Isa si Arthur sa mga taong ipinanganak na may gintong kutsarang nakatapat sa bibig. Maganda ang takbo ng negosyo ng kanyang ama, kaya ni minsan ay di siya nakaramdam ng hirap. Gayunpaman, hindi naman naging dahilan iyon para maging masama ang kanyang ugali.
Lumaki siyang may respeto sa kapwa. Hanggang ngayon na may sarili na rin siyang kumpanya ay di nawawala ang kanyang kabutihang asal. Katunayan ay mahal na mahal nga siya ng kanyang mga empleyado.
“Sabi ko naman sa’yo di ba, I can visit the site alone. Nandyan naman si Paeng,” sabi niya sa assistant niyang si Jacob. Sumaludo naman si Paeng mula sa salamin sa unahan- ito ang kanyang driver.
“I insist, Sir. Mahirap na po, kasi basurahan iyong site sa ngayon. Ibig sabihin ho ay maraming nangangalakal. Baka kung ano ang gawin nila sa inyo kapag nalaman nilang kayo ang nakabili ng lupa, na kayo ang dahilan kung bakit mawawalan na sila ng hanapbuhay.” wika nito.
Natawa naman siya ng bahagya, akala yata ng assistant niya ay isa siyang baby. Syempre mauunawaan niya na masama ang loob ng mga tao pero malaki naman ang tiwala niya na walang magtatangkang manakit.
“Oo nga pala, naayos mo na iyong financial assistance natin?” tanong niya.
Kumunot ang noo ng binata, “Ano iyon Sir?”
“Jacob, di ba sabi ko, mag-parte ka ng budget na ipamimigay natin sa mga taong nangangalakal. Obviously, tatanggalan natin sila ng trabaho so dapat lang naman siguro na mag-abot tayo kahit na kaunting panimula nila.”
Umiling si Jacob, “Naku Sir I don’t think there is a need to do that. I mean, kung gobyerno po ang umangkin ng lupa doon lamang sila dapat bayaran. Pero private entity po tayo so hindi na naman natin obligasyon iyon.” sabi nito, abala pang isinasalansan ang mga dokumento.
“I don’t really care if we’re obliged by the law or not. I just think it is the right thing to do.”
Wala nang nagawa pa si Jacob at sumang ayon na lamang. Ilang minuto lang ay narating na rin nila ang destinasyon. Hindi naman ganoon karami ang mga nangangalakal, palibhasa ay katanghaliang tapat.
Natanaw ni Arthur ang isang matandang babae na matiyagang nagpipili ng basura. Dinadampot nito ang mga plastic na bote at babasagin, inilalagay sa magkahiwalay na sako. May bitbit rin itong lumang ecobag at isang sirang radyo.
Hinaplos agad ng awa ang kanyang puso. Sa tingin niya kasi ay nasa edad 80 na ang lola, halos kapareho ng kanyang grandma na nasa Amerika. Tiyak na marami nang sumasakit rito pero siguro, sa hirap ng buhay ay napipilitan pang magbanat ng buto.
Maging siya ay napalingon nang may lumapit ritong binata, sa tingin niya ay kasing edad ni Jacob. Nasa bente uno anyos.
“Lola ang dami kong nakita sa kabila! May tsinelas pa o, isuot mo na kasi pudpod na yang suot mo.” tatawa-tawang wika nito.
Lumuhod ang binata at hinubad ang tsinelas ng matanda, saka isinuot sa paa nito ang bago. Well, hindi na ganoon ka-bago dahil hindi naman itatapon ng totoong may ari kung maganda pang tingnan di ba?
“Salamat Estong. Kay bait talaga ng apo kong ito.” nakangiting sabi ng lola. Pabiro pang ginulo ang buhok ng binata.
Napangiti naman si Arthur, habang ang assistant niya ay halatang nadidiri sa kinatatayuan. Init na init rin ito at makailang ulit nang sumulyap sa relo.
Habang di pa nagsisimula ang construction ay nawili si Arthur na bumisita sa dump site kada Linggo. Bababa lang siya sandali sa kotse at mamimigay ng kaunting pagkain. Sa bawat pagbisita niya roon ay palagi niyang nakikita ang mag-lola.
“Ang bait niya ano?” untag niya kay Jacob, nakatitig siya sa binata na ngayon ay kasalukuyang inaakay ang lola.
“Sus, plastik lang yan. Nagpapakitang gilas lang yan sa inyo Sir.” sabi ni Jacob.
“Paano mo naman nasabi? Hindi niya naman ako kilala, bakit niya gugustuhing magpasikat sa akin?”
