Limang taon ang agwat ni Isaac sa kaniyang misis na si Andrea at halos limang taon rin na tumagal ang relasyon ng dalawa bago nila napagpasyahang magsama sa iisang bubong bilang mag-asawa.
Kung noong magkasintahan sila’y natitiis pa niya ang paghihigpit ng babae ay malaki na ang pinagbago ngayon ng kanilang relasyon. Hindi na niya hinahayaan pang pagbawalan siya ni Andrea sa kaniyang mga bisyo.
“Pare, mukhang naubos na takot mo sa asawa mo. Hindi ka na yata nawawala sa mga inuman natin ngayon,” bati sa kaniya ni Erwin, isa sa mga kaibigan ng lalaki.
“Alam mo, pare, sa una lang naman uubra ‘yung mga bawal-bawal na ‘yan. Kapag hindi mo pa asawa, kasi tamporurot pa ‘yang mga ganyang babae. Pero dahil mag-asawa na ang turing namin ni Andrea sa isa’t-isa at dahil may anak na rin kami ay hindi na uso ‘yung bawal. Mag-iinarte pa ba siya sa’kin ay nasa bahay lang siya at nag-aalaga ng bata. Nabibigay ko naman lahat ng gusto niya kaya wala siyang dapat na ireklamo,” mayabang na pahayag ni Isaac sa kaibigan.
“Saka, kapag nagagalit siya ngayon ay hinahayaan ko na lang. Hindi ko na pinapatulan kasi hindi naman makakatiis ‘yun nang hindi ako kausapin. Alam mo na, isang magic lang sa gabi,” dagdag pa ng lalaki at saka nagsimula ng maagang inuman nila ng mga kaibigan. Tanghaling tapat man at naghuhumiyaw ang sikat ng araw ay walang makakapigil sa happy time nila lalo na nga raw at linggo.
Simula nang mabuntis ang babae at magkaroon sila ng supling ay huminto na sa pagtratrabaho si Andrea para tutukan ang bata. Sa bahay na lamang ito at pinapalago ang kanilang maliit na tindahan.
Kung noon ay parang aso’t pusa kung mag-away ang dalawa dahil sa bisyo ni Isaac ay walang kibo at wala nang naririnig na kahit ano pa ang lalaki.
“Pero ba’t nga biglang bait ng misis ko? ‘Di kaya naman may lalaki na ‘yun? Wala, imposible, mahal kami nun,” kumbinse niya sa sarili habang nag-iinuman sila ng barkada.
Naisipan na umuwi ng maaga ni Isaac para kamustahin nga ang kaniyang misis. Naabutan niyang umiiyak ang asawa sa kanilang maliit na tindahan. Lihim niyang tinitigan si Andrea mula sa malayo, umiiyak ito na nakatakip ang bibig ngunit tuloy-tuloy lang ang pag-agos ng mga luha. Sa tinagal-tagal nila’y hindi pa niya nakikita si Andrea na lumuha ng ganun.
“Ano ginagawa mo?” mensaheng pinadala niya sa misis upang tingnan kung ano ang sasabihin ng babae.
“Wala, magsasara na ng tindahan. Kain ka na lang ng hapunan, may niluto na ako sa mesa, tatabihan ko na ang anak mo,” sagot sa kaniya ni Andrea at alam niyang sa mga oras na ‘yun ay nagsisinungaling ang asawa niya sa kaniya.
“Ano kayang mayroon?” isip-isip nito nang makita niyang mas lalo pang umiyak ang babae. Kaya naman hinintay ni Isaac na makaalis si Andrea sa kanilang tindahan at saka siya pumuslit saglit doon. Tinignan niya ang pera, ang mga listahan o ano mang kakaibang bagay na maari nyang paghinalaan at bakit umiiyak ang kaniyang misis. Hanggang sa nakita niya ang isang maliit na notebook na may nakasulat na “Dear, Diary.”
Mabilis niya itong binuksan at binasa, wala pa man siya sa kalahati ay napaluha na rin ang lalaki.
“Sobrang sakit na ng puso ko, dahil ang laki ng pinagbago mo. Gusto na kitang sukuan pero sige, iiiyak ko na lang ang lahat ng ito,” isa sa mga katagang nakasulat doon.
Saka rin niya napagtanto na sa bawat pag-iinom ng alak na ginagawa niya ay may sulat sa kaniya ang asawa. ” Lord, iiyak na lang ako kaysa sa mag-away kami. Sana hindi maubos ang mga luha ko, pati na rin ang pag-ibig ko sa kaniya. Natatakot ako na baka isang araw, magising ako, magsawa na ako sa lahat ng sakit na ito. Lord, Kayo na po ang bahala sa amin,” mensaheng nakasulat.
Napasandal si Isaac at mabilis na pumatak ang kaniyang mga luha. Ngayon siya nagising sa kanyang mga ginagawa sa asawa. Naging mayabang siya dahil sa hindi na nagtratrabaho ang kaniyang misis at wala na siyang ginawa kung ‘di uminom.
Hindi na niya nakikitang nasasaktan ang asawa niya dahil mas nakikita niya ang mga binibigay niyang pera sa bahay at pamilya nila. Halos mag-iisang taon na siyang ganun sa kaniyang may bahay at naging sobrang kampante niya sa buhay dahil alam niyang hindi mawawala ang kaniyang mag-ina.
Buong akala rin niya ay mas okay sila ngayon ni Andrea dahil sa hindi nila pag-aaway o pagtatalo. Ngunit ngayon niya nakikita ang epekto ng lahat, ang pagkakaroon ng agwat sa pagsasama nilang mag-asawa.
Umuwi si Isaac at niyakap si Andrea.
“Anong nangyayari sa’yo?” tanong ng babae.
“Hindi na kita papaiyakin ulit. Mahal na mahal kita at patawarin mo ako,” bulong ni Isaac sa babae.
“Nabasa ko ‘yung diary mo, alam ko na lahat ngayon. Naiintindihan ko na,” dagdag pa ng lalaki.
Hindi na sumagot pa si Andrea at napangiti na lamang ito sa kaniyang asawa.
“Lord, salamat!” bulong ng babae sa kanyang puso.
Mas pinili ni Andrea na idaan sa iyak at pananalig ang pagbabago ng kaniyang asawa. Mahirap man siguro para sa parte ng pagiging misis ngunit may mabuti rin pa lang nagagawa ang ating pananahimik. Kayo ba mga kabayan? Inaaway mo ba si mister o dinadaan mo na lang rin sa iyak ang lahat ng sama ng loob mo sa kanya?