Si Ate na Nanay na Tatay pa
“Ate, kailangan ko po ng pang-ambag sa project namin…”
“Ate, malapit na po ang ball namin kailangan ko pong bumili ng gown…”
“Ate Jonalyn, sira na po ang shoes ko…”
Hindi malaman ni Jonalyn kung kanino ibabaling ang kaniyang paningin sa tatlong nakababatang kapatid na humihingi sa kaniya ng pera. Paalis na siya noon patungo sa trabaho bilang isang promodizer sa isang mall.
“Teka lang, teka lang… mahina ang kalaban. Kailan na ba kailangan ang ambag sa project? Magkano naman?” tanong ni Jonalyn sa kapatid na si Jennylyn na nasa Grade 5.
“100 pesos po ate,” tugon ni Jennylyn.
Dumukot ng 100 piso si Jonalyn mula sa kaniyang bulsa at iniabot kay Jennylyn. Tuwang-tuwa naman ang bata at niyakap siya.
Sunod naman niyang tinanong si Janjan, ang kapatid nilang bunso na nasa Grade 3.
“Gaano ba kalaki sira ng sapatos mo?”
Ipinakita ni Janjan ang pamasok na sapatos. Natutungkab na ang gilid nito.
“Jennylyn, may rugby doon sa ilalim ng lababo. Pwede bang pakiayos mo muna ang sapatos ni Janjan? Wala pa kasi akong suweldo. Saka na tayo bibili kapag may pera na ako. Makakahintay pa iyan,” utos ni Jonalyn kay Jennylyn. Tumango naman ang dalawang kapatid.
Sunod naman niyang hinarap ang dalagita niyang kapatid at sumunod sa kaniya si Josalyn na nasa Senior High School.
“Matagal pa naman ang ball ninyo, hindi ba? Bakit nagmamdali kang makabili ng gown?”
Lumabi si Josalyn. “Kasi po ate, bibili na ang mga classmates ko this Saturday. Naisip ko, sasabay na ako sa kanila, para may kasama ako’t makita nila kung bagay sa akin ang damit. Alam ko kasing hindi mo ako masasamahan dahil may raket ka tuwing Sabado at Linggo.”
“Sige gagawan natin ng paraan ha? Chill ka lang,” pangako ni Jonalyn sa kapatid.
“I love you ate!” sabi ni Josalyn at niyakap ang ate.
“O siya, papasok na ako at baka ma-late pa ako. Ang mga bilin ko sa inyo ha, huwag kalimutan,” huling bilin ni Jonalyn sa mga kapatid at nanaog na siya ng bahay.
Habang nasa dyip patungo sa kaniyang pinapasukang mall ay napapaisip si Jonalyn. Simula nang sumakabilang-buhay pareho ang kaniyang mga magulang, si Jonalyn na ang umako sa responsibilidad sa pagpapalaki sa kaniyang mga kapatid upang mabuhay lamang ang mga ito. Kinailangan niyang huminto sa pag-aaral upang makapagtrabaho. Kung ano-anong matitinong trabaho at raket ang pinasok niya para lamang magkapera. Naging serbidora siya sa restaurant, naging promodizer, sales lady, yaya, tindera sa loading station, kahera, at marami pang iba. Halos hindi na siya nagpapahinga. Promodizer siya mula Lunes hanggang Biyernes sa isang mall, at tuwing Sabado at Linggo naman ay umeekstra bilang kahera sa isang maliit na grocery sa palengke.
Sa labis na kaabalahan sa buhay, hindi na naasikaso ni Jonalyn ang kaniyang personal na buhay. Wala siyang kasintahan. Naisip niya, sagabal lamang ito sa kaniyang oras. Marami siyang kailangang gawin. Lahat ng mga nagtangkang manligaw sa kaniya, hindi niya binigyan ng oras at atensyon. Nakatuon ang kaniyang buong atensyon sa kaniyang mga kapatid.
Isang araw, habang papauwi si Jonalyn matapos ang duty sa mall, nakita niya ang kapatid na si Josalyn na nakatambay sa food court at may kasamang lalaki. Halos magkadikit na ang mga mukha nito. Hindi napigilan ni Jonalyn ang kaniyang sarili at nilapitan niya ang dalawa.
“Josalyn!” galit na sita ni Jonalyn.
Halos mapalundag naman sa gulat si Josalyn pagkakita sa kaniyang ate.
“Tumayo ka riyan at umuwi na tayo!” matigas na utos ni Jonalyn sa kapatid. Wala itong nagawa kundi tumayo at iwan ang kasamang lalaki dahil baka gumawa pa ng eskandalo ang kaniyang ate.
Katakot-takot na sermon ang inabot ni Josalyn mula sa kaniyang ate.
“At talagang doon pa kayo sa food court naglalampungan? Boyfriend mo ba iyon? Kung ano-anong inaatupag mo. Huwag mong sayangin ang mga pinagpaguran ko mapag-aral ka lang!”
“Hindi ko po siya boyfriend, ate. Kaibigan ko lang po iyon. Masyado kang malisyoso,” umiiyak na paliwanag ni Josalyn sa kapatid.
“Paanong hindi boyfriend eh halos magkapalitan na kayo ng mukha kanina? Kulang na lang magtukaan na kayo. Sinasabi ko sa iyo Josalyn ah… magtapos ka muna ng pag-aaral bago ka makipagharutan sa mga lalaki!” hindi na napigilan ni Jonalyn ang kaniyang bibig.
“Hindi ako tutulad sa iyo, ate. Walang boyfriend. Nakakabagot ang buhay mo, ate. Puro ka lang trabaho. Wala kang oras para sa amin. Wala kang oras para sa sarili mo…”
Nagpanting ang tenga ni Jonalyn. Umigkas ang kaniyang kanang kamay sa pisngi ni Josalyn. Nasaktan siya sa sinabi nito. Parang hindi nito naisip ang kaniyang mga sakripisyo para sa kanila.
“Huwag mo akong pagsasalitaan ng ganiyan. Hindi mo alam ang hirap na pinagdaanan ko. Alam mo ba kung bakit wala akong panahon para sa pakikipagboyfriend? Dahil iginugol ko ang sarili ko para sa inyo! Kinalimutan ko ang mga pansarili kong kagustuhan para lang sa inyong mga kapatid ko. Nang yumao sina nanay at tatay, ako na ang tumayong magulang ninyo. Ginawa kong araw ang gabi. Kumayod ako para lang matustusan ang mga pangangailangan ninyo. Sana naman nakita mo iyon, Josalyn!” umiiyak na sabi ni Jonalyn sa kapatid. Napaupo siya sa sofa at umiyak.
Umiiyak na lumapit sa kaniya si Josalyn at niyakap siya. Lumapit na rin sina Jennylyn at Janjan.
“Sorry ate… sorry po… hindi ko sinasadya ang mga sinabi ko. Naa-appreciate naman po namin ang mga ginagawa at sakripisyo ninyo sa amin. Mahal na mahal ka namin. Malaki ang utang na loob namin sa iyo. We love you ate,” sabi ni Josalyn at niyakap at hinalikan sa pisngi ang ate.
Simula noon ay mas naging magkakasundo na ang magkakapatid. Nagsikap pang lalo ang mga bata sa kanilang pag-aaral upang masuklian ang pagpapagod sa trabaho ng kanilang ate. Inilaan na rin ni Jonalyn ang kaniyang Linggo para sa kanila. Hindi matutumbasan ng kahit na anong halaga ang oras na kasama ang pamilya.