Pilit mang itago ni Mang Mario kay Jordan ang tunay nitong pagkatao ay hindi na niya ito maitatanggi pa ngayon. Narinig kasi ni Jordan ang usapan ni Mang Mario at ng kapatid nito na si Tiya Nena isang umaga. Akala kasi ng mga ito ay mahimbing pang natutulog ang binata.
“Mario, nabalitaan ko sa isang kumare ko sa palengke na hinahanap na raw ng kaniyang tunay na mga magulang itong si Jordan,” sambit ni Aling Nena.
“Kailan mo balak na ipagtapat sa anak mo ang katotohanan?” tanong ni Aling Nena. Napabuntong-hininga naman si Mario sa kaniyang narinig.
“Oo, ate, nabalitaan ko rin. Sa totoo lang ay hindi ko rin alam. Siguro ay pagkatapos na lamang ng graduation niya. Isang linggo na lang naman at ga-graduate na siya sa kaniyang kursong Maritime. Pagkatapos noon ay maluwag na sa dibdib ko ang mga nais niyang gawin sa buhay niya kaya maaari ko nang ipagtapat sa kaniya ang katotohanan,” saad ni Mang Mario.
“Dapat kasi ay noong una pa lamang ay sinabi mo na riyan kay Jordan. Ngayon tuloy ay nahihirapan ka. Alam mo naman kasi na maaaring dumating ang araw na ito,” wika ni Aling Nena.
Lubhang ikinagulat ni Jordan ang narinig na katotohanan kaya agad niyang kinompronta ang ama. “Tay, totoo po ba ang narinig ko? Kung hindi niyo po ako tunay na anak sino po ang tunay kong mga magulang?” umiiyak niyang sambit.
“Hayaan mo muna akong magpaliwanag sa’yo, Jordan,” wika ni Mang Mario. “Kung gusto mong makita ang iyong ina ay tutulungan kitang hanapin siya ngunit pakinggan mo muna ang sasabihin ko,” dagdag pa ng ginoo.
Ngunit hindi na nagpatinag pa si Jordan. Hinanap niya agad ang kaniyang tunay na mga magulang. Nagsimula siyang maghanap ng impormasyon sa mga tao sa palengke na nakakaalam ng mga pangyayari.
Hindi nagtagal ay nahagilap din ni Jordan ang kaniyang tunay na ina na si Susan. Tuluyan na siyang umalis sa bahay ng kaniyang kinilalang ama na si Mang Mario na hindi man lang pinapakinggan ang paliwanag nito.
Dahil sabik sa ina ay hindi na nag-aksaya pa ng panahon si Jordan na makapiling ang matagal na niyang inaasam na makasama. Tinapos lamang nila ang kaniyang graduation at saka tuluyan nang umalis.
Walang nakakaalam kung saan sila nagtungo.
Lubusang nalungkot si Mang Mario nang mabalitaan ito. Kahit kasi hindi sa kaniya nanggaling ang binata ay inari na niya si Jordan bilang sarili niyang anak. Binigyan niya ito ng disenteng buhay. Iginapang ang pag-aaral nito kahit na isa lamang siyang fish ball vendor.
Lumipas ang mga buwan at ang mga buwan ay naging taon. Hindi na muling nagparamdam pa ang binata.
“Mario, baka maaari na tayong bumalik ng probinsya? Tama na ang paghihintay mo sa anak-anakan mo. Baka masama pa rin ang loob nun sa atin. Baka hindi na rin siya bumalik pa kaya huwag mo na siyang hintayin,” sambit ni Aling Nena.
“Nalulungkot ako sa tuwing nakikita kitang ganiyan. Kaya pumayag ka na, Mario. Umuwi na tayo sa bahay natin sa probinsya,” giit ng ale. Hindi nagpatinag si Mang Mario sa kaniyang paghihintay.
Ngunit unti-unti na ring sumuko ang kaniyang puso na muli pa niyang masisilayan ang ngiti ng binata kaya pumayag na siya sa gusto ng kaniyang kapatid na bumalik sila sa probinsiya.
Habang nasa barko na ang magkapatid ay hindi inaasahan ni Mang Mario na marinig ang isang pamilyar na tinig.
“Ito ang inyong kapitan. Nais ko lamang pong ipaalam na ikinalulugod po namin na kayo ay matiwasay naming maihatid sa inyong paroroonan,” wika ng kapitan.
“Nais ko lamang din pong kuhain ang pagkakataon na ito upang sabihin sa inyo na lulan po ng barkong ito ang taong mahalaga sa aking puso. Tatay Mario, ito po ang anak niyong si Jordan. Gusto ko pong magpasalamat sa inyo sa wagas na pagmamahal at pag-aaruga ninyo sa akin,” pahayag ng binata.
