Inday TrendingInday Trending
Pinagpapala ang Siyang Nagbibigay

Pinagpapala ang Siyang Nagbibigay

“Makakasama ka ba sa eskarsyon natin sa isang linggo, Mimi? Balita ko kapag sumama raw doon, hindi na kukuha ng pagsusulit sa tatlo nating klase! Kaya ginawa ko talaga lahat para bigyan ako ni mama ng pera!” masiglang sambit ni Fritz sa kaniyang kaibigan, isang araw habang nasa jeep sila papunta sa unibersidad na kanilang pinapasukan.

“Naku, talaga? Sayang naman, hindi ako makakapunta, eh. Hayaan mo na, mag-aaral na lang ako para sa pagsusulit,” sagot ni Mimi sabay ngiti.

“Bakit naman? Hindi ba’t may trabaho ka naman? Kayang-kaya mo ngang bayaran ‘yon, eh,” pagtataka naman ng kaniyang kaibigan.

“Siyempre, imbes na gagastusin ko sa eskarsyon yung sweldo ko, ibibigay ko na lang sa pamilya ko. Sa katunayan nga, ito na lang ang natira sa sweldo ko, o,” nakangiti niyang tugon saka pinakita ang singkwenta pesos na buo sa kaniyang bulsa saka sila nagtawanan dalawa. Napansin naman niya na tila kanina pa nakamasid sa kanila ang matandang nakaupo sa harapan nila dahilan upang tingnan niya ito. Ngumiti ito sa kaniya kaya naman nginitian niya ito pabalik.

“O, halika na, dito na tayo!” sambit ng kaniyang kaibigan saka hawak sa kamay niya dahilan upang mapatingin siya sa daan, “Para po!” sigaw pa nito saka sila tuluyang bumaba. Nakita niyang sumilip pa ang matanda sa jeep habang nakangiti pa rin sa kaniya.

‘Ika niya sa sarili, “Nakakatuwa talaga ang mga matatanda, lagi silang nakangiti, nakakahawa tuloy.”

Panganay sa tatlong magkakapatid si Mimi dahilan upang pagsabayin niya ang kaniyang pag-aaral at pagtatrabaho. Isa siyang serbedora sa isang lugawan malapit lamang sa kanilang bahay. Dahil nga sa kaniyang kabaitan, mas malaki pa ang tip na kaniyang nakukuha kaysa sa kaniyang sweldo kada linggo dahilan upang ganoon siya makapagbigay ng tulong sa kaniyang pamilya.

Bagong silang pa lang noon ang kaniyang bunsong kapatid nang maaksidente at mawalan ng buhay ang kaniyang ama. Kaya simula noon, nagdesisyon na siyang pumasok sa trabaho. Doon niya kasi napagtantong hindi sapat ang kinikita ng kaniyang ina sa paglalabada at paglalako ng kakanin upang tustusan silang tatlong magkakapatid.

Lahat ng pagtitiis ay kaniyang ginagawa. Minsan nga, papasok siya nang kumukulo ang kaniyang sikmura o hindi naman kaya’y walang pambayad sa mga bayarin sa paaralan. Buti na lang talaga, nandyan palagi ang kaniyang kaibigan na walang sawang nagpapautang sa kaniya.

Noong araw ring ‘yon habang naglalakad sila papuntang paaralan, narinig ng kaniyang kaibigan ang kalam ng kaniyang sikmura dahilan upang magyakag ito sa isang sikat na panaderya sa kabilang kanto. Agad namang pumayag ang dalaga ‘pagkat labis na rin ang gutom na kaniyang nadarama.

Ngunit bago pa man sila makarating sa naturang panaderya, natanaw na agad ni Mimi ang matandang kanina pa nakangiti sa kaniya. Nakamasid ito sa mga tinapay na nasa estante na para bang gusto niyang kainin ang mga ito.

Agad niyang hinila ang kaibigan patungo sa panaderya at bumili ng tig-iisang piraso ng bawat tinapay na naroon.

“Para kanino ‘yan? Ang dami-dami! Wala ka nang pera, hoy!” awat ng kaniyang kaibigan ngunit ngumiti lang siya at sinabing, “Ang pera pwede ko pang kitain, pero itong matandang tila gutom, baka ngayon ko na lang makita,” sabay takbo sa naturang matanda.

Iniabot niya rito ang isang plastik na puno ng tinapay at sinabing, “Magpakabusog po kayo!” saka niya hinila ang kaibigang hindi maintindihan ang kaniyang kinikilos.

Patuloy man kumalam ang kaniyang tiyan habang nasa klase sila, napabuntong hininga na lang siya sa sayang umaapaw sa puso niya dahil sa matandang natulungan niya.

Kinabukasan, hindi nagawang sumabay ni Mimi sa kaniyang kaibigan sa pagpasok. Inasikaso niya pa kasi ang kaniyang bunsong kapatid. Natataranta siyang pumasok dahil alam niyang huli na siya sa kaniyang klase. Ngunit pagdating niya sa harapan ng kanilang paaralan, una niyang nakita ang matandang kaniyang tinulungan, nakangiti ito sa kaniya katulad kahapon saka siya inabutan ng isang sobre.

Pagbukas niya dito, isang tsekeng naglalaman ng malaking pera.

“Te-teka lang po, baka po nagkamali lang kayo ng pinag-abutan,” sambit niya saka isinauli ang sobre sa matanda.

“Para sa’yoo talaga ‘yan, hija. Natuwa ako sa kabutihan ng iyong puso simula noong nasa jeep tayo kahapon. Mantakin mo, ayos lang sa’yo na walang matira sa sarili mo makatulong ka lang sa iba. Nakakabilib ka,” nakangiting sambit nito saka siya tinapik-tapik sa likod, “Salamat nga pala sa mga tinapay, ha? Matagal ko na ring hindi natitikman ang gawa ng mga panadero ko, masarap pa rin pala talaga,” dagdag pa nito na labis niyang ikinagulat.

Ito pala ang may-ari ng sikat na panaderyang ‘yon. Magkahalong saya’t pagkahiya ang kaniyang naramdaman. Ngunit kahit pa ganoon, labis siyang natuwa dahil nagbunga ang kaniyang kabutihan.

Ipinandagdag ni Mimi ang kalahati ng pera sa negosyo ng kaniyang ina. Nakapagpatayo sila ng maliit na tindahan upang huwag na maglako ang kaniyang ina. Bukod pa doon, bumili siya ng grocery na talaga nga namang makakatulong sa kaniyang pamilya at higit sa lahat, nakasama na siya sa kanilang eskarsyon dahilan upang hindi na siya kumuha ng pagsusulit.

Labis ang saya at pasasalamat ng dalaga sa naturang matanda. Palagi niya itong dinadalaw sa panaderya na labis naman nitong kinagagalak.

Simula noon, mas lalong handang tumulong ang dalaga sa kahit pa sinong nangangailangan. ‘Ika niya, “Mas pinagpapala ang siyang nagbibigay.”

Advertisement