May-ari ng isang advertising company si Nathan. Marami ang nahuhumaling sa kaniya sapagkat bukod sa isa siyang magaling at tanyag na negosyante ay gwapo rin ito at matipuno ang pangangatawan. Sa katunayan nga ay maraming babaeng nahuhumaling sa kaniya. Ngunit wala siyang magustuhan ni isa dito. Kaya ganoon na lamang ang kaniyang pagtataka kung bakit masyadong napukaw ni Samantha, isang account executive, ang kaniyang pansin.
Kakaiba kasi itong si Samantha. Masipag at matalino. Malakas itong magpasok ng kliyente sa kanilang kompaniya ngunit isang katangian ang hindi nila lubusang maipaliwanag sapagkat mas maton pa ata ito sa lalaki kung kumilos.
“Pare, sayang si Samantha, noh? Alam mo kung magpapakababae lang siya ay tiyak kong napakaganda niya,” sambit ni Nathan sa kaniyang assistant na si Joel. “Parang imposible, boss, ‘yang sinasabi mo. Tignan mo nga siya. Parang matigas pa sa atin kung kumilos!” natatawang tugon naman ni Joel.
“Boss, tanong ko lang, ha. Ganiyan na ba kayo kadesperado na magkanobya at pati si Samantha ay papatusin ninyo? Tandaan mo, boss, na parehas ang gusto ninyo, babae!” kantiyaw ni Joel.
“Alam ko naman ‘yun. Hindi ko nga rin alam kung bakit ang lakas ng dating niya sa’kin. Hindi kaya binabae ako, pare?” pagtataka ni Nathan. “Loko ka talaga, boss. Kung anu-ano ang sinasabi mo riyan,” muling sambit ng assistant ng lalaki.
Lumipas ang mga araw at hindi na maitanggi pa ni Nathan ang kaniyang lubusang pagkahulog kay Samantha. Minsan ay nahuli siya nito na nakatitig sa kaniya.
Hindi alam ni Nathan kung paano niya aaminin kay Samantha ang kaniyang nararamdaman sapagkat baka tama nga ang assistant niyang si Joel na hindi sila talo at babae rin ang gusto nitong si Samantha.
Isang gabi ay si Nathan at Samantha na lamang ang naiwan sa opisina. Dahil sa dami ng kanilang gawain ay tila aabutin na sila ng umaga. Nakita ito ni Nathan na magandang pagkakataon para makilala pa niya si Samantha ng lubusan. Habang kumakain sila ng gabihan ay hindi na nag-alinlangan pa ang binata at agad niyang tinanong si Samantha tungkol sa kasarian nito.
“Samantha, huwag mo sana itong mamasamain pero kailan mo nalaman na isa kang… Alam mo na ‘yung ganiyan.” tanong ni Nathan.
“Na isa akong tiboom, boss? Tama ba?” paniniguro ni Samantha. “Oo. Kailan mo nalaman na isa kang tiboom. Kasi sa totoo lang, Samantha, nagagandahan ako sa’yo. Hindi lang ‘yon. Lubos akong humahanga sa angking galing mo dito sa industriya,” pahayag ng lalaki.
Dahil sa labis na hiya ay hindi nakapagsalita si Samantha.
“May gusto akong aminin sa’yo, Samantha. Hindi ko rin alam kung paano ito nangyari. Maging ako ay naguguluhan na. Pero kasi ang totoo ay gusto kita,” sambit ni Nathan.
“Maraming pagkakataon na pinigil ko ang damdamin ko para sa’yo. Maging ang kasarian ko ay kinukuwestiyon ko na rin. Ngunit hindi ko na kasi ito mapigilan. Sa dinami-dami ng babae na nagkakagusto sa akin ang nagustuhan ko pa ay isang kagaya mo,” pag-amin ng binata.
“Hindi naman mali na umibig sa isang kagaya ko. Tulad naman ng ibang tao ay may damdamin din kami, boss,” pahayag ni Samantha.
“Ngunit ikinalulungkot kong sabihin sa inyo na hindi ko po maibabalik ang nararamdaman ninyo para sa akin,” wika ni Samantha. “Hindi dahil sa aking kasarian ngunit sa tingin ko ay marami pang mas karapat-dapat sa iyo at hindi ako ang taong ‘yon,” dagdag pa nito.