“Lingid po sa kaalaman ng nakararami, ako po ay inampon ng aking Tatay Mario. Opo, hindi po niya ako tunay na anak. Ngunit higit pa po sa tunay na anak ang ginawa niyang pagkalinga sa akin. Binigyan niya ako ng magandang buhay at pinag-aral sa isang magandang eskwelahan kahit na po siya ay isang fish ball vendor lamang. Ginawa po niya ang lahat upang mabigyan ako ng magandang bukas. Dahil diyan, Tatay Mario, wagas po ang aking pasasalamat sa inyo. Utang ko po sa inyo ang aking buhay. Muli ito po ang inyong kapitan na bumabati sa inyo ng isang magandang araw at maligayang paglalayag,” sambit ng binata.
Napaiyak na lamang si Mang Mario sa kaniyang narinig. Dali-dali siyang nagtungo sa opisina ng kapitan at doon nga tumambad sa kaniya ang pinakamamahal na anak-anakan.
“Kay tagal kitang hinintay, anak. Sa wakas ay narito ka na,” naluluhang sambit ni Mang Mario. “Patawarin niyo po ako, tay, kung matagal po akong hindi nakabalik sa inyo,” paghingi ng paumanhin ng binata.
“Noong una po kasi ay lubusan ang galit ko sa inyo sapagkat ang sabi sa akin ng aking tunay na ina ay kaya raw po ako napunta sa inyo ay sa kadahilanang kinuha niyo raw po ako sa kaniya. Naniwala po ako. Hindi ko man lamang pinakinggan ang inyong paliwanag. Nagkamali po ako don, tay,” saad ni Jordan.
“Isang araw ay nalaman ko na lamang po mula sa aking ina na hindi ito totoo, na ako ay kaniyang napabayaan. Agad po akong nagtungo pauwi sa atin. Ngunit nabalitaan ko po na nagdesisyon na kayong lumipat sa probinsya. Ginawa ko po ang lahat, tay, para dito sa barkong ito kayo sumakay sapagkat mas mainam ang gagawin kong paghingi ng paumanhin kung makikita ninyo na nagtagumpay ako sa buhay,” dagdag pa ni Jordan.
“Ngayon, tay, gusto ko pong malaman ang bersyon ng inyong kuwento kung paano po ako napunta sa inyo,” wika pa ng binata.
“Anak, isang gabi ay binabagtas ko ang kalsada pauwi sa ating bahay nang makita ko ang isang batang walang tigil sa pag-iyak. Tatlong taong gulang ka pa lamang noon. Nakatayo ka sa tabi ng isang poste at takot na takot. Tumahan ka lamang ng binigyan kita ng fish ball. Dahil hindi ka pa matatas magsalita noon ay isinakay na lang kita sa aking kariton at hinanap natin noong gabing iyon ang iyong mga magulang. Maging sa himpilan ng pulisya ay nireport ko ang nangyari sa’yo. Dahil sa awa ko na maiwan ka doon sa himpilan ay inuwi muna kita sa bahay. Araw-araw ay isinasama kita sa aking pagtitinda sa pag-asang isang araw ay matatagpuan natin ang iyong ama o ina. Ngunit hindi ito nangyari. Kaya nagdesisyon na lamang ako na ariin ka bilang aking anak,” kuwento ni Mang Mario.
“Gusto kong sabihin sa iyo ang buong katotohanan ngunit habang lumalaki ka ay unti-unti kang napapamahal sa akin. Natakot ako na baka isang araw ay iwan mo na lamang kami ng iyong Tiya Nena. Patawarin mo ako kung inilihim ko ang lahat ng ito sa’yo, anak. Pero wala akong ibang nais kung ‘di ang palakihin ka ng maayos at bigyan ka ng magandang kinabukasan,” saad pa ng ginoo.
“Patawad, tay,” napayakap na lamang si Jordan kay Mang Mario.
“Malaman ko lamang na naging maayos ang iyong buhay ay sapat na sa akin, anak. Iyan lang naman ang nais kong mangyari sa buhay mo,” tugon naman ni Mang Mario.
Hindi na napigilan ng dalawa ang maiyak.
Lubusan ang pasasalamat ni Jordan sa taong nag-aruga sa kaniya. Laking tuwa naman ni Mang Mario na sa wakas ay natupad na rin ni Jordan ang kaniyang pangarap na magbarko at naging kapitan pa ito. Ang paglalayag na iyon ay naging isang hindi malilimutang tagpo para sa lahat.