Ilang araw nalang ay ikakasal na si Alex sa nobyang si Lyca. Anim na taon na rin silang magkasintahan kaya napapanahon na ring mag-settle down. Tutal, nasa tamang edad na naman sila pareho.
“Hello babe? Pasensya kana baka ma-late ako ng daan diyan sa inyo. Kasi katatawag lang sa akin ni Mark, emergency raw eh.” wika ng binata sa nobya, kausap niya ito sa kabilang linya.
Naging ugali niya na kasi na pagkatapos ng trabaho ay sunduin ito sa opisina. Kung hindi naman na umabot ang oras at nauna na ang babae ay pupuntahan niya na lamang ito sa bahay. Kahit na malayo, ang importante ay makita niya ito. Para sa kanya, si Lyca ang nag aalis ng kanyang pagod sa maghapong paghahanapbuhay.
“Okay lang naman babe. Basta mag ingat ka please. And update mo ako every now and then.” bilin ng babae.
Ilang sandali pa ay natapos na rin ang tawag at sumakay na si Alex sa kotse niya, binaybay ang daan patungo sa condominium ng kaibigan.
Tinanguan lang niya ang guard at binati ang receptionist, kilala na kasi siya ng mga ito. Sumakay na siya sa elevator at naglakad patungo sa tinitirhan ni Mark.
Sinubukan niyang pihitin ang seradura, karaniwan naman kasing hindi naka-lock iyon. Lalo pa at inaasahan na ng binata na darating siya ngayon.
“Mark?” tawag niya pero walang sumasagot.
Naglakad siya papasok sa loob at nagulat na lamang nang may biglang humaltak sa braso niya. Madilim ang paligid pero tiyak niyang lalaki iyon dahil malakas ang kapit. Itinulak siya nito kaya napaupo siya sa sofa. Noon din ay umilaw ang maliliit na disco lights at nagtawanan ang apat niyang barkada.
“T*ngina pare ano to?” natatawang wika niya.
Inabutan siya ng nakangising si Mark ng isang bote ng alak.
“Hay*p ka akala ko ba may problema ka?” kantsaw niya rito.
Nginitian siya ng binata, “Ikaw naman. Kahit na kailan ay uto-uto ka! Syempre pakulo ko lang iyon dahil di ka naman pupunta pag niyaya lang kita. Busy-busyhan ka sa kasal mo eh.”
“Speaking of your nalalapit na pagka-bitay, kaya nga tayo nandito. Para i-celebrate ang pagiging binata mo. Aba ‘tol, sa mga susunod na araw ay hindi na libre itong ganito. May misis kanang tatalak sayo.” sabi ni Tyler, ang pinakanaunang nag-asawa sa kanilang magkakaibigan.
Tanging iling na lamang ang isinagot niya. Lintik, na-set up siya. Surprise party pala ito para sa kanya.
Masaya silang nagkwentuhan at nag inuman. Kinapa niya ang cellphone upang i-text sana si Lyca pero nagulat siya nang wala na iyon sa kanyang bulsa.
“Kinuha namin. This is your night pare, forget about her muna!” wika ng mga kaibigan niya.
Bago pa man siya makasagot ay muli na siyang itinayo ng mga ito. Dahil sa kalasingan ay di na siya nakapanlaban pa. Kinaladkad siya ng mga lalaki papasok sa kwarto.
“Akala mo iyon lang ang surprise? Meron pa! Mas masarap tong inihanda namin pare,”
“Ano na naman?” nakaangil na sabi niya. Pero nanlaki ang kanyang mata sa kasunod na sinabi ng mga kaibigan.
“May nag-stag party ba na walang chicks? Syempre wala! Ise-celebrate nga ang kabinataan eh. Pare, tikman mo nang tikman magpakasawa ka!” sabi ng mga ito bago ini-lock ang pinto.
“Pare huy! T*ngina wag huy!” sabi niya.
Naglakad siya sa dilim at pilit na hinanap ang switch ng ilaw.
Nagulat na lamang siya nang may humaplos sa kanyang dibdib.
“Diyos ko po.” bulong niya.
Hindi pa nakuntento ang babae, hinimas-himas nito ang kanyang braso at pinasadahan rin ng daliri ang kanyang batok. Kinuha nito ang kamay niya at sinamyo iyon.
Pilit siyang pumapalag pero mapilit ang babae. Itinulak na nga siya nito sa kama at sinimulang hubarin ang sapatos niya.. medyas.. nang makarating na sa zipper ng pantalon ay doon na humugot ng lakas si Alex upang bumangon.
“Miss.. w-wait lang okay?” sabi niya.
Napansin niyang huminto ito, bagamat hindi niya kita dahil nga sobrang dilim ay alam naman niyang nakatingin ito sa kanya.
Hinawakan niya ito sa dalawang balikat.
“Look, ayoko sanang mapahiya ka. Maganda ka..sigurado naman akong maganda ka. Pero hindi ako para sa ganito eh. Nauunawaan mo ba? Ayaw kong galawin ka dahil may respeto ako sayo at higit sa lahat, may respeto ako sa mapapangasawa ko. Mahal na mahal ko siya.
Kahit na gaano ako ka-lasing hindi ako tatablan kasi hindi ko.. hindi ko na ma-imagine ang sarili ko na nakikipagniig sa iba. Kasi laging mukha niya ang nasa isip ko- miss huy!”
Hindi niya na natapos pa ang sasabihin dahil hinalikan na siya ng babae. Takte, nalintikan na!
Pero teka, bakit parang… pamilyar?
“Miss?” untag niya sa pagitan ng paghalik.
“Mahal na mahal kita babe, salamat.”
Si Lyca!
Bago pa siya nakapagsalita ay bumukas na ang ilaw, naroon na ang mga nakangiting barkada niya at ang kinikilig niyang nobya. Parang nawala ang kalasingan ni Alex.
“Di ba Lycs? Sabi sayo eh, goodboy yan.” komento ni Mark.
Niyakap naman siya ng babae, “Baby, pinatunayan mo lang na tama ako ng desisyon. Lalo kitang minahal.”
Aba! Double set up na pala ang nangyayari sa kanya ngayon!
Natawa nalang si Alex.. atleast, kung may duda man sa isip ng girlfriend niya bago sila ikasal ay nawala na iyon ngayon. Bukod doon, masaya siya na napatunayan kung gaano niya ito ka-mahal.
Masayang ikinasal ang dalawa at ngayon ay masayang namumuhay kasama ng kapapanganak pa lamang na kambal nilang panganay.