Inday TrendingInday Trending
Sinanglang ATM Card

Sinanglang ATM Card

Sa panahon ngayon, na kung saan halos lahat na ng mga pilipino sa mundo ay nagigipit, hindi na nawawala ay mga lending o mga nagpapautang, at mas lalong hindi nauubusan ang mga nangungutang.

Isa sa mga ito ay si Mang Jules. Nasa singkwenta’y singko anyos na si Mang Jules ngunit patuloy pa rin siyang nagtatrabaho sa isang kompanya. Nais kasi niyang makumpleto pa ang hulog sa kaniyang SSS upang makakuha siya ng malaking pension.

May dalawang anak si Mang Jules na mayroon na ring sariling pamilya. Samantalang, ang relasyon naman nito sa kaniyang asawa ay may lamat na. Halos mag-iisang dekada na kasi nang mahuli si Mang Jules ng kaniyang asawa na nangbababae. Mula noon ay hindi na nanumbalik ang tamis ng kanilang pagsasama.

Dahil nagtatrabaho rin sa bangko ang asawa ni Mang Jules at mayroon itong sarili pera, hindi na nito kailangan pang magbigay at mag-abot ng pera para sa kanilang pamilya. Basta automatic na siya na ang magbabayad sa bill ng kuryente at tubig.

Halos buhay binata si Mang Jules, lalo na kung wala ang kaniyang mga apo sa kanilang bahay. Minsan ay nayaya siya ng mga katrabaho na pumunta sa isang bar, kung saan may gumigiling sa gitna ng entablado. Tawag nga niya dito ay ‘p*tay-sindi’ dahil p*tay-sindi ang mga ilaw sa ganitong bar.

“Daddy Jules, gusto mo bang sumama sa amin mamaya? Magpapasarap lang muna saglit dahil bagong sahod,” pagyayaya ng isa sa kaniyang mga katrabaho na hindi rin nalalayo sa kaniya ang edad.

“Aba! Syempre naman! Dun ba yan sa mga p*tay-sindi na ilaw?” pabirong sabi ni Mang Jules.

“Naku! Alam na alam mo Daddy Jules ha. Mukhang madalas ka mga ganiyan,” natatawang sagot ng katrabaho.

Tulad ng nakasanayan, punong-puno ng kalalakihan sa bar na kanilang pinuntahan. Hindi naman nawawalan ng babaeng performer sa gitna ng entablado, mga babaeng kung gumiling na parang wala ng buto, mga babaeng suot na lamang ay kapirasong tela. Sa lugar na ito nagigising ang diwa ni Mang Jules.

Pero tulad ng inaasahan, ka-kailanganin ng malaking budget upang makapagsaya ka talaga sa ganoong lugar lalo kung gusto mong may tumabi at kumalong sa iyo habang nag-iinuman. Gustong-gusto ni Mang Jules ang mga ganitong bagay. Hindi na niya namamalayan na nanunumbalik na na naman ang kaniyang bisyo sa babae at alak.

Dahil bisyo nga ito ni Mang Jules, sa tuwing dumarating ang sahod ay nagagawa niyang ubusin ang lahat ng ito sa pagpunta-punta lamang sa mga bar. Hanggang sa dumating na sa punto na hindi pa sumasahod ay ninais na ni Mang Jules na magpunta sa bar, at dahil walang cash, nagdesisyon siyang kumapit sa patalim, at nagsangla na lamang ng atm sa isang lender. Katrabaho lang din naman niya ang nagpapautang ngunit sadyang malaki rin talaga ang tubo ng mga ganitong pautang.

“Daddy Jules, sigurado ka ba na magsasangla ka ng atm para lang sa ganiyan? Baka mabaon ka niyan sa utang,” paalala ng katrabaho ni Mang Jules sa kaniya.

“Bahala na. Para sa alak at babae, sasahod din naman at doon lang din naman mapupunta,” pabirong sabi ni Mang Jules.

Nagpatuloy sa kaniyang bisyo si Mang Jules. Sa tuwing natatapos na niyang ang hulugang utang, ay renew lang siya ulit ng renew para magkaroon lagi ng pera pangbar. Unti-unti ay nababaon na ang lalaki sa malaking tubo ng pautang. Akala niya ay nagkakaroon siya ng maraming pera sa tuwing nagrerenew ng utang, pero ang totoo ay napupunta na lamang ang sinasahod niya sa pagbabayad ng utang na nauuwi sa paulit-ulit na pagre-renew.

