Inday TrendingInday Trending
Nang Pagbigyan Siya Ng Swerte

Nang Pagbigyan Siya Ng Swerte

“’Tay, di pa ba tayo kakain?”

Pinagmasdan ng 60 anyos na si Mang Jose ang anak na kanina pa umuungot ng gutom. Maging siya ay kumakalam na ang tiyan ngunit para sa anak ay titiisin niya ang lahat.

Bitbit ang itim na plastic bag na naglalaman ng mga plastik na bote na kinolekta nilang dalawa ng anak si Lito sa daan ay sumagot siya sa anak, “Sandali na lang, anak.”

Mainit ang tanghaling iyon. Tumatagos ang init ng kalsada sa suot niyang manipis at pudpod na tsinelas. Mabigat na nagdala kaya sa tingin niya ay sapat na ang kikitain nila upang lagyan ng laman ang kumakalam na sikmura.

“Yun ‘tay, oh! May junk shop.” Masayang tinuro ni Lito ang lugar.

Tumango siya at ngumiti. Hawak ang maliit nitong kamay ay binagtas nila ang daan patungo roon. Agad namang tinimbang ng lalaking nagbabantay ang kanilang dala.

Trenta’y kwatro para sa buong umagang paghahanap.

Maliit, ngunit sapat na iyon para makabili ng tinapay para sa anak. Mahirap kasi lalo na kapag tag-ulan o malakas ang bagyo. Walang makain, wala ring masilungan.

“Di ka ba kakain, ‘tay?” tanong ng anak na maganang kinakain ang tinapay na binili nila.

Kumuha siya ng isa.

“Salamat, ‘tay.” May inosenteng ngiti sa mga labi nito.

Ngumiti siya rito ngunit sa likod ng ngiti ay ang paghingi ng tawad sa anak. Hindi niya ito mabigyan ng magandang buhay.

Hindi naman kasi siya nakatapos ng pag-aaral dahil sa hirap ng buhay kaya naman nakuntento na siya sa pagsasaka. Kaya nga lang nang mapangasawa niya si Celia, ginusto nitong mag-Maynila.

Pero dahil wala siyang pinag-aralan, ay iniwan din siya nito matapos ang dalawang taon. Balita niya ay sumama na sa mayamang Amerikano. Tinangay ang kakarampot niyang inipon para sa pag-aaral ng anak.

Ayon dito ay dahil malas siya sa buhay nito at dahil hindi niya ito kayang bigyan ng buhay na pangarap nito.

Kinuha pa nito ang titulo ng lupa na ipinamana sa kanya ng ama.

Mabuti na lang at hindi kinuha ang anak niya.

Matapos ng kaunting pahinga ay iniwan niya ang anak para muling maghanap.

“Ayos lang po kayo?” tanong ng isang lalaki nang makita na nawalan siya ng balanse habang tinitignan ang isang basurahan.

“Salamat.” Ngumiti siya at tumango.

Marahil sa init, pagod, o sa gutom kaya siya nahilo.

“Sigurado po kayo?” Tanong nito dahil hindi kumbinsido.

Tumawa siya ng bahagya. “Oo naman, maraming salamat.”

Sanay na siya. Ilang beses na iyong nangyari sa kanya kaya’t alam niyang kaunting pahinga ay ayos na siya.

“Bakit pa kasi kayo nagtatrabaho? Sa ganitong lugar pa? Napakainit!”

Sandali siyang tumigil sa ginagawa at nilingon ito.

“Ganun talaga ang buhay. Mahirap maghanap ng trabaho. Sa edad ko ba namang ito? walang tatanggap sa akin. Lalo pa at hindi naman ako nakapag-aral.” Paliwanag niya.

Tumango-tango naman ito na parang naiintindihan ang lahat ng kanyang sinabi.

“Nasubukan niyo na po bang magpunta sa mga kompanya? Baka sakali?”

