Pasensya Na, Tao Lang
“Jef, kanino itong lipstick sa bulsa ng pantalon mo?” pang-uusisa ni Eya sa kaniyang asawa saka ipinakita ang lipstick na hawak niya. Maglalaba sana siya ng mga damit nito nang makitang may lipstick sa pantalon nitong malabong maging kaniya.
“Ah, eh, sa katrabaho ko ‘yan! Pinalagay lang sa akin, nakalimutan lang kunin,” mautal-utal na palusot ni Jef sabay kamot sa kaniyang ulo.
“Umamin ka na bago pa lumipad sa mukha mo ‘tong lipstick!” panakot ng ginang saka akmang ibabato ang lipstick sa mukha ng asawa.
“Pasensya ka na, mahal, tao lang ako, nadala ako ng mga emosyon, lasing rin kasi ako. Hindi ko sinasadya,” paliwag niya, hindi niya magawang makatingin sa asawa.
“Pasensya na tao lang, pasensya na tao lang! Palaging ganyan ang sinasabi mo sa tuwing nahuhuli kita! Kailan ka ba magtitino? Diyos ko naman, Jef!” dismayadong sambit ng kaniyang asawa saka ibinato sa sahig ang lipstick na nakuha’t nagmadaling pumasok sa kanilang silid. Napabuntong hininga na lang siya at napakamot ng ulo.
Tatlong taong kasal na ang dalawang mag-asawa at sa loob ng mga taong ‘yon, labis na pagdurusa ang nararanasan ng asawa ni Jef. Hindi pa rin kasi natatanggal sa lalaki ang pagkababaero niya. Pilit man siyang binabago ng asawa, hindi niya mawari kung bakit kapag may babae nang lalapit sa kaniya, hindi siya makatanggi.
“Pasensya na, tao lang” mga katagang palagi niyang rason sa kaniyang asawa. Lagi niyang palusot na tao lang siya at natutukso rin dahilan upang laging magalit sa kaniyang ang ginang. Ngunit dahil nga mahal siya nito, palagi siya nitong pinapatawad kapag nagsimula na siyang humingi ng tawad at maglambing.
Kaya naman, nang makapag-isip-isip, dali-daling kinuha ni Jef ang susi ng kaniyang sasakyan at pumunta sa palengke. Bumili siya ng lechong manok, paborito ng kaniyang asawa at isang bouquet ng pulang-pulang rosas. Maya-maya pa, nakarating na muli siya sa kanilang bahay. Hinanda niya ang kanilang lamesa. Inihain niya ang lechong manok at kanin. Nang ayos na ang lahat, kinuha na niya ang bulaklak saka nagtungo sa kanilang silid kung nasaan ang kaniyang asawa.
Ngunit pagkabukas niya ng pinto, agad niyang nabitawan ang hawak na bulaklak at agad na binuhat ang walang malay na asawa. Bumubula ang bibig nito at tila wala nang malay.
Agad niya itong dinala sa ospital, mangiyakngiyak siyang palingon-lingon sa asawa’t daan.”Huwag mo akong iiwan, hindi ko kaya,” hikbi niya.
Sa kabutihang palad, naagapan agad ang pagkalason ng kaniyang asawa. Para bang nabunutan siya ng tinik sa lalamunan nang malamang makakasama niya pa ang si misis. Hawak-hawak niya ang kamay nito nang dumating isang lalaking nars.
“Sir, kuhanan ko lang po ng dugo si ma’am,” ‘ika nito, agad naman siyang tumayo. Habang kinukuhanan ng dugo ang kaniyang asawa, may isa pang nars ang kumatok sa silid at tila nagulat kung bakit nandito ang nars na ito.
“Hoy, yung pasyente sa kabilang kwarto ang kukuhanan ng dugo! Diyos ko, hindi maayos ang sirkulasyon ng dugo ng pasyenteng ito!” sambit ng isa dahilan upang maalarma silang lahat pati na si Jef.
“Ano ka ba?! Bakit hindi mo tinitingnan mabuti ang room number? Paano na lamang kung lumala ang pakiramdam ng asawa ko, ha?” galit na sambit ni Jef saka lumapit sa ginang.
“Pasensya na po, tao lang,” depensa ng nars na dahilan upang lalo siyang manggalaiti.
“Hindi rason ‘yan! Lahat tayo rito tao! At kahit kailan hindi ‘yan magiging isang dahilan dahil nagkamali ka!” sigaw niya saka hinawakan sa kwelyo ang nars. Nagulat naman siya nang biglang magsalita ang kaniyang asawa, tila nagising ito sa kaniyang pagkakasigaw.
“Nakakainis makarinig ng rasong, pasensya na tao lang, hindi ba?” parang nabato siya sa sinabi ng asawa. Tila napagtanto niyang tama, nakakainis pala talaga dahilan upang mapabitaw siya sa nars. Dali-dali naman itong umalis ng silid sa kahihiyan at kaba.
Dahan-dahan siyang lumapit sa kaniyang asawa saka humingi ng tawad dito. Buong akala niya’y patatawarin siya nito ngunit tila nagsawa na ito at nais nang makipaghiwalay sa kaniya.
“Tama ka, lahat tayo tao, kaya patawarin mo ako, dahil tao lang rin ako’t napapagod rin. Pasensya na tao lang, may tamang gamit ang katagang ‘yan, hindi para tabunan ang kasalanan mo, ginagamit ‘yan sa panahong hindi mo na kayang lumaban. Ang pambababae mo, kung gusto mo talagang mawala sa’yo, lalabanan mo ang tukso. Pero siguro nga, hindi pa ako sapat sa’yo,” maluha-luhang sambit nito. Unang beses nagsalita ang ginang tungkol sa kaniyang nararamdaman sa mga masasakit na gawaing patuloy na ginagawa ng lalaki.
Tila doon siya nahamon. Pagkalabas ng ospital, agad na inayos ng ginang ang kanilang mga papeles para sa kanilang paghihiwalay habang siya, patuloy ang pagsuyo rito.
Palagi niya itong binibilhan ng mga paborito nitong pagkain, bulaklak at mga naggagandahang gamit. Palagi rin siyang maaga nang umuuwi galing trabaho. Palaging nakatanggi sa inuman sa mga katrabaho.
Isang buwan lang ang nakalipas, tila malaki ang pinagbago ng lalaki at napatunayan ito ni Eya nang minsan niyang sadyaing ipadala ang isang babae para tuksuhin ang kaniyang asawa.
Buong akala niya’y kakagat sa temptasyon ang kaniyang mister ngunit laking gulat niya nang takluban nito ng kumot ang babae saka niya ito sapilitang pinaalis. Sigaw nito, “Mahal ko ang asawa ko! Nagkamali man ako noon ng maraming beses, hindi na ako magkakamali ngayon!” at doon na umagos ang luha ng ginang.
Agad siyang lumabas sa kaniyang pinagtataguan saka niyakap ang asawa. Gulat na gulat naman ito nang malamang plano pala ito ng kaniyang misis. Ngunit hindi na niya ‘yon inintindi, mas pinagtuunan niya ng pansin ang durog na ginang na nakayakap sa kaniya.
Simula noon, naging maayos na ang pagsasama ng dalawa. Tila napagtanto ng lalaking hindi dahilan ang pagiging tao upang pagtakpan ang kaniyang mga kamalian dahil may utak siyang alam ang tama at mali.
Nawa’y huwag nating hayaang malamon ng dahilang tao lang tayo upang malinis ang ating kasalanan. Tao tayo at may kakayahang magbago.