Hindi Nagkakamali ang Kutob
Malakas ang kutob ni Melba na may ibang babaeng pinagkakaabalahan ang kaniyang mister na si Facundo, assistant vice president sa isang malaking kompanya na gumagawa ng mga laruan. Mukhang siya ang pinaglalaruan nito! Lagi niya itong nahuhuling may katext o kachat, habang halos mapunit ang mukha nito sa luwang ng ngiti. Kapag nakita naman siya, biglang seseryoso at itatago ang cellphone. Nilagyan din ng password ang cellphone kaya hindi niya mabuksan at mabasa ang mga mensahe nito.
Nakipagkita si Melba sa kaniyang amigang si Adelfa upang maglabas ng sama ng loob at humingi ng payo sa nararapat niyang gawin.
“Hulihin mo. Biglain mo. Pumunta ka kaya at dumalaw sa opisina niya para malaman mo ang ginagawa niya? Baka naroon ang kulasisi niya,” payo ni Adelfa habang sumisimsim ng kape.
“Natatakot akong malaman ang totoo. Saka baka hindi ko mapigilan ang sarili ko’t gumawa ako ng eskandalo. Alam mo naman ang bibig ko. Walang preno. Kapag tumalak na ako tuloy-tuloy na,” napapailing na tugon ni Melba.
“Eh paano mo malalaman ang sagot sa tanong mo kung hindi ka gagawa ng paraan na malaman ito? Gamitin mo ang taray at tapang mo! Bakit ka ba nauumid sa asawa mo? Pero sa mga kaibigan natin na pinipindeho ng mga asawa nila, ikaw pa mismo ang sumasama sa kanila para manghuli,” sabi ni Adelfa.
May katotohanan ang sinabi ni Adelfa. Ilang mga amiga nila ang nagpatulong kay Melba para mahuli ang mga asawa nilang may babae. Pero sa pagkakataong ito, tila walang lakas ng loob si Melba na alamin kung tama ba ang kaniyang kutob pahinggil sa asawang si Facundo.
“Baka naman kasi hindi mo rin pinapatuka? Ilang beses ba kayo magtal*k sa isang linggo?” tanong ni Adelfa.
“Nitong mga nakaraang araw, hindi na eh. Lagi siyang pagod. Marami raw ginagawa sa opisina. Kapag inaaya ko, tumatanggi…” sabi ni Melba.
“Naku, baka naman kasi naubos na ang enerhiya sa ibang babae! Dapat kasi magpaganda ka pa at akitin mo siya. Alam mo ang lalaki, hindi iyan hahanap ng ibang pugad kapag naibibigay natin ang mga pangangailangan nila,” sabi naman ni Adelfa.
Nagpatuloy ito. “Tingnan mo ako… sinisiguro ko na lagi akong maganda sa paningin ng asawa ko para hindi siya humanap ng iba. Saka manood ka kasi ng mga video para maging exciting naman ang pagtatal*k ninyo,” payo ni Adelfa.
Inisip ni Melba ang mga sinabi ni Adelfa. Gagawin niya ang unang payo nito. Sorpresa niyang dadalawin ang asawa sa opisina nito. Dadalhan niya ng pagkain.
Iyon nga ang ginawa ni Melba. Nagluto siya ng carbonara na paborito ng kaniyang asawa. Isinilid niya ito sa isang baunan at nagmaneho patungo sa opisina ng asawa.
Nagulat siya dahil iba na ang sekretarya ng asawa. Nag-resign na pala ang dati nitong sekretarya dahil nabuntis at kinakailangang alagaan ang anak. Isang batambata, seksi, at magandang babae ang bagong sekretarya ni Facundo. Nakaramdam ng pagkainggit si Melba.
“Pwede ko bang puntahan ang asawa ko?” seryosong tanong ni Melba sa sekretarya. Ngumiti naman ito sa kaniya at magalang na sumagot.
“Sorry mam, pero may meeting po si sir with bosses. Puno po ang schedule ni sir ngayon.”
“May I see his schedule for today?” tanong ni Melba.
“Eh mam, confidential po kasi…”
“I don’t care, anyway, I’m his wife at siguro naman may karapatan akong malaman kung ano ang gagawin ng ASAWA KO ngayong araw,” may diin ang pagkakasabi ni Melba sa “asawa ko”.
Nataranta naman ang sekretarya sa pagmamaldita ni Melba kaya iniabot niya rito ang tablet kung saan nakalagay ang schedule ni Facundo. Nakita niya na may dinner meeting ito ng alas siyete ng gabi sa isang restaurant.
“Sino ang kadinner meeting niya mamayang alas siyete?” untag ni Melba sa sekretarya.
“Mam, hindi po sinabi ni sir eh…” nanginginig na ang sekretarya. Naawa si Melba sa sekretarya kaya nagpaalam na siya. Ibinigay niya rito ang nilutong carbonara at sinabing iabot sa kaniyang sir.
Habang nagmamaneho pauwi si Melba ay malalim ang kaniyang pag-iisip. Naplano na niya ang lahat. Huhulihin niya ang asawa. Malakas ang kaniyang kutob na ang dinner meeting nito ang susi sa kaniyang mga tanong. Pero nakalimutan niya ang pangalan ng restaurant at kung saang branch ito kaya bumalik siya sa opisina upang muling tanungin ang sekretarya.
Wala ang sekretarya sa lobby ng opisina ng asawa kaya walang paalam na pumasok siya sa loob nito. Subalit nagulat at napatda siya sa nasaksihan dahil kitang-kita niyang kumakain ang sekretarya kasama si Facundo. Kinakain nila ang carbonarang ibinigay niya. Enjoy na enjoy na sinusubuan ng sekretarya ang kaniyang asawa.
“Mga hayop kayo… sinasabi ko na nga ba…” galit na sabi ni Melba at sinugod ang sekretarya. Hinawakan ito sa buhok at sinabunutan. Napatayo naman ang nagulat na si Facundo at inawat ang asawa.
“Kasama ba sa job description mo bilang sekretarya ang subuan at landiin ang asawa ko?! Haliparot!” isang mag-asawang sampal ang ibinigay niya sa sekretarya. Hindi ito nakahuma. Nakatungo lamang ito.
“Melba… patawarin mo ako…”
Sinuntok ni Melba sa mukha ang asawa.
“Wala kang dapat ipaliwanag. Nakita ko ang lahat. Maghiwalay na tayo,” sabi ni Melba sabay alis.
Sinampahan ng kaso ni Melba ang sekretarya at ang kaniyang asawa dahil sa pangangalunya. Nanalo naman siya sa kaso dahil marami pala sa mga empleyado ng kompanya ang naging saksi sa relasyon ng dalawa. Ipinasya ni Melba na mamuhay na lamang mag-isa at pahalagahan ang kaniyang sarili. Ginamit niya ang perang nakuha mula kay Facundo upang makapagsimulang muli. Mabuti na lamang at nakinig siya sa kaniyang kutob kaya’t natuldukan na ang panloloko sa kaniya.