Inday TrendingInday Trending
Saan Nagtutungo si Mister Tuwing Hapon?

Saan Nagtutungo si Mister Tuwing Hapon?

“Aalis ka na naman ba, Sergio?” sambit ni Minda sa kanyang asawa. “Malapit nang maghapunan, aalis ka pa,” dagdag pa nito.

“Saglit lang ako, Minda. Babalik din ako agad,” sambit ng ginoo.

Laking pagtataka ni Aling Minda sa ikinikilos ng kanyang asawa. Pagkauwi kasi nito galing opisina ay magpapalit lamang ito ng damit at agad aalis bago maghapunan at makalipas ang isang oras ay uuwi ito. Kapag nakauwi na ang mister ay batid niya ang saya na nararamdaman ng kanyang asawa sapagkat abot tainga ang mga ngiti nito.

“Saan ka ba talaga nagpupunta, Sergio? Akala mo ay hindi ko napapansin ang panay na pag-alis mo sa parehong oras. Kapag nalaman ko na nambababae ka, alam mo na kung saan ka pupulutin!” banta ng ginang.

“Pwede ba, Minda, sa tanda ko ba namang ito ay pinag-iisipan mo pa ako ng ganyan? Pero hindi kita masisisi kung maramdaman mo ‘yan. Kasi alam naman natin na magandang lalaki talaga ang asawa mo,” biro ni Sergio sa kaniyang misis.

“Huwag mo akong daanin sa mga biro mong lalaki ka! Saan ka ba talaga nagpupunta tuwing alas singko y medya?” galit na tanong ni Minda.

“Nagpupunta lang ako sa mga kaibigan ko, masama ba ‘yon?” tugon niya. Kahit anong sabihin ng ginoo ay hindi naniniwala ang misis nito.

Kinabukasan ay nagtungo si Minda sa kanyang kumare upang ikwento ang pangyayaring naobserbahan niya.

“Baka nga may babae, mare. Pero ikaw ang lubos na nakakakilala sa asawa mo. Sa tingin mo ba ay kaya niyang gawin ‘yon sa’yo?” saad ng ginang.

“Hindi ko alam, Tess, pero hindi ko alam kung saan siya pumupunta,” sambit ni Minda.

“Kung alas singko y medya siya umaalis ay hindi kaya dahil mayroon siyang kalaguyong sinusundo sa opisina. Hindi ba mga ganoon ang oras ng labasan ng mga ‘yun?” pahayag ni Tess.

Kinabahan si Minda sa sinabi ng kaibigan. “Maaaring tama ka. Sabagay, kapag magloloko ang lalaki kahit isang minuto pa ‘yan ay papatusin n’ya makagawa lang ng kalokohan,” sambit ni Minda.

“Pero isang iniisip ko ay baka nalululong sa sugal ang asawa ko. May isang malapit na karerahan kasi ng kabayo sa kabilang kanto, hindi ba?” wika muli ng ginang.

“Sundan mo na kasi para malaman mo kung saan siya nagpupunta at nang sa gayon ay may matibay kang ebidensiya,” suwestiyon ng kumare.

Pinlano maigi ni Minda ang pagsunod sa kanyang asawa upang sa wakas ay mahuli na ito at malaman na ng ginang ang katotohanan sa pag-alis nito gabi-gabi. Natatakot man si Alung Minda na malaman ang katotohanan ay gusto na rin nyang wakasan ang pag-iisip sa tunay na dahilan ng asawa.

Isang araw ay tuluyan nang isinakatuparan ni Aling Minda ang kanyang mga plano. Palihim niyang sinundan ang ginoo. Lingid sa kanyang kaalaman ay natunugan ito ni Sergio kaya iniligaw siya nito. Nagtungo lamang ang ginoo sa isang grocery na malapit upang bumili ng inumin at saka umuwi ng bahay.

Naramdaman ni Aling Minda na nakatunog ang kanyang asawa. Kahit na ilang beses pang pagplanuhan ng ginang ang panghuhuli sa tunay na dahilan ng pag-alis ng asawa sa hapon ay hindi niya magawa sapagkat magaling magtago ang ginoo.

