Pagpatak ng alas siyete ng umaga ay tumunog na ang bell ng eskwelahan, tanda na flag ceremony na. Kailangan ay nasa field na ang mga estudyante ng high school.
Nagmamadaling tumakbo si Arjay, nakasalubong niya pa ang kaibigang si Michael na hinihingal na rin. Pagagalitan kasi sila ng kanilang adviser pag nalaman nitong di sila naka-attend ng flag ceremony.
“Nanay mo p’re,” nakuha pang magbiro ng kanyang kaibigan nang mapansin nila sa isang gilid si Sanshay, ang babaeng may diperensya sa utak na palaging nakatambay sa gate ng kanilang eskwelahan.
Iyon ang naging bansag rito dahil palaging naka-tirintas ang buhok nito sa dalawa. Pareho ng style sa buhok ng bida sa nauso noong Asianovela na ‘Meteor Garden’.
“Ul*l.” sabi niya tapos ay mas binilisan ang takbo. Mabuti na lang ay nakaabot sila bago itaas ang watawat. Iyon nga lang, tinapunan sila ng masamang tingin ng kanilang adviser.
First year highschool si Arjay. Private school itong kanyang pinapasukan, maganda naman kasi ang trabaho ng kanyang ama na nasa ibang bansa. Tanging mga tiyahin lamang ang kasama niya. Sa probinsya siya ipinanganak pero pagtungtong niya ng grade 4 noon ay lumipat na sila sa Maynila.
Mabilis lumipas ang oras at sumapit na ang lunchbreak ng mga estudyante. Napagkasunduan ni Arjay at ng kanyang mga kaibigan na kumain sa tapsihan sa tapat ng eskwelahan.
“Lalabas pa kasi, dito nalang.” wika niya.
“Nakakasawa na ang hotdog ni Ate Susan! Kuluntoy, halatang ilang beses nang ininit.” reklamo ni John, isa sa barkada niya.
“Oo nga. Tsaka masarap ang sabaw sa tapat. Tara na p’re. Kailangan may laman ang kukote natin later kasi may chapter test tayo. Baka maging kasing tuyot ng mga pagkain rito ang score natin.” sabi naman ng isa pa.
Sa kawalan ng magawa ay pumayag na rin ang binatilyo. Patawid na sila nang makita si Sanshay, nakatayo ito sa isang gilid at namimigay ng papel.
“Yes sir, downpayment sir. After downpayment, monthly na po. Yes sir.” ngiting-ngiti pa ito.
Pati mga barkada niya ay nangiti, paano naman kasi, walang kausap ang babae!
At ang papel na ipinamimigay nito ay pulos basura. Ganoon lagi si Sanshay, may bitbit na maleta at kung anu anong ‘dokumento’.
“G*go p’re matalino raw dati yan,” komento ng isa.
“Oo nanay mo yan eh.” biro naman ng isa pa.
“Tara na nga, puro katarantaduhan eh. Gutom na ako.” yaya ni Arjay kaya tumawid na sila.
Nang pabalik na ang mga binatilyo ay nagulat na lamang sila dahil nagkakagulo ang mga tao.
“Naku si Sanshay, sinumpong na naman.”
Bago pa sila makakilos ay sumulpot na ang babae sa kanilang harapan at isa-isa silang niyakap.
“Hmm, bangu-bango! Baby!” sabi nito sa isang kaibigan niya. Hindi naman sila makapalag dahil baka manakit ang ginang.
Nang makarating na ito kay Arjay ay hinipo pa ang dalawang pisngi ng binatilyo, “Baby.”
Nanlaki ang mata niya at nakaramdam ng pagkailang kaya mabilis siyang pumalag. Pero ayaw siyang bitiwan ni Sanshay.
“Baby!” sigaw nito.
“Ano ba!” sa gulat ay napasigaw na rin si Arjay. “S-Sorry. Bitiwan ninyo po ako,” sabi niya bago buong pwersang kumawala rito. Nagtatakbo siya papasok sa loob, sinundan naman siya ng mga kaibigan na natakot rin.
Pagsapit ng uwian, tulala pa rin ang binatilyo. Ang lakas ng tibok ng puso niya.. hindi mawala sa sistema ang eksena kanina.
“Pare nakatingin nanay mo,” biro ng kanyang kaklase habang palabas sila ng gate.
Naroon nga si Sanshay, nakatanaw. Umilap naman ang mata ni Arjay dahil baka gawin na naman ng babae ang ginawa nito kanina kung makikipagtitigan siya.
Lumakas ang loob niya, dahil may guard naman sa gate ay nilapitan niya ito. Sa pagitan ng rehas na harang ay nagsalita siya.
“Wag mo na akong lalapitan ulit o tatawag ako sa daddy ko at ipapupulis ka namin.” may pagbabantang sabi ng binatilyo.
Naglakad siya palayo na malakas pa rin ang tibok ng puso. Sa sobrang lalim ng kanyang pag iisip ay di niya na namalayan na malapit na pala siyang mabundol ng nagmamadaling kotse. Huli na nang marinig niya ang busina noon.
Nangatog siya sa takot nang magsigawan ang mga tao at inaasahan niyang masasaktan siya pero… may tumulak sa kanya. Ang kasunod niyang nasaksihan, nakatumba siya sa isang gilid. Huminto na ang kotse at may dugo ang unahan noon. Tanda na mayroong nasaktan.
Pagtingin niya sa bandang ilalim ay naroon ang nag-aagaw hiningang si Sanshay.
Nanlaki ang mata ni Arjay, hindi makapaniwala.
“Nay!” sigaw niya.
Natigagal ang mga taong nakaharap, kapwa sa aksidente at sa rebelasyon niya ngayon.
Tama. Nanay niya nga ang baliw.
Masaya silang namumuhay noon sa probinsya nang magkaroon ito ng ibang lalaki. Umuwi sila ng kanyang ama rito sa Maynila pero nakasunod lang si Vivian, ang kanyang nanay. Ahente ito ng mga lupa.
Inilayo siya rito ng papa niya hanggang sa sobrang lungkot ay kumapit ang babae sa bisyo at ito nga, naapektuhan na ang utak. Bagamat nakatatak siguro rito na dalawin siya palagi kaya nakatambay pa rin sa kanyang eskwelahan.
Kaya lang ay malalim na ang galit ni Arjay at idagdag na ring ikinahihiya niya ito kaya hindi niya maamin sa mga kaklase na totoo nga ang biruan nila.. ito ang ina niya.
Pero ang makita itong nabundol, nag aagaw buhay para iligtas siya, masakit pa rin pala. Sobra.
“N-Nak… patawarin mo si nanay,” huling salitang sabi nito bago tuluyang nawalan ng hininga.
Napahagulgol na lamang ang binatilyo. Labis ang hapdi na kanyang nararamdaman.
Nagsisisi sa mga panahong di niya ito pinansin. Sana pala ay binigyan niya ito ng pangalawang pagkakataon. Marahil ay nagkamali ito bilang asawa pero kailanman ay di naman nagkulang bilang ina.