Isang taon na rin mula nang isangla ni Mang Jules ang kaniyang atm, at hanggang ngayon ay hindi pa rin niya ito nakukuhang muli. Nagpatuloy lang din si Mang Jules sa kaniyang bisyo.

Hanggang sa isang pangyayari ang gigising kay Mang Jules sa kahibangan na kinalalagyan niya ngayon.

Isang araw ay nakatanggap siya ng tawag na naghatid ng masamang balita sa kaniya.

“Tay, si nanay, na-stroke. Sinugod namin siya ngayon sa ospital, wala siyang malay,” umiiyak na wika ng panaganay na anak ni Mang Jules habang kausap niya ito sa telepono.

Sa gulat at pag-aalala, agad na nagsabi si Mang Jules sa kaniyang manager na nagkaroon ng emergency ang kaniyang pamilya. Kumaripas siya ng takbo pababa ng building at dali-daling sumakay ng taxi.

Tila binagsakan ng langit at lupa si Mang Jules nang makita ang asawa na walang malay na nakahiga sa kama ng ospital. Tanging tubo na lamang ang tumutulong sa katawan nito upang makahinga. Hindi lubos maisip ni Mang Jules na mangyayari sa kaniya ang ganitong trahedya.

Malaki ang gastos ng pagkakaospital ng asawa ni Mang Jules. Hindi sapat ang perang naipon ng kaniyang asawa at mga anak upang tustusan ang araw-araw na gastusin sa ospital.

Sa pagkakataong ito ay naging pag-asa na lamang ni Mang Jules ay ang pagrenew sa kaniyang utang. At ito ang unang beses na pamilya niya ang magiging rason ng kaniyang pag-utang at hindi na lamang basta para sa kaniyang bisyo.

Nagrenew ng malaking halaga si Mang Jules sa pinagsanglaan niya ng atm, lahat ng narenew nitong pera ay nilaan niya sa pangbayad sa pagkakaospital ng kaniyang asawa.

Anim na buwan ang napagkasundaan na tagal ng magiging paghulog ni Mang Jules. Tuwing sahod ay halos dalawang libo na lamang ang natitira sa kaniyang pera dahil binawas na dito ang kaniyang hulog. Sapat na lamang ang dalwang libo na ito para sa kaniyang allowance at pagkain nila sa tuwing nasa ospital.

Kasabay ng anim na buwan na pagbayad niya sa utang, anim na buwan rin na walang malay ang kaniyang asawa sa ospital. Pero kahit bigat na bigat na sa pagkakautang at nauubusan na ng pag-asa ang asawa ay magkakamalay pang muli, pilit nilakasan ni Mang Jules ang kaniyang loob lalo na para sa kaniyang pamilya.

Patuloy siyang nagsikap sa pagtatrabaho kahit may edad na, at huminto na rin ito sa kaniyang kinahumalingan na bisyo. Hindi namalayan ni Mang Jules na huling hulog na pala niya sa kaniyang inutangan, at napagdesisyunan niya na hindi na siya muling uutang.

“Salamat at natapos din ang utang,” wika ni Mang Jules sa sarili at napabuntong hininga.

“Sana, pagkatapos, pagalingin niyo naman po ang asawa ko. Miss na miss ko na siya,” naiiyak na hiling ni Mang Jules.

Hanggang sa isang araw ay tuluyan nang nagkamalay ang asawa ni Mang Jules. Sobrang laki ng mga ngiti ni Mang Jules nang makita ang magagandang mata ng kaniyang asawa.

Nagbago si Mang Jules sa paglipas ng mga araw. Mas nanalig ito sa Panginoon at laging ipinagdadasal ang pag galing ng kaniyang asawa.

At sa paglipas ng panahon, itinuring ni Mang Jules ang pangyayari na ‘yon na aral upang pahalagaan lalo ang pamilya. Kahit pala tumatanda na at nagkakaroon na ng lamat ang pagsasamahan ng mag-asawa, darating at darating ang panahon na masasabi mo sa iyong sarili na siya pa rin ang iyong walang hanggang pag-ibig, at ito ang napatunayan ni Mang Jules

Advertisement