Sino ang Kausap ni Bunso?
Mula nang sabay na ma-promote sa trabaho ang mag-asawang Ian at Jasmine ay naging bahay-trabaho na lamang ang araw-araw na gawain ng dalawa. Bukod pa roon ay subsob din sa pag-aaral ang panganay nilang anak na si Hiro at ang pangalawang si Zia. Iniaasa na lamang ng mag-asawa ang pag-aalaga sa bunso nilang anak sa h-in-ire nilang yaya nito, dahil para sa kanila ay para rin naman dito ang ginagawa nilang pagtatrabaho.
Halos hindi na magsabay sa hapag ang pamilya at minsan na lamang kung magkakitaan kahit sa kanila mismong sariling tahanan. Dahil doon ay wala nang nagawa panang bunsong si Blessy kundi dumepende sa masungit niyang tagapag-alaga.
“Kainin mo ʼyan, ha? Huwag kang maarteng bata ka, kundi, ibibigay kita sa mumu!” hiyaw noon ng kaniyang yaya habang inilalapag sa sahig ang tanghalian ng limang taong gulang na si Blessy.
Mabilis namang tinapos ng bata ang kaniyang pagkain upang agad nang makapagkulong sa kaniyang kwarto, dahil ayaw na niyang makasama ang kaniyang Yaya Tasha. Masungit kasi ito at nananakit kapag siya ay nagpapasaway.
Matagal na naging ganoon ang sitwasyon ng batang si Blessy sa kamay ng kaniyang Yaya Tasha, sa tuwing wala ang kaniyang mga magulang at mga kapatid.
Alas kuwatro pa lamang ng hapon nang araw na iyon. Nagkataong sabay na napaaga ng uwi ang mag-asawang Ian at Jasmine, dahil nagkaroon ng emergency sa kanilang company building nang magkaroon ng kaunting insidente ng sunog doon. Ganoon din ang magkapatid na Hiro at Zia na nagkataong examination days lamang pala nila kaya maaga ang dismissal ng klase. Nagkagulatan ang pamilya nang halos sabay-sabay nilang marating ang bahay. Masaya nga sila, dahil sa wakas ay mukhang makakapag-bonding na ang kanilang pamilya ngayong gabi man lang.
“Blessy, anak?” Agad na hinanap ni Jasmine ang kaniyang anak na si Blessy, pati na rin ang yaya nitong si Tasha ngunit nakailang tawag na siya ay wala pa ring sumasagot.
Minabuti na lamang niyang umakyat sa kwarto ng limang taong gulang na anak, nang maabutan niyang humahalakhak ito nang malakas sa likod ng nakasaradong pinto ng silid nito. Napangiti naman si Tasha. Ang buong akala niya ay nilalaro lamang ito ni Tasha, nang maya-maya ay narinig niyang bigla itong nagsalita nang tuwid, gayong sa edad nitong lima, ang alam nila ay bulol pa rin at hindi makapagsalita ng tuwid ang bata.
“Alam mo ba kung bakit hindi ako nagto-talk kapag nandito sila mommy? Kasi sabi ni Yaya Tasha, ‘wag daw ako susumbong. Ibibigay niya raw ako sa mumu!” tila sumbong ni Blessy sa kausap nito sa kwarto na agad na ikinakunot ng noo ni Jasmine. Ganoon din si Ian na hindi niya napansing nakasunod pala sa kaniya.
“Oo nga! Wala kasi lagi si mommy at daddy kaya ‘di nila alam na papalo ako ni Yaya Tasha sa head ko saka sa face ko. Kaya gusto ko dito sa room kasi bawal pumasok si Yaya Tasha dito, e. Ayaw ko kasi sa kaniya,” pagpapatuloy pa ni Blessy habang kausap pa rin ang kung sino mang kasama nito sa kwarto.
“Ikaw, wag mo ʼko iiwan ha? Ikaw lang kasama ko kasi, e.”
“Ha? Sasama ako sa ʼyo? Saan ba tayo punta? Baka makita tayo ni Yaya Tasha, bugbug tayo nuʼn!” patuloy na sabi ng anak nilang si Blessy.
“Sinoʼng kausap ng anak natin?” tila gulong-gulong tanong ni Ian kay Jasmine.
Hindi na nakatiis pa ang dalawa at mabilis nang binuksan ang pintuan ng kwarto ng kanilang anak upang malaman kung sino ang kausap nito, ngunit naabutan nilang mag-isa lang ito sa kwarto!
“Blessy, anak, sino ang kausap mo?”
Malakas ang kalabog sa dibdib ni Jasmine ngunit hindi nagsalita si Blessy.
“Baby, alam na namin ni Daddy na magaling ka na mag-talk. Can you please talk to mommy? Please, baby?” pakiusap ni Jasmine sa anak.
Tila naman nadala sa pakiusap ang bata at itinuro ang harapan nito kung saan wala namang tao. “Siya po, mommy, friend ko.”
Matinding kilabot ang nadama ng mag-asawa sa sinabi ng anak, ngunit mas nangibabaw ang galit nila nang makumpirmang sinasaktan nga ito ni Tasha na noon ay tumakas na pala, nang makita nitong pumutok ang ulo ni Blessy dahil sa lakas ng hampas nito.
Agad na nagsampa ng kaso sina Ian at Jasmine para kay Tasha. Malaki ang kanilang pagsisisi na iniasa nila sa ibang tao ang pag-aalaga sa kanilang bunsong anak na napag-alaman nila, ayon mismo sa doktor na tumingin dito, na nagkaroon pala ng trauma kaya bumuo ang isip nito ng sariling kaibigang pupuwede nitong sabihan ng kaniyang nararamdaman sa tuwing sasaktan ito ni Tasha.
Simula noon ay nag-resign sa trabaho si Jasmine at hinayaan na lamang si Ian na siyang magtrabaho para sa kanilang pamilya. Tutal ay sapat naman na ang kita nito pati na rin ang savings nila sa bangko. Ipinangako ng pamilya sa isaʼt isa na hindi na muli pang mawawalan ng oras para sa bawat isa, lalong-lalo na sa kanilang bunsong si Blessy. Bukod pa roon ay mas kumapit sila sa Diyos, upang lalong tumatag ang pagsasama nilang magpapamilya.