Inday TrendingInday Trending
Butihing Puso sa Likod ng Kamay na Bakal

Butihing Puso sa Likod ng Kamay na Bakal

“Parang-awa niyo na po! Huwag niyong gibain ang mga bahay namin!” pagmamakaawa ng isang matandang lalaki sa grupo ng lalaking gigiba ng kanilang tahanan.

“Napag-utusan lang po kami, pasensya na. Tumabi po kayo kung ayaw niyong masaktan,” sagot ng isa, nang ayaw umalis ng matanda, agad niya itong binalya dahilan upang mapaupo ito sa semento.

“Dito na kami lumaki’t nagkapamilya, parang awa niyo na! Huwag niyo kaming palayasin dito,” ngawa ng matandang tila napuruhan.

“Tigil!” sigaw ng isang pamilyar na boses dahilan upang magsitigil ang mga nanggigiba. Buong akala ng mga tao’y tutulungan sila nito.

“Mayor, tulong!” sigaw nilang lahat.

“Tatlong buwan na simula noong ipaalam ko sa inyo na lilinisin na ang mga bahay na ilegal na nakatayo rito, hindi ba? Kasalanan niyo na ‘to ngayon! Sige na, baklasin niyo na ‘yan lahat! Paagusin niyo ang dugo kung ayaw nilang pumayag!” sambit nito na labis na kinagulat ng lahat.

“Pero, mayor! Noong halalan, nangako kang bibigyan mo kami ng matitirhan, hindi ba? Nasaan na?” sagot pa ng matandang ngayon ay nakatayo na ngunit hindi siya inintindi nito at sumakay na sa kaniyang sasakyan. Nagpatuloy naman sa paggiba ang mga kalalakihang kaniyang inutusan at lahat ng mga humaharang ay kanilang sinasaktan.

“Mayor!” pagmamakaawa ng mga tao.

Ang buong pangyayaring ‘to ay natunghayan ng isang labing walong taong gulang na si Jimwel. Mangiyakngiyak niyang nilapitan ang kaniyang lolong kanina pa nakikipagtalo sa mga lalaking ‘yon. May sugat ito sa braso ngunit hindi nito alintana ang sakit. Patuloy pa rin ito sa pag-awat sa paggiba ng kanilang bahay. Hinakawan niya ito at inawat.

“Hayaan niyo na, lolo. Makakaahon rin tayo. Iaahon ko kayo, ipaghihiganti ko kayo.”

Bata pa lamang si Jimwel, ang kaniyang lolo na ang siyang gumabay at nag-alaga sa kaniya. Sa katunayan nga, hindi niya ito kadugo. Napulot lamang siya nito sa talahiban noon sa likod ng kanilang bahay ngayon.

Ngunit kahit pa ganoon, tinuring siya nitong tunay na apo. Ginagawa nito ang lahat para lamang makapag-aral siya kahit pa kung minsan napapabayaan na nito ang kaniyang kalusugan sa kakatrabaho.

Kaya naman, ganoon na lamang ang galit na umusbong sa puso ng binata nang makita ang pangyayaring ‘yon. Tila nais niyang ipaghinganti ang kaniyang lolong halos lumuhod na sa harapan ng mga lalaking ‘yon huwag lamang maggiba ang kanilang bahay kung saan siya lumaki.

Matagumpay na naggiba ang kanilang bahay. Halos lahat ng nakatira sa kanilang barangay ay nagkalat sa kalsada. May mga umiiyak sa kalungkutan, mga batang halos hubo’t hubad, mga mukhang bakas na ang gutom, lahat ng ito labis na pinagmasdan ng binata dahilan upang mas umigting pa ang galit sa kaniyang puso. ‘Ika niya, “Kung hindi nila kami hahayaang mabuhay ng mapayapa, hindi rin sila dapat mabuhay ng mapayapa.”