Tumango si Mang Jose. Nasubukan niya na ang lahat. Marami na rin siyang napuntahan, ngunit walang tumanggap sa kanya kahit na isa. Maski sa pinakamababang posisyon. Mukhang malas talaga siya kagaya ng sinasabi ng asawa.

“May alam akong trabaho, ‘tay. Kaya lang, hindi ganoon kalaki ang sahod.”

Nakuha nito ang kanyang atensyon.

“Ayos lang. Ang kailangan ko lang naman talaga ay pang-araw araw na pantustos sa pagkain.”

Saka na ang bahay, naisip niya.

Nakaya naman nilang manirahan ng anak sa Luneta sa nagdaang 3 buwan.

Kaya naman sa mga sumunod na oras ay ipinaliwanag nito sa kanya ang tinutukoy nito. Maglilinis lamang daw ng isang buong subdivision, dalawang beses isang linggo katumbas ng 1,500.

“Sigurado ka bang tatanggapin ako dun? Wala akong natapos, e.” Tanong niya.

Ngumiti ito at tumango.

“Opo, ako ang bahala. Kakilala ko naman po. Kakausapin ko para sa inyo.”

Kinabukasan rin ay nag-umpisa na siya sa trabaho, at naging magaan naman ang lahat. Mababait ang mga kasama niya na kadalasan ay kasing-edaran niya na rin. Ang lalaking tumulong sa kanya, na nakilala niyang si Erick, ay nakatira rin sa lugar na iyon.

“Sige, Mang Jose. Dun ako sa kabila tapos diyan ka sa may kabilang daan.” Sabi sa kanya ni Mang Tupe, isang kasamahan.

Tumango naman siya at nagtungo na sa kung saan nito sinabi.

Nadaanan niya ang bahay ni Erick, nakita niya ito sa terasa ng malaking bahay. Kumaway ito sa kanya. Ngumiti siya.

Ngunit nawala ang ngiti ng makita ang isang babae sa likod nito, kasama ang amerikano.

Nanlaki ang kanyang mata! Si Celia!

Hindi niya akalain na makikita niya pang muli ang babaeng iyon. Nawala rin ang ngiti nito nang makita siya. Nagpanggap siyang walang makita.

“Mang Jose!” tawag ni Erick.

Nagpatuloy siya sa pag-aayos ng basura sa tapat ng bahay. Kunyari walang nakikinig. Nag-uumpisa na siya ng bagong buhay kaya hindi niya na kailangan ang dating asawa.

Kinuha niya ang mga basura na pulos papel at isinakay sa kariton. Umalis siya dala ang lahat ng basura at hindi na muling lumingon.

Galit siya habang inaayos ang mga nakalap na basura. Tahimik. Hindi mawala-wala sa isip niya ang kanyang nakita.

Natigil siya ng makita ang isang papel. Hindi lamang basta papel.

Iyon ang tseke na tinangay ng asawa! Kasama na ang titulo ng lupa na ipinamana sa kanya. Nangilid ang kanyang luha.

Ibinalik sa kanya ng tadhana ang kinuha ng kanyang asawa.

Mukhang sa unang pagkakataon, ay pinanigan siya ng swerte. Hindi man bumalik ang asawa, ay ibinalik naman sa kanya ang mga bagay na importante sa kanya.

Napag-alaman niyang si Erick pala ay stepson ni Celia. Kaya naman agad-agad siyang nagsabi kay Erick na hindi na niya itutuloy ang pagtatrabaho para dito.

Hindi niya na ikinwento dito ang nagawa ng madrasta nito na si Celia. Hahayaan niya na iyon maging lihim nila habambuhay.

Walang lingon-likod siyang umalis ng lugar na iyon dala-dala ang mga papeles na babago sa buhay nilang mag-ama. Magsisimula sila ulit. Bibigyan niya ng mas magandang buhay ang kanyang anak.

Advertisement