Para sa isang mahirap na tulad ni Sonny hanggang pangarap na lamang ang kaniyang kagustuhan na maging isang DJ sa radyo. Hindi man lang kasi ito nakatuntong ng hayskul dahil salat ang kanilang pamilya.
Matagal nang lumisan ang ama nitong si Sonny kaya solong katawan na lamang ng kaniyang ina ang pagbuhay sa kaniya. Umeekstra lamang na labandera ang kaniyang inang si Aling Precy. Masuwerte na kung sa isang linggo ay dalawang pamilya ang nagpalaba sa kaniya. Kaya upang may makain silang mag-ina ay nangangalakal ng bote at dyaryo itong si Sonny.
Araw-araw sa tuwing namamasura si Sonny ay walang patid ang kaniyang pagdaan sa isang maliit na istasyon ng radyo. Doon ay palihim niyang pinapanood ang DJ na gawin ang kaniyang trabaho. Panandaliang nakakalimutan ni Sonny ang kaniyang kahirapan sa tuwing pinapanood niya ito. Nais rin kasi ni Sonny na maging isang DJ balang araw. At sa tuwing siya ay dadaan doon ay palagi niyang nakakasalubong ang may-ari ng istasyon.
“Magandang umaga po, Ginoong Reyes!” bati ng binata. “A… Ako po si Sonny Lo… Lopez at nais ko pong maging isang DJ. Pu… Puwede niyo po ba akong tulungan na tuparin ang aking pangarap?”
“Sonny Lopez, tulad ng sinabi ko sa’yo kahapon at noong isang araw wala kaming bakante. At saka paano kang magiging isang DJ, eh, hindi naman sapat ang kakayahan mo. Ni magsalita nga ng malinaw ay hindi mo magawa. Umalis ka na at may kumuha na ng basura namin dito!” tugon naman ng ginoo.
Napabuntong-hininga na lamang itong si Sonny. Ngunit hindi pa rin siya nawalan ng pag-asa. Kinabukasan ay muli siyang nagbalik sa istasyon ng radyo. Doon ay muli niyang nakasalubong si Ginoong Reyes.
“Magandang umaga po, Ginoong Reyes!” muli niyang bati. “Ako po si Sonny Lopez. Pangarap ko po ang maging isang DJ. Baka naman po puwede niyo akong tulungan na tuparin ang pangarap ko?” muli niyang sambit.
“Wala ka rin kasing kulit, bata!” tugon ng ginoo. “Ano ba ang sinabi ko sa’yo kahapon?” tanong ni Ginoong Reyes. “Nagbabakasakali lamang po ako na baka may lumiban o umalis ng trabaho. Maaari ko pong gawin ang trabaho nila kahit ngayong araw lang. Kahit po hindi niyo ko pasuwelduhin, ginoo. Ang nais ko lamang po ay mapalapit sa aking pangarap,” saad ni Sonny.
“Wala nga! Wala ka ring kasing kulit, bata! Sige na at umalis ka na. Nakolekta na ang mga basura namin kanina,” wika ni Ginoong Reyes.
Sa hindi kalayuan ay may naninigarilyong DJ na nakamasid kay Sonny. “Sonny Lopez, hindi ba?” sambit ng lalaki.
“Araw-araw kitang nakikita dito at iisa lamang ang sinasabi mo. Kung gusto mo talagang maging DJ ay mag-ensayo ka araw-araw. Hindi sapat na marunong ka lamang magsalita sa prospesyon na ito. Kung talagang pangarap mo ito ay gagalingan mo,” payo ng lalaki.
Mula noon ay wala nang ginawa si Sonny kung hindi mag-ensayo kung paano ang tamang paraan ng pagsasalita. ‘Yung tipong tatatak sa mga nakikinig.
“Magandang umaga mga tagapakinig! Kumusta, kumusta, kumusta kayong lahat diyan sa inyong mga bahay, opisina, sasakyan at maging saang parte ng Pilipinas. Ito nga pala ang inyong DJ Sonny na magbibigay sa inyo ng magagandang awiting kikiliti sa inyong mga puso ngayong araw!” sambit ng binata sa kaniyang sarili.