Kinabukasan, nagpunta ang binata sa kanilang munisipyo. Nanghiram muna siya ng pormal na damit. Binabalak niyang kitilin ang buhay ng nasabing mayor. “Lahat ng sakit at paghihirap na aming nararanasan, dapat ipalit sa buhay ng walang kwentang mamumunong ‘yon!” sambit niya sa sarili habang nagsusuot ng damit.

Susubukan niya ngayong magtrabaho sa kanilang mayor nang sa gayon, magawa niya ang kaniyang binabalak.

Agad naman siyang nakuha bilang isang guwardiya sa tapat ng opisina nito dahil sa laki at tikas ng kaniyang pangangatawan na hindi mo aakalaing labing walong taong gulang lamang siya.

Pangisi-ngisi ang binata dahil maggagabi na, hindi pa rin umuuwi ang mayor at kapag umuwi na lahat ng alalay nito, doon na niya gagawin ang kaniyang binabalak.

Maya-maya pa, nagsiuwian na ang mga ito. Narinig niyang pinauna na ng mayor ang mga kalalakihang ito pagkat marami pa raw siyang tatapusin at doon na nakahanap ng tiyempo.

Nang masiguro niyang wala ng tao, agad niyang binunot ang kaniyang balisong at pumasok sa opisina ng mayor.

Ngunit tila nabato siya sa narinig nitong usapan mula sa mayor at sa kausap nito sa telepono.

“Masakit rin naman para sa aking makitang sa kalsada sila naninirahan ngayon. Hayaan mo, malapit nang matapos ang pabahay ko sa kabilang lalawigan. Nahihiya lang akong sabihin sa kanila, hindi ko kasi sigurado noong nagpunta ako doon kung makakalipat kaagad sila. Ayokong magalit pa sila sa akin lalo baka makitil na nila ang buhay ko. Ayoko rin namang mas lalo silang maagrabyado kapag pamahalaan na ang kumilos,” sambit ng mayor sa kaniyang kausap sa telepono bigla naman siyang napansin nito dahilan upang bigla niyang ibulsa ang kaniyang balisong. “O, hijo, bakit hindi ka pa umuuwi?” tanong nito sa kaniya.

Tila nanlamig ang binata sa kaniyang mga narinig. Mali pala siya ng husga sa naturang mayor. Hindi pala ito tunay na may kamay na bakal, may malambot pala itong pusong walang ibang gusto kundi ang kanilang kabutihan.

Agad siyang lumapit dito at lumuhod sa harapan nito. Doon niya inamin narinig niya ang buong usapan, inamin niya ring isa siya sa mga naapektuhan ng demolisyon at binalak niyang tapusin ang buhay nito. Agad siyang nagmakaawa ditong bigyan na sila ng bahay pagkat labis na ang kanilang kahirapang nararanasan.

Halos hindi makapaniwala ang mayor sa kaniyang plano. Ngunit imbis na matakot ito sa kaniya, hinangaan pa siya nito.

“Kakaiba ang pagmamahal mo sa bayan, dapat siguro gayahin kita, hayaan mo, magkakabahay na kayo,” sambit nito dahilan upang mabuhayan ang binata.

Patuloy pa rin siyang nagtrabaho sa mayor. Akala niya nga’y tatanggalin na siya nito ngunit tila nakuha niya ang loob nito sa kaniyang matapang na pag-amin.

Hindi naman kalaunan, matagumpay nang nagkabahay ang kaniyang mga kabarangay na labis na ikinatuwa ng mga ito. Halos puruhin nila ang kanilang mayor na dati’y sinusumpa nila.

Doon nila lahat napagtanto ang tunay na kabaitan ng mayor. May kamay na bakal man ito, ginagawa niya lamang ito upang mapabuti ang kaniyang lalawigan.

Madaling manghusga at magalit ngunit kahit anong gawin mo kapag ito ang pinairal mo, kasalanan ang ibubunga. Subukan mong mag-isip nang malawak, tunay na kapayapaan ang bubuo sa’yo.

Advertisement