Sadyang Mapaglaro ang Tadhana
“Tita, pwede ko ho ba kayong makausap?”
Napahinto si Tita Celestina, 46 na taong gulang, sa paghihiwa ng mga gulay sa kusina sa paglapit ng kaniyang pamangkin na si Andrea, 24 na taong gulang, nagtatrabaho bilang pharmacist sa isang sikat na drugstore. Sa kabila ng edad ni Tita Celestine ay mababakas pa rin dito ang likas na kagandahan. Isang tunay na glamorosa.
“Anong problema, anak? Upo ka,” pagbibigay-pahintulot ni Tita Celestina sa pamangkin. Si Tita Celestina ay walang asawa at siya na ang nagpalaki kay Andrea nang maulila ito sa mga magulang. Kapatid niya ang nanay ni Andrea.
Umupo si Andrea sa tabi ni Tita Celestina at ginagap ang mga kamay nito.
“Tita, sana huwag kang magagalit sa sasabihin ko sa iyo,” pagsisimula ni Andrea. Tinitigan niya ang mga mata ng tiyahin.
“Kinakabahan naman ako sa iyo, anak. Ano ba iyon?” tanong ni Tita Celestina.
“Tita, pasensya na po kung naglihim ako sa inyo. This past few months po, may nakilala po akong guy. Nagkapalagayan po kami ng loob. Niligawan po niya ako at sinagot ko siya. Gusto ko po sanang dalhin siya rito sa bahay para ipakilala sa inyo ang boyfriend ko,” sabi ni Andrea.
Natawa si Tita Celestina. “Akala ko naman kung ano, anak. Of course. Pwedeng-pwede mong dalhin at ipakilala sa akin ang boyfriend mo. Nasa hustong edad ka na naman. May trabaho at responsable. Dapat ko ngang makilala at makilatis nang buhay ang lalaking mapapangasawa mo. Akong bahala,” pagbibiro ni Tita Celestina.
“Salamat po tita. Pero may isa pa po akong ipagtatapat sa inyo. Malayo po ang agwat ng edad namin. Actually kasing edad po ninyo siya, tita. I’m into older men po kasi. Gusto ko po ng mature and stable na karelasyon.”
“Anak, wala namang pinipiling edad ang pagmamahal. Kung siya talaga ang napusuan mo, wala tayong magagawa sa bagay na iyan. Pero sana, nabackground check mo muna iyan. Ano bang trabaho? Baka may asawa na ha? Maging wais ka rin,” paalala ni Tita Celestine sa pamangkin na itinuturing na niyang anak.
“Naku tita, mabait at responsable pong lalaki si Jerome. Wala pong magiging problema sa kaniya. Tiyak po na magkakasundo kayo,” nakangiting sabi ni Andrea. Napansin ni Andrea na tila nagulat ang mukha ni Tita Celestine.
“Bakit po tita?” tanong ni Andrea kay Tita Celestine.
“Ah wala naman, anak. May naalala lamang ako. Kailan mo ba balak isama rito si Jerome para makapaghanda tayo?”
“Bukas po sana tita,” tugon ni Andrea. Sumang-ayon naman si Tita Celestina. Magluluto siya ng masarap na pananghalian para sa inaasahang panauhin.
Masayang ibinalita ni Andrea kay Jerome ang pagpayag ni Tita Celestine na maisama at pormal siyang maipakilala sa itinuturing niyang ina. Kaya pinaghandaan ito ni Jerome.
Nakahanda na ang lahat kinabukasan. Nagluto si Tita Celestine ng adobong manok at putchero. Tamang-tama ang dating ng magkasintahan.
Kitang-kita sa mukha ni Tita Celestine ang pagkagulat nang makita ang Jerome na tinutukoy ni Andrea; gayundin si Jerome nang makita si Tita Celestine.
“Ikaw?” bulalas ni Tita Celestine.
“Celestine… ikaw ang…” nauutal na sabi ni Jerome.
“Magkakilala kayo?” takang tanong ni Andrea sa dalawa. Walang umimik sa kanila.
“Andrea, nagtext ang sekretarya ko sa opisina. Emergency. Kailangan ko munang umalis…” biglang sabi ni Jerome kay Andrea. Nagulat naman si Andrea sa biglaang pamamaalam ng kasintahan samantalang napagplanuhan na nila ito.
“Aalis ka? Hindi ba wala kayong pasok?” takang tanong ni Andrea. Naguguluhan siya sa mga nangyayari.
“Biglaan. I’ll go ahead. Nice meeting you… again… Celestine,” ani Jerome at bumalik na ito sa kotse. Para itong pinagsakluban ng langit at lupa. Walang nagawa si Andrea kundi tanawin ang papalayong kasintahan. Hinarap niya ang tiyahin.
“Tita, anong nangyayari? Naguguluhan po ako. Magkakilala po ba kayo ni Jerome? Bakit bigla siyang umalis?”
Hindi sumagot si Tita Celestine. Tinitigan lamang niya si Andrea. Sa kaniyang mga mata ay sumusungaw ang mga luha.
“Tita…? I wanna know the truth. Magkakilala ba kayo ni Jerome?”
Tila may bikig sa lalamunan na tumugon si Tita Celestine.
“Oo. He was my first and last boyfriend. Ang kaisa-isang taong minahal ko,” naluluhang sabi ni Tita Celestine.
Nagimbal sa kaniyang narinig si Andrea. Hindi niya alam na nagkaroon pala ng karelasyon ang tiyahin. Wala itong naikuwento kahit na kailan.
“Niloko niya ako noon kaya kami nagkahiwalay. Minahal ko siya nang sobra pero binalewala lamang niya ako. Siya ang dahilan kung bakit pinili kong maging matandang dalaga na lamang. Natakot na akong magmahal ulit.”
Parang nauupos na kandila si Andrea. Sadyang mapaglaro ang tadhana. Sino ba naman ang makakaisip na ang kaniyang kasintahan ay dating karelasyon ng kaniyang tiyahin na itinuring na niyang ina?
Isang desisyon ang ginawa niya. Tatlong araw niyang pinag-isipan ito. Kinausap niya si Jerome. Pumayag naman ito upang hindi na maging komplikado ang lahat. Nagkaisa isang huwag nang ituloy ang kanilang relasyon alang-alang kay Tita Celestine.
Nang malaman ito ni Tita Celestine ay pinagalitan siya nito.
“Hindi mo dapat ginawa iyon. Kung mahal mo si Jerome, ituloy mo ang relasyon ninyo. Huwag mo akong isipin. Huwag mo akong intindihin,” sabi ni Tita Celestine.
“Tita… hindi sapat ang pagmamahal lang. Bilang respeto na rin sa iyo, at para hindi maging komplikado ang lahat, pareho naming desisyon ito. Hindi kami para sa isa’t isa. Mas mahal kita, tita. Ikaw ang aking itinuturing na ina,” naluluhang sabi ni Andrea at niyakap si Tita Celestine.
Hindi na inungkat pa ni Andrea kung ano na ang naging kapalaran ni Jerome nang sila ay maghiwalay. Nagpokus na lamang siya sa kaniyang trabaho at pag-aalaga kay Tita Celestine. Naniniwala siyang darating din ang tamang tao para sa kaniya.