Isang dating OFW si Ester mula sa Riyadh, Saudi Arabia. Sa ilang taong pagsisipag niya sa ibang bansa ay suwerteng nakapagpatapos na siya ng anak at nakapagpundar ng isang maliit na negosyo. Idagdag pa ang savings niya sa bangko pati na rin ang inipon niyang pera para sa kinabukasan ng kaniyang anak na si Jossel. Nang makauwi sa Pilipinas, sa bayan nila sa Baguio ay isang magandang offer ang agad na sumalubong kay Ester…
“Bilhin mo na ito, Ester. Sobrang mura na ng benta ni Mrs. Ignacio sa bahay at lupang ʼyan, kahit sobrang accessible niya sa lahat. Bukod pa roʼn, malaki rin at pʼwede mo pang pagtayuan ng dalawang butas ng apartment kung gugustuhin mo, dahil malaki pa ang natitirang espasyo sa bakuran. Kaunting renovation lang at pʼwede na ulit ʼyang tirhan.”
Napatango-tango si Ester habang nagsasalita ang dating kaibigang si Mell. Ahente ito ng naturang bahay na iniaalok nito sa kaniya kung saan sinamahan siya nito ngayong maglibot.
“Magkano naman ba ang offer mo niyan?” tanong ni Ester.
“Eight hundred thousand cash, Ester. Rush lang talaga ito, dahil magma-migrate na sa U.S. ang may-ari. Eksakto nga na nabalitaan kong umuwi ka na raw from Riyadh kaya agad akong nagpunta rito para i-offer saʼyo, dahil alam kong magandang investment ito para sa inyo ng pamilya mo,” sagot naman ni Mell.
Tila naman nagbunyi ang kalooban ni Ester nang malamang napakamura nga ng bahay na ibinibenta nito, kaya naman agad siyang napa-oo ng kaibigan. Bukod kasi sa mura ay kumpleto rin sa dokumento ang bahay at lupa. Malinis din ang titulo nito at wala na silang poproblemahin pa kundi ang pagpapa-renovate sa bahay dahil medyo may kalumaan na ito.
Naging mabilis ang kanilang transaksyon. Malaki rin naman kasi ang ipon ni Ester sa kaniyang savings account kaya hindi na naging problema pa sa kaniya ang pera.
“Wow, ʼma, dito na po tayo titira?” tanong ng kaniyang unica hijang si Jossel nang unang araw niyang dalhin ito sa naturang bahay pagkatapos na pagkatapos nitong ma-renovate.
“Oo, anak. Noon pa nga sana kita gustong dalhin dito, kaya nga lang ay sobrang busy ng schedule mo sa trabaho,” may himig ng pagtatampo sa boses ni Ester para sa anak.
“Naku, si mama parang hindi pa sanay. Huwag ka nang magtampo. Nandito naman na tayo, e. Isa pa, mas malapit na ako ngayon sa trabaho kaya hindi ko na kailangang mag-board pa. Dito na ako titira kasama ka,” sabi pa ni Jossel.
Lumipas pa ang ilang araw at mabilis na nakalipat ang mag-ina. Naging maayos naman ang kanilang buhay noong una. Maganda at malaki ang bahay. Ganoon pa man ay kapansin-pansin ang pagiging sobrang tahimik dito, kahit pa mayroon naman silang mga kapitbahay. Iyon nga lang, hindi nila alam ang dahilan kung bakit tila iwas ang mga ito sa kanila. Pansin din ni Ester ang tila pagiging kakaiba ng aura ng naturang bahay lalo paʼt may mga nakikitaʼt nararamdaman siyang kaiba sa natural na dapat na makita ng kaniyang mata. Doon pa lang, may ideya na siya kung bakit mura lang ibinenta ng may-ari ang bahay.
Pansin din ni Ester na magmula nang lumipat sila doon ay tila sunod-sunod din ang pagsubok na dumating sa kanila. Ngayon nga ay namumuroblema siya kung papaano muling ibabangon ang palubog na niyang negosyo gayong bigla na ring naubos ang kaniyang savings sa bangko.
Isang araw na bumili si Ester sa tindahang nasa tapat ng kanilang bagong tahanan nang makakuwentuhan niya ang tindera doon.
“Kayo ho ba ʼyong bagong lipat diyan sa ipinagawang dating bahay ng mga Ignacio?” tanong ng tindera kay Ester.
“Oho, bakit ho?”
“Hindi naman sa nakikialam ako, ano? Pero napa-bless nʼyo na ba ang bahay niyo?” tanong pa nito.
“Ang totoo, hindi pa ho, e. Napakarami ko ho kasing inaasikaso nitong mga nakaraang buwan,” sagot naman ni Ester.
“Payo lang, ineng. Sana, pabendisyonan na ninyo ang bahay na iyan para naman matahimik na ang kaluluwa ng mga taong nalagutan ng hininga sa mismong tahanang iyan dahil sa kagagawan ng mga Ignacio. Sanaʼy dinggin ninyo ang hiling ng mga labi na basta na lamang ibinaon ng pamilyang iyon sa ilalim ng tahanang iyan, para lamang pagtakpan ang kanilang mga kasalanan. Ester, dinggin mo ang aming mga hinaing!”
Tila nahintakutan si Ester sa narinig na sinabi ng matandang bigla na lamang naglaho sa kaniyang harapan. Dahil doon ay napatakbo na lamang siya pabalik ng kanilang tahanan! Habang nagmamadali sa paglalakad si Ester dahil sa pagkataranta ay natisod siya sa isang nakaawang na kahoy sa sahig ng kanilang kusina… doon ay napansin niya ang tila maliit na passage patungo sa ilalim ng kabahayan.
Tama nga ang sinabi ng matanda! Dahil doon sa ilalim ng tahanang iyon, nakabaon ang isang libingan!
Agad na ipinaimbestigahan ni Ester ang naturang mga katawan sa loob ng kanilang tahanan at napag-alaman nilang ang mga ito pala ay biktima ng t*rture dahil pinuno pala ng mga sindikato ang pamilya ng mga Ignacio! Agad na pinabendisyonan ni Ester ang bahay, habang ang mga Ignacio naman ay napabalitang nahuli, hindi sa ibang bansa kundi sa Visayas! Sa kasagsagan ng biyahe ng mga ito patungong maynila ay nagkaroon ng aksidente sa eroplanong sinasakyan nito na siyang kumitil sa buhay ng pamilya Ignacio!
Ngayon ay matatahimik na ang mga kaluluwa sa bahay nina Ester.
Tinatagan pa ng ginang ang kaniyang pananampalataya sa Diyos matapos ang pangyayaring iyon, lalo na nang kanilang malampasan ang misteryoʼt pagsubok sa kanilang bagong tahanan.
Ganoon pa man, isang leksyon ang natutunan ni Ester at ng kaniyang anak na si Jossel. Gaano man karami ang kanilang ginagawa, sanaʼy hindi kailan man makaligtaang tumawag sa Diyos, dahil Siya lamang ang makakatulong sa atin, anumang sitwasyon o pagkakataon.