“Obvious naman Sir na mayaman kayo. Ganyan ang mga yan, kukunin ang loob ninyo. Di niyo namamalayan may nawawala na sa inyo.. cellphone, wallet. Ano pa po ba ang ini-expect natin sa mga taong nakatira sa ganitong lugar?” sabi ng binata.
Hindi na kumibo si Arthur, nagulat pa siya nang mapadaan sa harap nila ang maglola ay tinawag ni Jacob ang mga ito.
“Ilang taon ka na?” sabi ni Jacob sa binata.
Nagulat ang lalaki pero magalang namang sumagot, “22 pare.”
“Tingnan mo? Mas matanda ka pa sa akin, nakukuntento ka na sa ganitong buhay.” matalas na sabi ng kanyang assistant.
“A-Ah..kasi-“
“Jacob!” saway ni Arthur.
“Hindi Sir, para malaman ninyo na di talaga siya mabait. Kasi tingnan mo.. eto pare totoo lang ha, ilang araw namin kayong minamasdan. Pwede ka namang mag-pedicab.. tricycle pero mas gusto mong mag-basura. Tapos isinasama mo pa ang lola mo, bakit.. para magpasikat?” dire-diretsong sabi ni Jacob.
Namula ang mukha ng binata. Doon nagsalita ang lola.
“N-Naku mali ho kayo. Hindi ko ho kaanu-ano itong si Estong. Tinatawag ko lang siyang apo gawa ng ganoon siya kalapit sa akin. Iniwan na kasi ako ng mga anak ko, tapos siya naman ay ulilang lubos na. Magkapitbahay kami sa iskwater.
Hindi niya magawang maghanapbuhay tulad ng sinasabi mo dahil may sakit siya eh. M-May.. Epi..pepsy- epilepsy ba iyon? Iyon bang bigla na lamang natutumba at nanginginig? Gayunpaman ay napakabuti ng puso niya dahil sa kabila ng kanyang karamdaman ay di niya matiis na mag-isa ako. Sinasamahan niya ako rito. Mas malaki ang kita niya sa kalakal dahil mas malinaw ang mata niya pero hinahatian niya ako palagi.”
Pahiyang-pahiya si Jacob. Habang si Arthur naman ay napuno ng paghanga ang puso.
Makalipas ang sampung taon
Nagmamadaling pumunta sa clinic ng kumpanya si Arthur, sinalubong siya ng nurse.
“How is he?” tanong niya, nakarating kasi sa kanya na tumumba na lamang raw bigla sa lobby ang kanyang assistant.
“Okay na po Sir, kalmado na naman po.” magalang na sabi nito.
Dumiretso na siya sa loob at naroon ang nakahigang binata.. si Estong.
“S-Sir Arthur, sorry po. Na-late ka pa tuloy sa meeting mo. Hindi ko ho maintindihan kung bakit sa kabila ng sitwasyon ko ay tinanggap ninyo ako rito,” nahihiyang wika nito.
Tapik lamang sa balikat ang isinagot ni Arthur. “Ang drama mo. Sige na bata, bumangon ka na at may ipapaayos ako sa aking schedule.” wika ng lalaki tapos ay tumalikod na.
Oo, noon ring araw na iyon sampung taon na ang nakalipas ay sinisante niya si Jacob. Hindi niya kayang sakyan ang kasamaan ng ugali nito. Wala pa ngang nararating sa buhay ay mapang-api na sa kapwa.
Naiwang nakangiti si Estong.
Simula noong magkakilala sila sa tambakan ng basura na nabili ni Sir Arthur ay nagulat na lamang siya nang bigla siya nitong alukin na mag-aral. Namigay rin ito ng pera sa mga mangangalakal para makapagsimula ng bagong buhay. Higit sa lahat, inilipat nito sa mas matinong tirahan si lola Enchang.. may maliit pang negosyo! Tiyak niyang masaya ang matanda kung nasaan man ito ngayon dahil nakatikim ito ng ginhawa bago man lang lisanin ang mundo.
Nang makatapos siya sa pag-aaral ay inalok siya ng mabait na ginoo na pumasok sa kumpanya nito, na syempre ay tuwang-tuwa niya namang tinanggap. Hindi niya na alam kung ano ang nangyari kay Jacob basta pagdating niya ay bakante na ang posisyon ng binata.
Taimtim na nagpasalamat sa Diyos si Estong. Alam niya na ngayon kung bakit patuloy ang pagbuhos ng biyaya sa pamilya at negosyo ni Sir Arthur, bukod sa magaling ito- napakabuti ng puso!