Anim na taon nang nagsasama si Encie at Miyong. Biniyayaan sila ng dalawang anak, ang panganay ay apat na taong gulang habang dalawang taong gulang naman ang bunso. Sa kabila noon, hindi pa sila kasal.
Tuwing magpapahiwatig kasi si Encie ay palagi na lamang sinasabi ng lalaki na mahirap ang buhay at mas marami pang dapat na asikasuhin, na inuunawa niya na lamang. Ang mahalaga naman ay para na rin silang mag asawa dahil sa iisang bubong sila nakatira.
“Papel lang naman yan. Ang mga artista nga maski na ikinakasal, gumagastos pa sa reception at simbahan tapos maghihiwalay lang naman.” sabi ni Miyong isang gabi na kumakain sila ng hapunan.
“Sabagay. Oo nga pala mahal, sumahod ka na ba?” nananantyang wika ni Encie. Ayaw niya naman kasing lumabas na hinahanapan niya ito. Kaya lang ay ubos na ang bigas at wala na siyang isasaing.
Di na naman siya makakakuha sa tindahan dahil kinukulit na nga siya ng tindera noon, magbayad naman raw siya ng pagkahaba-haba nang listahan nila ng utang.
Inis na napabuntong hininga si Miyong, “O.” sabi nito tapos ay padabog na inilapag ang 700 pesos sa mesa. “Pagkasyahin mo na.”
Nagulat si Encie, “Pagkasyahin para sa isang linggo mahal?”
Tiningnan siya ng masama ni Miyong. “Pagkasyahin mo para sa dalawang Linggo at kalahati. Sa katapusan na ang sunod na bigay ko sa iyo.”
“Pero kulang na kulang ito-“
“Ano ang magagawa ko iyan lang ang kinita ko? Bwisit naman. Mukhang pera,” galit na sabi ng lalaki. Hindi na tinapos pa ang pagkain at lumabas ng bahay. Pabalibag pa nitong isinara ang pinto.
Naiwan ang babae na tulala at namomroblema.
“Hello? Nasaan ka? Kita naman tayo, nakakairita si Encie eh. Dala ko na rin itong pinapabili mong lipstick. Nakadaan ako sa bilihan ng make up kanina.” wika ni Miyong sa cellphone habang naglalakad palabas ng looban kung saan sila nangungupahan.
“Sabi ko naman kasi sayo, hiwalayan mo na yan. Magsama na tayong dalawa.” malanding sabi ni Hilda sa kabilang linya, ang kabit ng lalaki.
Nagkakilala silang dalawa sa pinapasukang pabrika. Walang kaalam-alam ang kawawang si Encie na matagal na siyang niloloko ng ama ng kanyang mga anak.
“Hindi pwede. May mga anak kami eh.”
“Bakit? Iyan lang ba ang pinanghahawakan mo? Hindi naman kayo kasal. Kung anak rin lang, eh di gumawa tayo ng sa atin. Para hindi na patagu-tago. Miss na kita,” pangungumbinsi pa ng babae.
Hindi na lamang sumagot ang lalaki. Sa totoo lang, matagal niya na ngang iniisip gawin ang bagay na iyon. Hindi niya lamang malaman kung paano mamamaalam kay Encie.
Hanggang isang hapon, di na siya nakatiis. Para kasi sa kanya ay nakakarindi ang hingi nang hingi ng pera, kahit na kung tutuusin ay para naman sa mga anak nila ang hinihingi ni Encie. Tsaka kakarampot lang rin kasi ang lagi niyang ibinibigay rito, kulang pa para sa tatlong araw na pagkain. Nauubos na kasi sa luho ni Hilda.
“Miyong ano ka ba naman paano naman kami ng mga bata? Diyos ko po naman,” di magkandaugagang sabi ni Encie. Inihaharang niya ang katawan sa pinto ng kwarto pero walang pakialam ang lalaki, tinabig siya nito.
Sa kanyang pagkakaupo sa sahig ay gumapang siya palapit sa paa nito at niyakap ang binti ni Miyong.
“Wag parang awa mo na… wag naman ganito!” hindi niya maunawaan, kahapon naman ay ayos sila. Ngayong gabing umuwi ito ay bigla na lamang nag empake.
Bumuntong hininga si Miyong, “Ayoko na Encie. Di ko alam kung manhid ka o t*nga lang talaga! May iba na ako! Matagal na. Magsasama na kami!”
Napatulala ang ginang. Sa totoo lang, alam niya. Minsan niya na kasing nakita ang larawan ng isang babae sa cellphone ni Miyong. Palagi ring may tumatawag rito sa madaling araw na ang pangalan ay ‘Hilda’. Hindi lang siya nagtatanong kasi nga.. natatakot siyang mangyari ang ganito. Pero wala, magaganap pa rin pala talaga.
Tinatamad na sumulyap si Hilda sa relo niya. Ang hitad, sumama pa talaga kay Miyong na kumuha ng gamit. Narito lang siya sa labas ng bahay at naghihintay.
