Taong 1980
Inaantok pa ang pitong taong gulang na si Amelia pero wala siyang nagawa kundi bumangon dahil tinatapik siya ng kanyang ate Katherine sa bandang hita.
“Dalian mo huy. Bangon na. Ang bigat mo, hindi ko matanggal ang pagkakasiksik ng kulambo.” sabi ng labing anim na taong gulang na dalagita.
Pupungas-pungas namang gumalaw ang bata. Tinulungan niya na ang kapatid sa pagtupi ng kumot at kulambo nilang napakarami nang butas. Tipong lamok na ang mahihiyang lumapit dahil maaawa sa sitwasyon nila.
“Ikaw talaga, sinabi ko naman kasi sa iyo na umuwi ka agad sige ka pa rin sa pakikipagtaguan kagabi. Huy, Junior.. Leo! Bangon na dyan. Connie! Vangie!” gising nito sa iba pa nilang mga kapatid.
“Ang Ate Kathy naman, alas tres palang ng madaling araw!” kakamut-kamot sa ulong sabi ni Connie.
“Aba! Gising na ang nanay. Narinig mo iyong kalampag sa labas? Pag siya ang pumasok rito sa kwarto malilintikan kayo.” pagkarinig noon ay nagsitayuan na rin ang mga ito.
Hinawi nila ang kurtinang nagsilbing harang ng kwarto sa salas. Naroon na ang kanilang ina, handa na ang buslo. Ang tatay naman nila ay nagka-kape.
“O? Tena!” sabi ng kanyang ama. Nagpagpag ng kamay at lumabas na sa kanilang barung-barong. Sumunod ang buong pamilya.
Maingat ang bawat hakbang, pinipigilan ang magsalita ng malakas. Paano kasi ay bawal ang gagawin nila.
Pupunta sila sa lupang pag-aari ng kapitbahay nilang nakaaangat sa buhay. Mayroon itong dalawang puno ng mangga na hitik na hitik sa bunga, sa sobrang dami ay naglalaglagan na. Iyon ang kanilang pupulutin.
Sinadya nilang madaling araw talaga kung manguha dahil may karamutang taglay ang kanilang kapitbahay kahit pa mayaman na. Mas pipiliing mabulok ang mga mangga kaysa ipamigay. Aba sayang naman ano? Minsan lang sila makatikim ng ganito. Ang mahal kaya ng bawat kilo.
Hindi naman kayang bumili ng magulang nila kasi kaysa pamutat, ulam na lamang ang paggagastusan diba?
Minsan ay inaatake sila ng konsensya, pero hindi naman pagnanakaw iyon dahil di naman nila kinukuha sa puno eh. Hinihintay talaga nila iyong mga malalaglag at iyon lamang ang kanilang iniuuwi.
Masayang nakabalik ang pamilya matapos ang ilang oras, napuno ang kanilang buslo.
“Ang sakit na ng kamay ko.” reklamo ni Vangie isang hapon.
“Kaunti nalang ito, tiisin na natin.” sabi naman ng panganay na si Kathy.
Kasalukuyan silang nag-aani ng monggo. Tama, kapag umaga.. mangga. Kapag hapon, monggo. Ang hirap ng buhay pero basta sama sama sila ay kinakaya naman ng pamilya.
Hindi naman kasi sa kanila itong inaani nila, nakikihati lamang sila. Sa bawat monggong maaani, ang 3/4 ay mapupunta sa may ari ng lupa at ang 1/4 naman ay sa kanila. Iyon ang ilalako ng kanilang ina, para pagdating ng gabi.. may pambili sila ng ulam.
“Tingin mo kaya, ganito na lamang tayo habang buhay?” tanong ni Leo, kita sa batang mata nito ang kawalan ng pag-asa.
“Oo nga eh. Sa dami ng nakuha natin, 1/4 lang ang sa atin. Paghihirapan pang ilako ng nanay para lang may makain tayo.” himutok rin ni Junior.
“Aba mga kuya, may plano naman siguro ang Diyos sa pamilya natin. Hindi naman siguro mahirap habangbuhay.” sabi ni Amelia.
Natawa ang magkakapatid sa narinig sa bata, “Naku ikaw! Napaka-drama mo. Dahil iyan sa sobrang pakikinig mo ng Gulong ng Palad sa radyo.” sabi ni Connie.
Ngiti na lamang ang isinagot ng bata.
Makalipas ang napakaraming taon
“Ang sakit na ng kamay ko,” sabi ni Vangie.
“Tingnan mo itong babaeng ito, tumanda na at lahat ay ma-reklamo pa rin!” natatawang sabi ng panganay na si Katherine.
“I-enjoy mo nalang ang pagbabalat ng mangga, mamaya ay darating na sila- o ito na pala!” sabi ni Connie.
Masaya nilang kinawayan ang mga kapatid na nagsidatingan. Nakangiting lumapit si Amelia sa mga ate at niyakap ang mga ito. Gayon rin ang kanilang ina na payapang nakaupo sa isang gilid at sinasamyo ang sariwang hangin.
Ang kanilang ama ay pumanaw apat na taon na ang nakalilipas pero masayang lumisan ang lalaki. Kasi ay natupad na ang pangarap nito para sa pamilya- ang maginhawang buhay.
At dahil iyon kay Amelia, na sa kabila ng kahirapan at mga pagsubok ay di sumuko. Kung ang mga kapatid ay pinanghinaan na ng loob, siya hindi. Pumasok siya sa kung anu-anong trabaho basta makatapos lamang sa kolehiyo. Nang maka-graduate siya ay ganoon na lamang ang kanyang pag-iyak.
Ginalingan niya sa trabaho.. ilang taon niyang hinasa ang sarili hanggang maisipan niyang magtayo ng sariling negosyo.
Nais niyang patunayan sa mga kapatid na tama ang sinabi niya noon, na hindi habangbuhay ay mahirap sila.
“Salamat Amelia ko,” masayang wika ng kanyang ina.
Oo, nag-aani pa rin ng mangga ang mga ate niya pero iyon ay dahil pag-aari na nila ang puno. Naibili niya ng isang malaking hacienda ang mga ito, kung saan namamalagi ang kanyang ina dahil sariwa ang hangin.
Nagpapaani rin sila ng monggo pero di naman na nila kailangan ang kita noon, kaya ibinibigay na nila sa mga nag-aani bilang tulong.
Laging tandaan na habang may buhay, may pag-asa. Gayahin lamang si Amelia, maging ma-tiyaga, masipag at higit sa lahat..wag susuko. Laban lang nang laban!