Nagtatakang iniangat ni Eloisa ang maleta, kani-kanina lang kasi ay nasa ibabaw lang ng kama ang kanyang make up kit. Lumabas lamang siya sandali ng kwarto upang kausapin ang ina, pagbalik niya ay wala na.
“Eloisa come on!” tawag ng mommy niya.
“Wait lang mom, may nawawala kasi.” napakamot sa ulong sagot niya naman rito.
Pilit niyang inisip kung na-misplace niya ba pero imposible. Isang bumbilya ng ideya ang umilaw sa kanyang isip. Napailing siya tapos ay lumabas ng kwarto.
Marahan niyang kinatok ang kwarto ng kanyang lola Delia.
“La..” tawag niya, pero walang sagot. “La halika na po, hindi ka po ba excited na magbakasyon sa probinsya? Hindi ba at doon ka lumaki?”
Nakarinig siya ng ilang kilos sa loob tapos ay pumihit ang seradura. Iniluwa ang lola niya na tila may tinataguan.
“Umalis na sila? Umalis na ang mga laman lupa?” bulong nito.
Napangiti si Eloisa, “Lola, wala pong mga laman lupa. Nasa Maynila tayo eh.”
Lumingon ang lola sa kaliwa’t kanang direksyon, nang makuntento ay may kinuha sa loob ng kwarto. Ang make-up kit niya.
“Itinago ko. Baka kasi kunin ng mga duwende.”
Sabi niya na nga ba eh. Ito lang naman ang salarin sa mga gamit na bigla na lamang nawawala, hindi naman nito ninanakaw. May sakit kasi ang lola niya.
Sa edad na 85 ay malakas ang katawan nito, nakakapaglakad pa. Iyon nga lang ay bumigay na ang memorya, may Alzheimer’s ito o iyong mabilis makalimot sa mga bagay. Binuhay nito noon ang mga anak sa pamamagitan ng paghi-hilot at pagiging albularyo.
Baka nga kaya ngayong nag-uulyanin na ito ay puro duwende pa rin ang nasa isip.
Sa totoo lang ay di naman galit si Eloisa. Bukod kasi sa sanay na siya, mas lamang ang lungkot dahil sobrang close nilang dalawa. Madalas nga ay sa bahay nito sa probinsya siya nagba-bakasyon noon. Kahit na labag sa kalooban nito ang lumipat sa Maynila ay walang nagawa, di naman nila hahayaang mag-isa ito sa malaking bahay lalo na at may sakit nga. Pinangakuan na lamang nilang dadalaw pa rin sa probinsya, tulad ngayon.
Mabilis ang kanilang naging byahe, nakaramdam ng kaunting lungkot si Eloisa dahil inaasahan niya na sa bawat madaraanan nilang lugar na pamilyar sa matanda ay may maaalala man lang ito kahit na kaunti. Pero wala.
“Bakit ba tayo nandito? Sino ang taga-rito?” wala sa sariling wika nito.
“Basta lola, magugustuhan mo po.” sabi niya.
Katatapos lamang ng bagyo at isa ang lumang bahay ng lola niya sa inabot ng baha. Marumi pa roon at may putik, kaya habang ipinalilinis ay naisipan ni Eloisa at ng ina na manatili na muna sa isang hotel.
Naghanap siya ng bakanteng matitigilan online, hindi naman hotel ang kanyang natagpuan kundi isang bahay na pinauupahan ng may ari.
“Pwede na yan, bed and breakfast. Magkano?” tanong ng mommy niya.
“1300.00 isang gabi. Okay na naman ang bahay ni lola bukas di ba po?” tanong niya.
“Oo. Sige na, i-book mo na yan.” sabi ng kanyang ina.
Sa katunayan ay bago iyon dahil di sila pamilyar sa may ari. Malawak ang bakuran, maraming tanim na bulaklak at maganda ang bahay. Nakaka-relax ang paligid, lalo pa at alas sais na ng gabi. Pagod sila sa byahe.
Sinalubong sila ng isang lalaki na sa tingin ni Eloisa ay malapit nang mag-sikwenta anyos. Mabait naman ang bukas ng mukha nito at tinulungan pa nga silang magbaba ng mga bagahe.
