dala naman kasi silang yoga mat.

At dumating na nga ang araw na pinakahihintay ni Meryl: ang kaniyang pagtatapos. At siyempre, kasama niyang dumalo sa kaniyang pagtatapos si Janjan. Hindi lamang ito nanood kundi isinama rin niya sa pagkuha ng diploma sa entablado.

Matapos ang pagkakapasa sa board exam ng mga guro ay sumabak na nga sa pagtuturo si Meryl. Lagi niya pa ring kasama si Janjan sa paaralan. Pero sa puntong ito, inihahatid niya kasi si Janjan dahil pumapasok na rin ito bilang mag-aaral.

At dahil nasanay na si Janjan sa paaralan, hindi na siya umiyak o nagmaktol. Siya pa nga minsan ang katuwang ng guro sa pagpapatahan sa kaniyang mga kaklaseng pumapalahaw ng iyak. Lagi niyang pinapaalala sa kanila ang laging bilin ng kaniyang Mommy; na kapag nasa loob ng paaralan, bawal umiyak at mag-ingay.

Napagtanto ni Meryl na walang edad, panahon, o sitwasyon ang maaaring magdikta sa kung paano mo itatama ang iyong nakaraan.

Advertisement