“Naiintindihan ko. At hindi naman kita pinipilit. Ngunit maaari ba akong humingi ng isang pabor? Maari bang sabihin mo sa akin ang tunay mong kasarian. Huwag kang mag-alala hindi naman kita huhusgahan sapagkat kahit ganiyan ka ay nagustuhan kita,” saad ni Nathan.
Naantig ang damdamin ni Samantha sa sinabi ng kaniyang boss kaya napilitan na siyang ipagtapat ang totoo sa binata. “Boss, sa totoo lang ay hindi ako katulad ng inaakala niyo. Hindi ako isang tiboom.”
“Hindi ko alam ngunit mas komportable kasi ako sa ganitong ayos. Natatakot kasi ako na isang araw ay maulit na naman ang nangyari sa akin noon,” pagpapatuloy ni Samantha.
“Anong ibig mong sabihin sa nangyari sa iyo noon?” pag-usisa ng binata.
“Tutal inamin mo naman sa akin ang iyong damdamin ay marapat din na aminin ko sa’yo ang dahilan kung bakit hindi kita maaaring ibigin,” sambit ni Samantha.
“Matagal na panahon na nang ako ay pinagsamant*lahan ng aking amain. Ilang beses niya akong hin*lay. Pati rin ng anak niya. Tinatakot nila ako kaya hindi ako makapagsumbong. Isang araw ay nagkalakas ako ng loob na magsabi sa aking tiyahin at doon natapos ang lahat. Hinuli sila ng awtoridad at ikinulong,” kuwento ni Samantha.
“Ngunit dala-dala ko na habang buhay ang kanilang pananalbahe sa akin. Ang sabi ng mag-amang iyon ay inakit ko raw sila kaya nila nagawa ang ganoong bagay sa akin ngunit hindi iyon totoo. Biktima ako. Wala akong kalaban-laban sa kanila habang pinagsasamant*lahan nila ako,” napaiyak si Samantha.
“Mula noon ay ipinangako ko sa aking sarili na hindi na ako kailanman mag-aayos at titikasan ko na rin ang aking mga kilos. Ngunit nananatili ang puso ko bilang isang babae,” sambit pa ni Samantha.
Lubhang nagulat si Nathan sa kaniyang narinig. Hindi niya akalain na may malalim palang dahilan si Samantha.
Sa kabila ng lahat ng nangyaring sa dalaga ay hindi nagbago ang pagtingin ni Nathan kay Samantha.
“Kung hahayaan mo lang ako na mahalin ka, Samantha, ay nais kong alisin ang lahat ng mapait mong nakaraan. Sisikapin ko na tabunan ang lahat ng ‘yon ng saya mula sa pagmamahal ko sa’yo,” sambit ng binata kay Samantha.
Ikinabigla ito ni Samantha. Hindi niya akalain na magiging ganito ang reaksiyon ng kaniyang boss.
“Ipinapangako ko sa’yo na maghihintay ako hanggang buksan mo muli ang puso mo para sa iba. Hindi magbabago ang pagtingin ko sa’yo dahil lamang sa madilim mong nakaraan,” saad ni Nathan.
Mula nang gabing iyon ay hindi na napigilan pa si Nathan na mahalin si Samantha. Ibinigay niya ang lahat ng kaniyang makakaya upang mapaibig ang dalaga.
Dahil sa pinapakitang pagtitiyaga naman ni Nathan ay napalambot niya ang matigas na damdamin ni Samantha. Hindi naglaon ay sinagot siya nito at naging masaya ang kanilang relasyon.
“Hindi ko akalain na isang araw ay darating pala ang isang katulad mo na magpapabago ng aking pananaw sa mga lalaki. Salamat sa pagtanggap mo sa akin ng buong-buo. Ikaw ang una at huling lalaki na aking mamahalin,” sambit ni Samantha kay Nathan.
Hindi totoo na bulag ang pag-ibig. Sa katunayan nakikita nito ang lahat. Ngunit kung ito ay wagas at dalisay makita man niya ang mga pagkakamali at hindi magandang pangyayari sa iyong nakaraan ay balewala lamang ito. Sapagkat ang tunay na nagmamahal ay kayang hamakin ang lahat mapatunayan lamang ang kaniyang pag-ibig.