“Kumusta? Buti nalang all girls kayo. Ayaw ko rin kasing tumatanggap ng lalaki rito, alam ninyo na. Baka masalaula ang bahay,” nakangiting wika nito.
“Wow. This is beautiful.. if you don’t mind, bakit po ang mura?” di maiwasang tanong ni Eloisa.
Nagkibit ng balikat ang lalaki, “Well, isa kayo sa mga unang customer ko. Di pa masyadong alam ng mga turista itong house for rent kaya mura pa.”
Pagkatapos noon ay iniabot nito ang susi sa kanya.
“By the way, I am Eric.” pakilala nito.
Kinamayan ito ni Eloisa at ng kanyang ina, napalingon sila pareho sa kanyang lola Delia na hanggang ngayon ay di bumababa sa sasakyan.
Nilapitan ito ni Eloisa at inakay. Napapitlag siya dahil hinawakan siya nito nang mahigpit.
“Wag kang lalapit doon, dyablo yon.” bulong ng lola, nanlilisik ang mga mata.
“Come on lola, I know you’re just tired.” wika niya.
Napansin siguro ni Eric na may diskusyon silang dalawa kaya ito na ang lumapit, “Is everything okay? Bubuhatin ba si lola?”
“Demonyo ka! Wag mo akong lalapitan! Wag mong lalapitan ang pamilya ko! Eloisa! Mildred! Halina kayong dalawa, wag kayong didikit sa sugo impyerno!” sigaw ng matanda.
Nakaramdam ng pagkapahiya si Eloisa at ang kanyang ina.
“P-Pasensya kana. May sakit kasi ang nanay ko,” sabi ng kanyang mommy.
Ngiti at tango lang naman ang isinagot ng nakakaunawang si Eric.
Pero ilang minuto na ang nakalipas, ayaw talagang kumalma ni lola Delia. Wala na silang magawa kundi lumipat na lamang sa iba. Medyo nakasimangot si Eloisa dahil sayang, ang ganda sana ng lugar. Ang bait pa ng may ari. Sabagay, kung ipinilit naman nilang mag check-in tapos sisigaw lang nang sisigaw ang lola niya.. wala rin.
Buti nalang ay may isa pa silang nakita, di hamak na mas makipot. Mainit ang ulo na natulog si Eloisa dahil alas diyes na ng gabi.
Kinaumagahan ay nakakunot ang noo na bumangon siya, hindi niya pinansin ang lola na binati siya ng ‘magandang umaga’. Minsan, nakakainis rin ang sakit ni lola Delia.
Nagulat pa siya nang sinalubong siya ng nangangatog na ina.
“Mom ano ang nangyayari?”
“A-Anak tingnan mo ang balita.” sabi nito, niyaya siya sa tapat ng TV.
Nanlaki ang mata niya nang makita ang palabas. Ang reporter ay nakatayo sa eksaktong lugar na tutulugan sana nila kagabi.
“Napag-alamang gawain na pala ng suspek ang magpanggap na bed and breakfast ang kanyang bahay para makaakit ng mga posibleng biktima. Ang tinatanggap niya lamang ay pawang mga babae.
Natagpuan sa loob ang walang buhay na katawan ng apat na dalagitang ini-report naming nawawala dalawang Linggo na ang nakalipas.”
Kasunod noon ay ipinakita si Eric, may posas at akay ng mga pulis. May dugo pa sa damit nito dahil may nabiktima na naman raw kagabi, ibig sabihin ay may sumunod pang customer matapos nilang umalis.
Napahawak sa dibdib niya si Eloisa. Kung gayon ay nagsasabi nga ng totoo ang kanyang lola, demonyo nga si Eric. Naramdaman iyon ng matanda.
Nagyakap silang tatlo.
“Salamat Lola..” bulong niya.
Hindi niya alam kung may kakayahan talagang maka-sense ng mga multo at kakaibang elemento ang kanyang lola pero isa lamang ang sigurado niya, kahit na nawala na ang talas ng memorya nito ay nakatatak naman sa puso ng matanda ang pag-ibig sa pamilya.