Tuwing umaga ay dumaraan pa rin si Sonny sa opisina ni Ginoong Reyes upang tanungin kung may bakanteng posisyon sa kanilang istasyon. Ngunit tulad ng dati ay ganoon pa rin ang sagot ng ginoo. Ngunit wala sa bokabularyo ni Sonny ang sumuko.
Isang umaga ay napadaan na naman si Sonny sa istasyon at muli niyang kinausap si Ginoong Reyes. “Ang kulit mo, Sonny Lopez! Wala ngang bakante ngayong araw!” sigaw nito sa binata.
Napayuko na lamang si Sonny at akmang aalis na nang biglang may isang lalaki na lumapit kay Ginoong Reyes. “Boss, hindi na raw papasok ‘yung taga-timpla ng kape dito sa istasyon. Kailangan natin ng kapalit,” wika ng lalaki.
“Sonny Lopez,” tawag ni Ginoong Reyes. “Marunong ka bang magtimpla ng kape?” tanong nito sa binata.
Laking tuwa ni Sonny sa kaniyang narinig. “Opo, masarap po akong magtimpla ng kape sapagkat madalas po na iyon lamang ang laman ng aming tiyan!” tugon ng binata.
Natawa na lamang itong si Ginong Reyes. “Magsimula ka na ngayon. Itimpla mo kaming lahat ng kape. Pagkatapos ay linisin mo na rin ang ibang silid dito. Maliwanang ba?”
“Opo, boss!” Masayang binitawan ni Sonny ang kaniyang mga kalakal at agad na nagtungo sa loob ng opisina.
Ilang buwan ding namasukan doon si Sonny bilang kanilang utusan.
Isang araw ay biglang nagkasakit ang isang DJ at hindi inaasahan ang pagliban niya.
“Sonny, tumawag ka nga ng ibang DJ na maaaring pumalit ngayon sa lumiban na DJ. Bilisan mo sapagkat eere na siya sa loob ng tatlumpung minuto,” utos ni Ginoong Reyes.
Tumawag sa ilang DJ itong si Sonny ngunit ang lahat ay hindi makakapunta. Sa sobrang kaba nila na baka walang eereng DJ sa susunod na palatuntunan ay agad nagdesisyon si Ginong Reyes.
“Sonny, sabihin mo nga sa akin ang lagi mong ineensayong mga kataga kung ikaw ay mabibigyan ng pagkakataong maging DJ,” pagmamadali ni Ginoong Reyes dahil ilang minuto na lamang ay eere na sila. Agad naman itong binanggit ng binata.
“Pwede na ‘yan. Ngayong araw, bata, matutupad na ang pangarap mo! Isang beses lamang itong mangyayari sa buhay mo kaya ibigay mo ang lahat ng galing mo!” sambit ng ginoo.
“Boss, sa loob ng dalawampung segundo ay eere na tayo. Paupuin niyo na po si Sonny,” wika ng isang lalaki.
Halos tumigil ang oras para kay Sonny. Hindi niya akalain na sa puntong ito ay matutupad na ang kaniyang minimithing pangarap.
Sa kumpas ng direktor ay nagsimula nang magsalita si Sonny sa radyo.
“Magandang umaga mga tagapakinig! Kumusta, kumusta, kumusta kayong lahat diyan sa inyong mga bahay, opisina, sasakyan at maging saang parte ng Pilipinas. Ito nga pala ang inyong DJ Sonny na magbibigay sa inyo ng magagandang awiting kikiliti sa inyong mga puso ngayong araw!”
Pagkatapos ng palatuntunan ay nakatanggap ng mga tawag ang istasyon. Nagustuhan nila ng husto itong si DJ Sonny. Mula noon ay nagdesisyon na si Ginoong Reyes na bigyan ng sariling palatuntunan ang binata. Naging isa sa pinakamagaling na DJ itong si Sonny. Dahil sa kaniyang tiyaga at pagsusumikap ay naiahon na rin niya ang kaniyang ina sa kahirapan.
Hindi masama ang mangarap. Lahat tayo ay maaaring lumipad gaano man kataas ang ating gusto. Ngunit tandaan natin na kung mayroon tayong nais abutin ay kailangan natin pagbutihan ng husto. Ibigay natin ang lahat ng kakayahan natin at huwag tayong susuko sa buhay. Kailangan ay handa tayo kapag dumating na ang ating pagkakataon tulad ng nangyari kay Sonny Lopez.