Nang hindi na makatiis ang ginang ay kanya nang kinumpronta ang asawa.

“Sergio, tapatin mo na lang ako kung ayaw mo na sa akin. Mahirap kasi ang kalagayan ko ngayon na nagdududa ako sa pagmamahal mo,” saad ni Minda sa asawa.

“Anong sinasabi mo r’yan, Minda?” pagtataka ni Sergio. “Alam mo namang ikaw lang ang mahal ko,” dagdag pa niya.

“Kung ganoon ay bakit hindi mo masabi sa akin ang katotohanan? Saan ka ba talaga nagpupunta sa tuwing ikaw ay umaalis, may babae ka ba? Aminin mo na sa akin para sa gayon ay hayaan ko na kayong dalawa!” mariing sambit ng ginang.

Napatawa lamang ng malakas si Sergio sa sinabi ng asawa. “Babae? Kahit kailan ay hindi pumasok sa isipan ko ang mambabae, Minda, at alam mo ‘yan.”

“Kung ganoon ay bakit ka nga umaalis ng parehas na oras, araw-araw?” naiinis nang tanong ni Minda sa asawa.

“Matagal ko nang gusto itong sabihin sa’yo, Minda. Ngunit mas maiintindihan mo lang ako kung sasama ka sa akin.” wika ni Sergio.

Isinama ni Sergio ang asawa sa isang malapit na subdibisyon. Maya-maya ay may hinintuan silang isang bahay.

“Bakit tayo tumigil dito, Sergio?” pagtataka ng ginang.

“Nakikita mo ba ang bahay na iyan, Minda?” tanong ni Sergio. “Iyan ang dahilan kung bakit ako umaalis araw-araw.”

“Hindi ko maintindihan, Sergio,” pagkalito ni Minda.

“Nag-early retirement ako, Minda. Mula sa nakuha kong pera ay binili ko ang bahay na ‘yan upang iregalo sa’yo sa araw ng anibersaryo ng ating kasal. Natatandaan ko kasi tuwing napapadaan tayo sa mga malalaking bahay ay patuloy ang iyong paghanga. Patuloy ang pangangarap mo na sana isang araw ay tumira tayo sa ganoong uri ng tahanan. Nais kong tuparin ang pangarap mo na ‘yon,” pahayag ng mister.

“Ito ang dahilan kung bakit tuwing hapon ay umaalis ako ng bahay. Tuwing alas singko y medya kasi ay natatapos na ang mga trabahador sa pagkukumpuni nitong bahay. Binibigay ko sa kanila ang arawan nilang sahod at tinitignan ko ang kanilang mga gawa,” wika ni Sergio.

“Dahil sa ganda ng bahay na ito at sa pagkasabik kong sabihin sa iyo ang surpresang ito kaya lagi akong masayang umuuwi pagkatapos. Patawarin mo ako, Minda kung napag-isip pa kita ng masama at kung sumama din ang loob mo sa akin. Lubusan ang pagmamahal ko sa iyo, Minda. Ikaw lang ang babaeng minahal, minamahal at mamahalin ko habambuhay,” patuloy niyang sambit.

Hindi makapaniwala si Minda sa tinuran ng kanyang asawa. Napaluha na lamang siya sa saya. Hindi niya akalain na isang bahay pala na kanyang pinapangarap ang pinagkakaabalahang puntahan ng kanyang mister. Walang mapaglagyan ang kanyang kaligayasan sapagkat masaya siyang lilipat sa bagong bahay kasama ang kanyang pinakamamahal na pamilya.

“Maraming salamat, Sergio. Patawad sa pagdududa ko sa iyo. Salamat sa pagtupad mo ng pangarap ko at sa pagbibigay ng magandang buhay sa amin ng mga anak mo. Wala na akong mahihiling pa sa’yo. Mahal na mahal din kita,” sambit ng ginang sabay yakap at halik sa kanyang butihing asawa.

Advertisement