Naisip niya, bakit nga ba narito siya? Hindi na naman siya itinatago diba? Siguro naman sa ngayon ay alam na ni Encie na siya na ang reyna.
Taas noong pumasok ang babae sa loob ng bahay at dinatnan niya ang dalawang batang umiiyak sa salas.
“Iiwan na kayo ng tatay ninyo,” nakangising pang aasar niya rito bago kinalampag ang pinto ng kwarto.
Binuksan iyon ni Miyong at nakumpirma niya kung bakit nagtagal ang lalaki. Nakapulupot kasi sa binti nito ang naglulupasay na desperadang si Encie.
Na-bato ang mukha nito nang makita siya.
“Kaawa-awa.” komento niya.
Tila nanlambot si Encie at nabitiwan si Miyong, dahilan para makahakbang na palayo ang lalaki. Nang makalapit ito sa kanya ay hinalikan niya ang nobyo sa harap mismo ni Encie. Iyak lang nang iyak ang babae.
“Lika na. Uwi na tayo,” ngiting tagumpay si Hilda.
Makalipas ang limang taon
Hindi malaman ni Hilda kung ano ang gagawin, naglulupasay kasi ang mga anak niya sa mall. May nakitang laruan ang apat na taon at isang taong gulang na mga bata.
Diyos ko, pambili nga ng makakain ay kapos sila, laruan pa kaya?
Pinagsisisihan niya na ngang napadpad siya rito. Sinundan niya lang naman kasi si Miyong mula nang makalabas ito sa trabaho, hinala niya kasi ay may babae ang kanyang asawa. Oo, pinakasalan siya nito.
Pakiramdam niya noon ay siya ang nanalo nang mapilit niyang magpatali ang lalaki pero mali pala.
Dito dumiretso ang lalaki at kumpirmado, may idine-date itong batang-bata. Pa-mall-mall pa, kaya walang maipakain sa mga anak niya. Magwawala sana siya kaya lang ay bitbit niya ang mga anak kaya umiiyak na lamang siyang lumayo, tapos ito naman.
“Nak, mahal kasi ‘yan. Bibili nalang tayo sa tindahan ng tsitsirya ha?” bulong niya sa bata. Pinipigil niya na lang ang sarili na maglupasay rin.
“Ayaw! Gusto ko po ito! Gusto namin ni Miya ‘to!” pagmamaktol ng bata.
“U-Uwi na tayo anak please lang.” sabi niya. Naiiyak na rin.
Nanliliit rin siya kasi kanina pa siya tinititigan ng mga saleslady at guard. Ang dumi kasi ng mga kasuotan nila. Baka akala ay magnanakaw sila sa tindahan ng laruan.
“Ma’am bibilhin ninyo po ba?” di na nakatiis na wika ng saleslady.
“Bibilhin. Pakidala mo na sa counter, babayaran ko.” wika ng isang pamilyar na boses.
Nang lingunin ni Hilda ang nagsalita ay napanganga siya.
“E-Encie?”
Tiningnan lang siya ng babae, may tipid na ngiti sa labi nito. Akay ang mga anak na ngayon ay malalaki na.
Di magawang magsalita ni Hilda. Titig na titig lang siya hanggang mabayaran nito ang mamahaling laruan at iabot sa anak niya.
“B-Bakit mo ito ginagawa?” di mapigilang tanong niya.
“Kung iniisip mong susumbatan kita o galit pa rin ako sayo, mali ka. Actually peace offering ko yan. Mahirap ang may kaaway, maliit ang mundo.Tingnan mo nga, di ko inaasahang magkikita ulit tayo. At dito pa.” simpleng wika nito.
“Hindi ka na galit sa akin?” gulat na tanong niya.
Umiling ang babae. Halatang naguguluhan pa rin si Hilda kaya nagpaliwanag ito.
“Alam mo noong kunin mo si Miyong akala ko ay katapusan na ng mundo ko. Pero mali pala, blessing in disguise na mawala siya dahil kung hindi.. hindi ko makikilala ang mabait at mapagmahal kong mister. Tanggap niya ang nakaraan ko at ang dalawa kong anak. Kaya mahirap mang paniwalaan, salamat Hilda.”
Sasagot pa sana si Hilda nang dumating ang isang disenteng lalaki at inakbayan si Encie.
“Hon halika na, naka-park yung kotse sa likod.” Nginitian siya ng lalaki dahil ipinakilala ito ng kaharap sa kanya. Tapos ay masayang naglakad palayo ang pamilya.
Doble sampal sa mukha ni Hilda ang kaganapan ngayong araw. Masarap sa pakiramdam na napatawad na siya ni Encie dahil siya man ay nagsisisi sa ginawa niya noon. Ito tuloy ang kinahinatnan ng kanyang buhay.
Laging tandaan, kung paano mo kinuha ang ganoong bagay ay ganoon rin kukunin sayo. Mabilis dumating, mabilis ring aalis.