
Isang Araw sa Likod ng Bus
Malakas ang buhos ng ulan at walang dalang payong ang dalaga. Mula sa unibersidad na pinapasukan niya ay mabilis niyang tinakbo ang agwat patungo sa nakahilerang mga bus.
Pinilit ng dalaga na makasakay agad ng bus dahil mas lalo lang siyang nababasa. Hindi maaari iyon dahil kagagaling lang niya sa sakit nitong mga nakaraang araw. Hindi na rin siya maaaring lumiban sa klase dahil baka hindi na siya makapasa.
Agad siyang niyakap ng lamig ng aircon. Palibhasa ay galing sa ulan at basa ang ilang parte ng kaniyang katawan.
Ngumuso ang dalaga nang wala na siyang makitang bakanteng upuan sa tabi ng bintana sa harapang bahagi ng bus. Iyon kasi ang paborito niyang pwesto. Dumiretso na lamang siya sa likod ng bus.
Ang isang estudyante na abala sa kaniyang cell phone ang nakaupo doon. Gayundin ang ginawa ng dalaga. Kinuha niya ang kaniyang cell phone at nagtipa ng mensahe sa kaniyang ama.
“Pauwi na po ako ngayon, tay! Ingat ka po sa trabaho!”
Ang tatay ng dalaga ay nagtatrabaho bilang isang pulis kaya naman doble ang kaba nito sa tuwing papasok ang ama sa trabaho. Alam kasi niyang delikado ang propesyon nito. Gayunpaman ay alam niya na mahal ng ama ang trabaho nito at handa itong gawin ang lahat para sa sinumpaan na tungkulin.
Ang totoo ay hindi naman sila tunay na magkadugo.
Noong bata pa lamang kasi ang dalaga ay palabuy-laboy lang siya sa kalye. Nawala kasi siya habang kasama niya ang kaniyang ina nang makita siya ng isang grupo ng mga pulis kung saan nabibilang ang ngayong kinikilala na niyang ama.
Tinanong siya ng pulis kung ano ang kaniyang pangalan, ang kaniyang mga magulang o kung saan siya nakatira. Ngunit dahil nga bata pa lamang siya ay wala siyang maisagot.
Hinanap ng pulis ang kaniyang mga magulang o pamilya at kinupkop na muna siya nito habang hindi pa sila nahahanap.
Mayroong asawa ang pulis ngunit ilang taon na silang kasal pero wala pa rin silang anak. Kaya siguro ganoon na lamang ang pagtanggap na nakuha niya sa dalawa na kahit na kailan ay hindi ipinaramdam sa kaniya ang katotohanan na hindi sila ang mga tunay niyang magulang.
“Ayaw mo na bang makita ang totoo mong pamilya?” tanong ng kinikilalang tatay ng dalaga nang sabihin niya dito na itigil na ang paghahanap sa kaniyang pamilya dahil halos magdadalawang dekada na ang lumipas.
Umiling ang dalaga. “Hindi naman sa ganoon, tay. Pero kung sa ilang taon mo nang paghahanap ay hindi mo pa din sila nakikita ibig sabihin lang nun ay wala talaga. Siguro ang dapat ko na lang asahan ay ang kapalaran.”
Hindi sumagot sa text ng dalaga ang kaniyang tatay. Malamang ay naka-duty pa ito.
May umupo sa tabi ng dalaga. Isang babae at isang bata. Bahagya pa siyang hinawakan ng bata sa braso.
Umandar na ang bus. Tinanggal ng dalaga ang suot niyang earphone habang nagbabayad sa konduktor. Pagkatapos ay narinig niya ang mumunting singhot ng katabi niyang babae na may kasamang bata.
Nag-angat ng tingin ang dalaga at nakita niya na umiiyak ang babae habang nakikipag-usap sa pamamagitan ng Messenger.
Siguro nga ay masama ang maging usisera dahil kahit na pigilan ng dalaga ang sarili ay hindi nakaligtas sa kaniya ang palitan ng mensahe sa cell phone ng babaeng katabi nito sa bus. Mukhang tungkol ito sa kaniyang asawa at anak.
Pansin rin ng dalaga ang maraming pasa ng babae. Hindi lang sa braso dahil meron din itong pasa sa mukha.
Nag-iwas ng tingin ang dalaga at muling nagsuot ng earphone. Hindi siya nagpatugtog. Nagpapanggap lamang siyang nakikinig ng musika.
Mayamaya ay tumunog na ang cell phone ng babae.
“Hello?” garalgal ang boses ng babae. “Aalis na ako. Hindi ko na kayang magtagal sa bahay.” Humihinto ito sandali upang makinig sa kausap.
“Hindi ko na kaya ang pananakit niya. Bakit ba kasi hindi niya ako mapatawad sa nangyari noon? Hindi ko ginusto na mawala si Joy. Bakit hanggang ngayon ay pinaparusahan niya pa rin ako?” Umiyak ang babae. Bakas ang pagsisisi sa boses nito.
Mukhang wala namang pakialam ang mga kapwa pasahero. Kung hindi sila naka-earphones ay tulog ang mga ito.
“Bakit ba kasi masyadong akong usisera?” tanong ng dalaga sa kaniyang isip. Natahimik siya sandali at tuluyan nang nakinig ng musika. Tumitig sa labas ng bintana.
Gayupaman ay hindi mawala sa isip ng dalaga ang katabi.
Ang mga magulang niya kaya? Ano ang naramdaman ng mga ito noong nawala siya? Sana ay hindi ganito. Sana ay hindi sila nagkasakitan. Dahil siya kahit na kailan ay hindi siya nagtanim ng sama ng loob.
Maaaring nawalay siya sa kaniyang tunay na pamilya ngunit dinala siya ng kapalaran sa kaniyang kinikilalang tatay at nanay ngayon na nagpalaki at nag-aruga sa kaniya. Ang pamilya na labis ang pagmamahal sa kaniya kahit na hindi niya kadugo ang mga ito.
Pinangako ng dalaga sa sarili na kung sakaling makita niyang muli ang kaniyang tunay na pamilya ay hindi siya makakaramdam ng galit. Magtatanong siya kung ano ang nangyari. Magpapatawad dahil iyon ang tinuro sa kaniya ng mga kinikilalang niyang magulang.
Huminto na ang bus. Pinauna ng dalaga ang mga kapwa niyang pasahero na bababa na rin ng bus pati na ang babae at ang bata na katabi niya.
Huminga ng malalim ang dalaga at napalingon sa puwestong inupuan ng mag-ina.
Nanlaki ang mga mata ng dalaga nang makita ang isang panyo.
Dahan-dahan niyang kinuha ang panyo. Dinukot niya ang kaniyang bag at kinuha ang kaparehong panyo na ayon sa kaniyang kinikilalang tatay ay nasa kaniya nang makita siya nito.
“Mama…” Nanginginig ang dalaga at mabilis na tumakbo palapit sa babae, sa kaniyang tunay na ina. Dinala ng kapalaran ang dalaga sa bagay na matagal na nitong inaaasam, ang muling makapiling ang tunay niyang pamilya.
Kasama ang kinilalang mga magulang, tunay na ina at nakababatang kapatid ay masayang namuhay si Joy sa isang tahanan na puno ng pagmamahalan.