Maraming kababalaghan na mga kuwento ang maririnig tungkol sa mga simbahan. Kesyo daw ito ang mas lalong pinamumugaran ng mga masasamang elemento, mga dem*nyo at kung anu-ano pa. May mga kuwento pa nga na may mga tiyanak daw na nagpaparamdam sa mga simbahan dahil sa mga anak ng madre na ipinal*glag.
Sa dinami-dami ng kuwento hindi naniniwala dito si Gigi.
Si Gigi na matagal ng miyembro ng choir ay buo ang paniniwala na ang simbahan ay sagrado at walang sinumang makasalanan ang makakapaglingkod dito.
Naniniwala si Gigi na ang mga taong naglilingkod sa simbahan ay mga pinili kaya naman hindi mo sila makikitaan ng anumang bakas ng kasamaan. Ang mga paniniwala na ito ay hindi naman nabuo sa isip ni Gigi nang walang basehan.
Bilang isang taong nagsisilbi sa simbahan ay kilalang-kilala na ni Gigi ang halos lahat ng mga naglilingkod sa simbahan nila ngayon sa San Andreas. Mula sa kanilang kura paroko, ang napakabait na si Father Gino, hanggang sa mga madre na naglilingkod din sa simbahan. Masasabi ni Gigi na gustung-gusto niya ang mga tao sa simbahan maliban sa isang partikular na madre. Si Sister Anabelle.
Si Sister Anabelle ay isang napakagandang madre. Kung hindi niya suot ang kaniyang abito ay iisipin ng iba na siya ay isang artista. Ngunit hindi siya kagaya ng ibang madre. Hindi palangiti si Sister Anabelle.
May mga madre kasi na nakausap na ni Gigi o nakakasabay na niyang kumain. O ‘yung masasabi niya na kilalang-kilala na niya talaga.
Ngunit iba si Sister Anabelle. Masyado itong misteryosa.
Hindi naman ito nakitaan ni Gigi ng masamang ugali. Sa katunayan ay napansin niya na mahilig ito sa mga bata. Ang kaso ay nakikita niya lang ito na ngumingiti kapag nakakakita ito ng mga bata sa simbahan.
“Gigi, alam mo na ba ‘yung balita?” tanong ni Cecille, kaibigan ng dalaga at isa ring miyembro ng choir habang nag-eensayo sila para sa misa sa Linggo.
“Ano na naman ‘yang chika mo? Ikaw talaga. Nasa simbahan pa naman tayo pero ang bibig mo walang tigil ang pag-arangkada,” napapailing na puna ni Gigi sa kaibigan.
“Ikaw lang naman ‘tong masyadong banal sa atin, eh,” sabi ng kaibigang si Cecille habang nginingisian ang dalaga.
“Eto nga. ‘Di ba kilala mo si Aling Edna? Pinagkakalat ba naman na mayroon daw may anak dito sa mga taong simbahan kasi may naririnig daw siyang iyak ng sanggol lalo na kapag madaling araw!” Patuloy na pagkukuwento ni Cecille.
Si Aling Edna ang tsismosa ng barangay. Lahat ay binibigyan nito ng kahulugan.
“Ano na namang kalokohan ‘yan, Cecille? Alam naman natin ‘yung vow of chastity ng mga pari at madre, ‘di ba? Sino ang nagkaanak? Tsaka kapitbahay ko lang si Aling Edna, ah. Bakit wala naman kaming naririnig?” naiinis na sabi ni Gigi sa kaibigan.
“O, naiinis ka na naman. Hindi ko alam kung bakit ganun na lang ang paniniwala mo na hindi nakakagawa ng kasalanan ang mga taong simbahan, Gigi. Tao lang sila. Hindi lahat ng nakikita ng mata mo ay totoo,” malalim na pahayag ni Cecille habang nakatitig ng matiim sa isang panig ng simbahan.
Nang sundan ni Gigi ang direksyon ng mga mata nito ay nakita niya si Sister Anabelle na tila tuwang-tuwa habang hinehele ang anak ng kasamahan nila sa choir.
