Bata pa lang si Raul ay lagi na niyang naririnig sa mismong bibig ng ama na hindi siya tunay na anak nito. Sa murang isipan ay naitanim na niya ang katanungan kung bakit itinatanggi siya nito, kung ang lagi naman na sinasabi ng kaniyang ina ay totoo siyang anak ng ama at tunay na magkadugo sila.
“Papa manghihingi sana ako ng pera para sa projects ko. Kailangan kasi na naka-print sa computer,” nag-aalinlangang wika ni Raul kay Romel sa kabilang linya.
“Manghingi ka sa mama mo, Raul,” maiksing sagot naman ni Romel sa anak.
“Nanghingi na po ako papa, kaso sabi ni mama kulang daw ang pera niya,” paliwanag pa ni Raul sa ama.
“Raul, alam kong hindi mo pa ako maiintindihan sa ngayon dahil bata ka pa. Pero alam kong darating ang panahon na maiintindihan mo rin ako. Wala akong obligasyon sa’yo kasi hindi naman kita tunay na anak. Kaya kung may mga problema ka man, lalo na sa pera ay mas maiging sa mama mo ikaw manghingi dahil mas may obligasyon siya sa’yo kasi anak ka niya. Ang obligasyon ko lang ay si Ara dahil siya lang ang anak ko,” mahabang paliwanag ni Romel at saka ibinaba ang tawag.
Nakatulala habang umiiyak na nakatitig si Raul sa cellphone nang mawala sa kabilang linya ang ama. Ilang beses na nitong sinabi sa kaniya na hindi siya anak nito pero hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nadadala. Naniniwala pa rin siyang nagsisinungaling lamang ito sa kaniya.
“Mama bakit sinasabi ni papa na hindi niya ako anak?” minsang tanong ni Raul sa ina.
“Hindi ko din alam kung paano niya nasabi iyon anak. Pero iyon ang lagi niyang sinasabi kahit sa’kin na hindi ka niya tunay na anak at ang kinikilala lamang niyang anak ay si Ara. Pero para sa’kin alam kong anak ka ng papa mo,” malungkot na wika ni Rosalie, ang ina ni Raul.
“Paglaki ko mama magsisikap ako sa buhay para makatulong ako sa’yo at magpapa-DNA test din po ako. Sabi ng kaklase ko iyon daw ang tawag kapag gusto mong malaman kung anak ka ba ng mga magulang mo. Lagi ko ding nakikita iyon sa TV,” wika ni Raul. Nakaramdam naman ng habag si Rosalie para sa anak.
Mula noong huli nilang pag-uusap ng ama ay hindi na ulit sinubok ni Raul na manghingi rito. Kaysa manghingi at masumbatan ay nagsumikap si Raul upang hindi na niya kailangang humingi ng pang-project sa ina. Nagtitinda siya ng candy at kung anu-ano sa eskwelahan upang kahit papaano ay hindi mabigatan sa gastusin ang kaniyang mama. Nagbibigay naman ng pera si Romel, ngunit one thousand five hundred lang. Kulang na kulang para sa kanilang tatlo kahit sabihing may trabaho ang mama niya, may sakit kasi ito sa baga kaya nagmi-maintenance na ito ng gamot. Naging kaagapay siya ng kaniyang ina hanggang sa nagkolehiyo siya at naka-graduate. Naghanap ng trabaho at mas lalong nagsumikap hanggang dumating ang araw na kaniyang laging inasam-asam. Kaya na niyang magbayad upang magpa-DNA test.
“Bakit ba kailangan pa nating gawin ito, Raul?” takang tanong ni Romel nang anyayahan niya ito para magpa-DNA test silang pareho.
“Mula pagkabata hanggang sa lumaki ako pa, naitanim na sa isipan kong hindi mo nga anak dahil iyon ang sinasabi mo. Pero lagi namang sinasabi sa’kin ni mama na anak mo ako. Bitbit ko lagi ang sama ng loob sa’yo dahil pakiramdam ko ayaw mo lang talaga sa’kin kaya tinatalikuran mo ang obligasyon mo. Para sa ikatatahimik ng loob ko pa, gusto kong malaman kung ama nga ba kita o hindi,” paliwanag ni Raul sa ama.
Mabilis na natapos ang ginawang test at pinapabalik sila matapos ang dalawang linggo. Nang sumapit ang takdang araw ay sabik siyang malaman ang totoo kasama ang ama ay inalam nila kung ano nga ba ang pawang katotohanan.
“Ikaw Raul at Romel ay 99.997% na mag-ama,” anunsyo ng doktor na nagsagawa ng test.
Napahagulhol siya ng iyak sa pinaghalong emosyon na naramdaman. Masaya siya dahil sa wakas hindi na naging kwestyonable ang katauhan niya pero galit din siya dahil totoo nga ang hinala niya, nais lang talikuran ni Romel ang obligasyon nito sa kaniya kaya sinasabi nitong hindi siya anak nito kung di si Ara lang.
“Patawarin mo ako anak. Malaki ang naging kasalanan ko sa’yo. Hindi ko din inisip na anak nga kita dahil noong ipinagbubuntis ka ng mama mo ay nagkaroon siya ng kalaguyo at akala ko’y anak ka ng kabit niya. Kaya lagi kong sinasabing hindi kita tunay na anak. Patawarin mo ako kung nagkamali ako sa akala ko. Matagal na panahon kang nahirapan dahil sa’kin,” umiiyak na sambit sa kaniya ni Romel.
“Pero sana kahit nagduda ka pinatunayan mo pa rin sa’kin na isa kang ama. Matagal kong tinanong ang sarili ko kung bakit hindi mo ako kayang tanggapin? Nagtanim ako ng galit sa’yo dahil harap-harapan mo akong tinatakwil. Sana pinaramdam mo pa rin sa’kin na parte ako ng buhay mo. Pero nangyari na ang lahat, galit pa rin po ako sa’yo hanggang ngayon. Pero alam kong balang araw mapapatawad pa rin kita. Hindi ako magiging tao kung hindi dahil sa’yo at hindi ko mararating ang tagumpay kung hindi ikaw ang naging motibasyon ko. Hindi muna sa ngayon pa, darating din ang tamang panahon na mapapatawad kita,” wika niya at saka kinuha ang kopya ng resulta at kumaripas ng lakad palayo sa ama.
Nagtagumpay siya dahil sa galit na naramdaman niya sa ama. Hindi naman mahalaga kung totoo nga siyang anak nito o hindi dahil matagal na rin naman niyang naitanim sa isip ang galit sa ama. Pero nais niyang matahimik ang sarili at malaman ang totoo. Kung tutuusin maraming lalaki ang nagpaka-ama sa mga batang hindi naman talaga nila anak. Nagkataon lang na hindi ganun ang papa niya. Mas nanaig rito ang duda kaysa pagtanggap sa kaniya.
Alam ni Raul na balang araw ay mapapatawad din niya ang ama at muling mapagdudugtong ang pisi na naputol ng mapait nilang kahapon.