“Oh, Axel apo, magmano ka sa Uncle Henry mo,” bungad ng kaniyang Lola kay Axel sabay turo nito sa lalaking balbas sarado at puno ng tattoo sa katawan. Agad namang tumalima si Axel sa utos at nagmano sa umanoʼy kaniyang Uncle Henry.
“Mano po, uncle.”
Kagagaling lang noon ni Axel sa eskuwela nang maabutang nagkukumpulan ang kanilang mga kamag-anak sa loob ng tahanan ng kanilang lola. Iyon pala ay dahil ngayon ang araw ng paglaya ng kaniyang Uncle Henry mula sa kulungan. Isang ex-convict ang kaniyang Uncle Henry na noon ay nakulong nang masangkot ito sa kasong pambubugbog na kalaunay nauwi sa pagk*til ng buhay.
“Ito na ba ang anak ni Edmundo, nanay?” baling ng kaniyang uncle kaniyang lola.
“Oo, anak, pero mas mabuti sana kung huwag mo nang babanggitin ang pangalan ng kapatid mo. Masakit pa para sa bata ang nangyari sa ama niya,” sagot naman ng kaniyang lola rito.
“Bakit naman? Tatlong taon na ang nakakalipas simula nang maaksidente ang tatay nito, ah. Kalalaking tao, hanggang ngayon iniiyakan pa rin ba niya ʼyon?” ngingisi-ngisi namang pahayag ng kaniyang Uncle Henry.
“Lola, ayos lang po ako. Wala pong problema ʼyon,” sabi na lamang ni Axel.
“Oh, ayos lang naman pala, inay, e. Pero teka, bakit parang lalambot-lambot naman itong apo ninyong hilaw?” tuloy-tuloy pa at walang pakundangang dagdag pa nito.
“Huwag ka namang ganiyan sa pamangkin mo, anak.”
“E, ‘nay, sinasabi ko lang naman ʼyong napapansin ko. Baʼt hindi gayahin niyan ni Axel itong mga pinsan niya? Matitikas, mga siga! Ganiyan dapat!”
Napailing na lang si Axel sa mga sinabi ng kaniyang Uncle Henry kayaʼt minabuti na lamang niyang pumasok sa kaniyang kwarto at magkulong doon hanggang sa maghapunan.
Hindi naging maganda ang pagsasama nina Axel at ng kaniyang Uncle Henry. Napakababa kasi ng tingin nito sa kaniya dahil lalambot-lambot ang kilos niya. Aminado naman si Axel na isa siyang ʼdalagaʼ na na-trap sa katawan ng isang gwapong binata, kaya naman sanay na siyang palaging may mga taong nasasayangan sa kaniya. Ganoon pa man, tanggap ni Axel ang kaniyang sarili, tulad ng pagtanggap sa kaniya ng kaniyang ama. Naaalala niya tuloy na ito pa ang nagpayo sa kaniya na kailangan niyang tanggapin ang sarili niya para matanggap siya ng ibang tao. Iyon ang dahilan kung bakit mahal na mahal niya ang kaniyang Papa Edmund, kahit pa nga ampon lang siya nito.
“Kung sana lang ay nandito ang papa ko, hindi sana ako makakaranas ng ganitong pang-aapi.”
Halos maiyak si Axel habang tinitingnan ang kaniyang sarili sa salamin. Kitang-kita kasi ang mga pasa sa kaniyang mukha dulot ng pambubugbog ng kaniyang mga pinsan sa kaniya. Mabuti na lamang at dumating ang kaniyang Uncle Henry at pinatigil ang mga ito sa ginagawa sa kaniya, kahit pa nga sa huli ay panlalait din ang kaniyang inabot dito.
“Ano ka bang bata ka?! Inaapi ka na, pagkatapos hindi ka pa lumalaban? Lalambot-lambot ka pa!” saad ng kaniyang Uncle Henry.
Kinabukasan ay maaga siyang pinabangon ng kaniyang Uncle Henry upang pasamahin siya sa pagba-basketball nito at ng kaniyang mga pinsan sa court ng kanilang subdivission. Sumunod na lamang si Axel para wala nang masabi ang mga ito, kahit pa mukhang nakikini-kinita na niya kung ano ang mangyayari mamaya.
Hindi nga siya nagkamali. Sa buong oras ng kanilang pagba-basketball ay walang ginawa ang kaniyang mga pinsan kundi ang patirin siyaʼt banggain para siyaʼy matumba at masaktan. Talagang mainit ang dugo ng mga ito sa kaniya, ngunit nananatiling matatag si Axel at patuloy lamang na bumabangon sa kabila ng sakit ng katawan.
Maya-maya paʼy isang grupo ng mga kalalakihan ang nagtungo rin sa court ng subdivision, hindi para maglaro kundi para balikan ang kaniyang Uncle Henry, dahil kaaway pala nito ang mga lalaki.
“Laya ka na pala, Henry. May pagkakataon na akong bangasin ʼyang mukha mo.”
“Pare, ʼwag ninyong idadamay ang mga pamangkin ko. Ako lang naman ang kailangan ninyo, e.” Bumaling si Uncle Henry sa kanilang magpipinsan. “Mga bata, umuwi na kayo. Iwanan ninyo na ako rito!” sabi pa nito na hindi inaalis ang tingin sa mga kaaway.
Walang pagdadalawang isip na nagtakbuhan ang kaniyang mga pinsan sa takot. Halos magkandarapa pa ang mga ito sa pagtakbo, ngunit si Axel ay nanatiling nakatayo sa tabi ng kaniyang Uncle Henry.
“Oh, bata, ano pang hinihintay mo? Alis na!” sabi ng kaniyang Uncle Henry.
“Hindi ho, uncle. Hindi naman ninyo kakayaning mag-isa ang mga ʼyan. Magkasama ho tayong pumunta rito, kaya magkasama rin tayong uuwi. Ke bangas pa ang mga mukha natin,” matapang na pahayag naman ni Axel sabay pormang lalaban.
Hindi na nagkaroon ng pagkakataong magulat ang kaniyang Uncle Henry dahil agad na sumugod ang mga kaaway nila. Sa pagtataka nito ay mabilis nilang napatumba ang mga kalaban, dahil sa galing pala ni Axel sa Martial Arts!
“Miyembro ho ako ng Martial Arts Club sa pinapasukan kong university. Hindi ko lang ho talaga ginagamit ito para lumaban sa mga pinsan ko, dahil alam kong sila ang dehado,” paliwanag ni Axel sa kaniyang Uncle Henry.
Nang makauwi sila ay halos ipagmalaki ni Henry ang nangyari sa court. Bukambibig niya kung gaano pala kagaling si Axel sa self-defense na agad namang ikinapahiya ng iba pa nitong pinsan.
“Patawarin mo ako, Axel. Hindi ko akalaing sasabihin ko ʼto. Minsan pala, kung sino pa ang lalambot-lambot, siya palang tatayo sa tabi mo sa oras ng pangangailangan. Dahil doon, talagang tumaas ang tingin ko sa ʼyo, pamangkin. Sanaʼy mapatawad mo ako.”
“Hindi po sa pakikipag-away nasusukat ang katapangan, Uncle. Ang katapangan ay makikita sa mga oras na nakakaya mong harapin ang pagsubok nang hindi nananakit ng ibang tao. Sana po, maging leksyon ito sa ating lahat. Beki man ako kung tawagin, hindi ho iyon ikinababa ng aking pagkatao.”
Dahil doon ay natahimik ang lahat at lahat silaʼy sang-ayon sa sinabi ni Axel.