Pakialamero. Iyan ang bansag sa dakilang tambay na si Rick, ng Baranggay Bagong Bato. Lahat na lang nga ng bagay sa kanilang baranggay ay may ‘sayʼ ito kahit ang totoo ay wala naman itong alam na gawin kundi ang tumambay at makiusyoso.
Marami sa mga taga Brgy. Bagong Bato ang naiinis sa ugaling iyon ni Rick, ngunit pinagpapasensiyahan na lamang siya ng mga ito. Bukod kasi sa pagiging pakialamero ay isa ring chismoso ang lalaki, kahit pa naturingang kalalaki nitong tao.
“Mare, may nagrarambulan daw doon sa may tapat ng bakery ni Mang Toto. Kasama raw ʼyong anak ni Aling Ising!” minsaʼy narinig ni Rick sa dalawang tsismosang napadaan habang nakatambay siya sa terminal ng tricycle papasok sa kanilang baranggay. Nanlalaki ang kaniyang mga tainga sa pakikinig.
“Hala, ganoʼn ba? Naku, sino naman ang kaaway?” tanong naman ng kausap nito.
“Iyong mga taga kabilang baranggay daw, e. Nag-away lang daw dahil sa basketball!”
Matapos marinig ang pag-uusap ng dalawa ay dali-daling napabalikwas ng tayo si Rick. Tila nabuhay na naman ang kaniyang dugo dahil sa narinig na balita.
Kaagad na dumiretso si Rick sa narinig na lugar kung saan daw nangyayari ang naturang insidente. Naabutan niya pang nagpapambuno ang mga ito at walang pakundangang nakisali sa gulo si Rick upang umawat.
“Sino ka ba? Bakit nakikialam ka rito? Kasali ka ba?” tanong ng isa sa mga nag-aamok na taga kabilang baranggay.
Hindi naman agad nakasagot si Rick sa tanong nito hanggang sa bigla siyang undayan ng saksak ng isa sa mga ito.
“T-tumutulong lang naman ako,” sambit niya.
Maririnig ang sigawan sa paligid, ngunit ang mga iyon ay animo mga ugong lang na umaalingawngaw sa tainga ni Rick, kasabay ng unti-unti niyang pagkahilo habang unti-unti ring bumabaon ang patalim sa kaniyang tagiliran, sa likod at kung saan pang parte ng katawan.
“Awatin ninyo! Tulong!”
“Iyong lalaki nasaksak!”
Ilan sa mga tao ang nagsisigawan at naghihingian ng tulong, ngunit lumipas pa ang ilang minutong walang lumalapit upang tumulong sa kaniya.
Nang makita siyang duguan ng mga nagrarambulan ay agad na nagsipagtakbuhan ang mga ito palayo at iniwan siyang namimilipit sa daan. Kung hindi pa nga nagmagandang loob ang ilang mga napadaan lamang sa lugar ay hindi pa siya madadala sa ospital.
Ganoon na lamang ang takot ni Rick sa kaisipang baka iyon na ang katapusan niya lalo na nang marinig mula sa doktor na malala pala ang kaniyang tama, dahil nahagip ng saksak ang kaniyang bato. Kailangan daw magsagawa ng isang operasyon upang mabilis na agapan ang kaniyang kalagayan.
Dinig niya, sa kabila ng kaniyang pagkakapikit ang iyak at hagulgol ng kaniyang ina at mga kapatid. Gustuhin man niyang humingi ng tawad sa mga ito ay hindi niya kayang imulat ang kaniyang mga mata.
Bukod pa roon ay naging tampulan pa siya ng chismisan sa kanilang buong baranggay. Ang iba ay nagtatawa sa kaniyang sinapit at sinasabing kasalanan niya naman ang nangyari, habang ang iba naman ay naawa sa kaniyang sinapit.
“Narinig nʼyo na ba ʼyong nangyari kay Rick?”
“Oo. Wala tayong magagawa. Siya naman ang may kasalanan noʼn, e. Pakialamero kasi siya, hayan tuloy at napahamak siya sa sarili niyang kasalanan.”
“Kaya nga, e. Pero nakakaawa rin. Kung makaka-recover pa siya, sana naman magbago na siya dahil ikinapapahamak lang niya ang mga ginagawa niya.”
“Kaya nga, e. Idamay mo pa iyong mga ibang tsismosa rito sa lugar natin. Kung hindi nila ititigil ʼyan, baka mangyari din sa kanila ang nangyari kay Rick.”
Ganoon pa man, isang malaking leksyon ito para kay Rick. Kumapit siya sa dasal habang siya ay nagpapagaling at ipinangakong babaguhin na ang kaniyang sarili. Sa kabutihang palad ay naka-recover si Rick sa nangyari sa kaniya. Laking pasasalamat ng kaniyang pamilya sa Diyos dahil naging mabuti na rin ang kaniyang kalagayan.
Pagkalabas na pagkalabas ni Rick sa ospital ay agad siyang humingi ng tawad sa kaniyang ina maging sa kaniyang mga kapatid. Nag-umpisa siyang maghanap ng trabaho at naging masipag, gaya ng pangako niya. Naging mas malapit din siya sa Diyos mula nang mangyari ang bagay na iyon sa kaniya.
Ngayon ay unti-unti nang gumaganda ang takbo ng buhay ni Rick sa tulong ng suporta ng kaniyang pamilya. Lagi niyang tinatandaan na minsan ay hindi natin kailangang makialam at makisawsaw sa mga bagay na wala tayong kinalaman, kahit pa maganda naman ang hangarin natin.