“Hindi kaya tiyanak ‘yun kagaya nung mga lumang kuwento? Nakakatakot!” Bawi ni Cecille.
Ayaw man ni Gigi ay naisip pa rin niya ang mga sinabi ng mahadera niyang kaibigan habang kumakain sila ng hapunan.
“May bata ba diyan kay Mareng Edna? May naririnig akong iyak ng sanggol diyan sa kabila, eh,” sabi ng nanay ni Gigi. Nanlaki ang mga mata ng dalaga.
Nang gabing iyon ang huling bagay na nasa isip ni Gigi ay si Sister Anabelle. May anak ba talaga itong itinatago sa kanila?
Nagising si Gigi nang may marinig na mumunting ingay. Nang tignan niya ang orasan ay alas tres ang nakita niyang nakarehistro doon. Lumabas siya ng bahay at sinundan ang mumunting ingay at dinala siya ng kaniyang pandinig sa isang maliit na kwarto sa likod ng simbahan. Hindi siya sigurado pero ang alam niya ay sa bandang parte ito ng simabahan naninirahan ang mga madre.
Kinatok ni Gigi ang pinto. Nagulat ang dalaga nang makita niya kung sino ang taong nagbukas nito.
Si Father Gino!
Naguguluhan man ay naghahanap ng kasagutan si Gigi kaya naman nang luwagan ng pari ang pagkakabukas ng pinto ay agad-agad siyang pumasok.
Nasa loob si Sister Anabelle at kagaya ng napapabalita ay may hawak itong sanggol!
Nang igala ni Gigi ang paningin ay may isang tao pa siyang nakita sa loob ng kwarto. Isang magandang babae na hindi nakadamit pang madre. Hindi niya ito kilala.
“Gigi, alam ko na kung anu-ano na ang maaaring tumatakbo sa isipan mo kaya sasabihin ko na sa iyo ang lihim na pilit kong itinatago,” panimula ng magandang madre.
Itinuro ni Sister Anabelle ang babaeng hindi niya kilala. “Siya si Lara, ang matalik kong kaibigan. Siya ang ina ng sanggol na hawak ko ngayon. Nakikitira siya dito pansamantala dahil wala siyang ibang mapupuntahan,” paliwanag ng madre.
“Eh, bakit po sikreto? Hindi po ba puwedeng magpatira ng ibang tao dito?” naguguluhang tanong ni Gigi.
“Gigi, ayaw lang namin na pagbintangan kami na inaabuso namin ang donasyon na nakukuha ng simbahan. Siyempre may mga taong makakaunawa pero mayroon ding maaaring masamain ang pagpapatira namin ng hindi nila kilala dito,” sagot naman ni Father Gino.
Nakakaunawang napatango na lamang si Gigi. Hiyang-hiya siya sa kung anu-anong istorya na nabuo sa kaniyang isipan.
“Hindi niyo po ba sasabihin sa mga tao? May usap-usapan na po kasi na isa sa inyong mga taong simbahan ang may anak. Lalo na po si Sister Anabelle na mahilig sa mga bata,” nag-aalalang sabi ni Gigi.
“Aalis na din naman sina Lara ngayong araw. Hayaan mo silang humusga. Diyos na ang bahala sa kanila,” nakangiting sabi ng magandang madre.
“Mahilig talaga ako sa mga bata. Miss ko na kasi ang nakababata kong kapatid,” dagdag pa nito.
“Hindi ko nga kilala talaga si Sister Anabelle. Paano ko siya nagawang husgahan?” malungkot na naisaisip ni Gigi.
Kinabukasan ay may pumunta kay Father Gino upang mangumpisal. Nagkasala daw ito sa isip, sa salita at sa gawa nang manghusga ito ng mga taong gumagawa lang naman ng kabutihan sa kapwa.
Napangiti na lang si Father Gino nang mabosesan niya si Gigi. “Ang mahalaga ay nagsisisi ka,” wika ng butihing pari.