Manghang-mangha ang mga kaklase ni Abby habang nakatingin sa nakalutang na libro sa ere. Nang pumasok ang kanilang guro sa loob ng silid-aralan ay pati ito ay napatulala rin. Maya-maya ay biglang nalaglag na lamang sa sahig ang libro. Gulat na gulat pa rin ang lahat sa nangyari. Hindi sila makapaniwala na kayang magpalutang mga bagay si Abby gamit lamang ang mga mata nito.
Ang nangyari ay mabilis na nakarating sa mag-asawang Perry at Tessa. Agad na ipinatawag ng guro ang mga magulang ni Abby at personal na kinausap. Nang matapos ang pag-uusap, pagdating sa bahay ay inis na hinarap ni Tessa ang anak.
“Sinuway mo na naman ang bilin namin na huwag na huwag mong ipapakita sa iba ang kakaiba mong kakayahan!” gigil na gigil na sabi ni Tessa habang pinapalo ng sinturon ang puwitan ng anak.
Impit lang na pag-iyak ang ginawa ni Abby kahit pa napakasakit na palo ang iginawad sa kanya ng ina.
“Tama na iyan, Tessa! Bata pa ang anak natin! Hindi pa niya alam ang ginagawa niya!” pinigilan ni Perry ang galit na galit na asawa sa pagpalo sa kanilang anak.
Kakaiba kasi si Abby. Mayroon siyang kakayahan na magpagalaw ng mga bagay sa pamamagitan ng kanyang isip. Natuklasan ng mag-asawa ang kakayahan ng anak nang awayin ito ng kaklase sa dating pinapasukang eskwelahan. Pinagalaw ni Abby sa pamamagitan ng konsentrasyon ang isang lapis at parang palaso iyong humaginit patungo sa mata ng kaaway. Mabuti na lang at nakailag ang kaklse.
Mula nang mangyari iyon ay pinag-usapan na sila ng mga tao sa eskwelahan kaya napilitan silang ilipat ng ibang eskwelahan ang kanilang anak ngunit sa ginawa ni Abby sa klase kanina ay naungkat na naman ang kanilang lihim.
“Paano iyan, Perry? Marami nang nakakaalam sa kakayahan ng ating anak. Kung anu-ano na rin ang naririnig kong sinasabi nila sa atin porke’t may anak daw tayong demonyo,” mangiyak-ngiyak na sumbong ni Tessa sa asawa.
Pinatigil na muna nila sa pag-aaral si Abby. Tiyak kasi nilang pangingilagan na naman ito ulit at tutuksuhing anak ng demonyo ng mga kaklase.
“Ano’ng probinsya ba galing iyang si Tessa? Baka kasi may lahing asawang o maligno ang napangasawa mo, anak?” hayagang pagtatanong ng ina ni Perry nang dumalaw ito sa kanila at nalaman ang nangyari sa apo.
“Iyan din ang nasa isip ko, anak,” sabad naman ng ama ng lalaki.
“Papa, Mama…lumaki po siya rito sa Maynila at hindi po nanggaling sa kahit anong probinsya. Dito rin sa Maynila lumaki ang kanyang mga magulang. Hindi rin naman lingid sa kaalaman niyo na puro propesyunal din ang mga kamag-anak nila.”
Kahit nasa kwarto ay dinig na dinig ni Tessa ang pag-uusap ng kanyang asawa at mga biyenan. Hindi niya masisisi ang mga ito na paghinalaan ang kanyang pagkatao.
Bata pa siya noon ay ipinagkasundo na siya ng mga magulang niya sa isang lalaki. Unti-unti na sana niya itong natutunang mahalin ngunit nag-iba ang ihip ng hangin nang makilala niya si Perry. Agad silang nagkagustuhan at agad na nagpakasal sa huwes. Wala nang magawa ang kanyang mga magulang kundi ang tanggapin ang biglaang desisyon niya. Ang dating nobyo na ipinagkasundo sa kanya ay hindi na nagpakita pa sa kanya. Sa isip niya ay masama ang loob nito dahil sa pagtalikod niya sa kanilang kasunduan. Nirerespeto rin sa kanilang lugar ang pamilya ni Perry ngunit pagkatapos ng nangyari sa eskwelahan ay pinangingilagan na rin ang pamilya ng kanyang asawa.
Sa dami ng kanyang iniisip ay nakatulugan niya iyon sa kama. Ilang minuto pa lang siyang naiidlip ay naalimpungatan siya nang marinig ang kalabugan at pagsigaw ni Perry sa sala.
Dali-dali siyang lumabas ng kwarto. Nangilabot siya nang makitang puno ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan dahil sa tusok ng mga matululis na bagay na nagkalat sa sahig gaya ng gunting, bubog, kutsilyo at iba.
“Pigilan mo si Abby!” sigaw ni Perry sa kanya.
Saka lang niya napansin ang anak na nakatayo sa gitna ng sala. Malalim ang konsentrasyon nitong nakatingin sa mga matutulis na bagay sa sahig.
Tinakbo niya ang anak at yayakapin sana ngunit malakas siyang ibinalya nito.
Napadaing siya sa sakit nang tumama ang tagiliran niya sa kanto ng maliit na mesa.
Lumabas rin ng kwarto ang kanyang mga biyenan at laking gulat ng mga ito sa ginagawa ng apo.
“Tigilan mo na ito, anak. Ano bang nangyayari sa iyo? Bakit mo sinaktan ang papa mo at pati ako ay sinasaktan mo?” wika ni Tessa.
“Tama lang iyan sa kanya dahil inagaw niya ang kaisa-isang babaeng minahal ko!” sumbat ng tinig kay Tessa na dinuduro-duro pa ni Abby.
Nanghilakbot ang lahat dahil boses ng ibang tao ang lumabas mula sa bibig ng bata.
“A-Abby, anak!” sabi ni Tessa.
“Niloko mo ako! Pinaasa mo lang ako, Tessa. Sa lalaking iyan ka pala magpapakasal! Dahil sa ginawa mo ay hinding-hindi kita mapapatawad!” sigaw pa ng galit na galit na boses.
Hindi makapaniwala si Tessa. Sinasaniban ni Romeo ang anak na si Abby. Si Romeo ang lalaking ipinagkasundo sa kanya noon ng mga magulang na pakakasalan niya. Pero paano nangyari iyon? Alam niyang buhay pa ang lalaki. Lumayo lang naman ito sa kanya at hindi nagpakita.
“A-Abb…Romeo, h-hindi kita niloko! Sa una pa lang ay ipinagtapat kong hindi kita mahal! Ang sabi mo, handa kang maghintay kung kailan kita matututunang mahalin! Pero iyon nga… dumating si Perry sa buhay ko at nagmahalan kami…”
Nakakapangilabot na panaghoy ang lumabas mula kay Abby. Iyon ang sinamantala ng mag-asawa at sabay na niyakap ang nananaghoy na anak at ginapos na mabuti para hindi makakilos ngunit lalong naging mabangis ang sinasanibang si Abby, tila na itong isang mabangis na hayop.
“Romeo, tigilan mo na ito! Patahimik mo na kami! Maawa ka sa anak mo!” malakas na sigaw ni Tessa.
Iyon lang at unti-unting kumalma ang bata. Nawala na ang sumasapi rito.
Pero kasabay noon, ang pagkatigalgal din ni Perry at ng kanyang mga biyenan.
“P-paanong nangyari iyon, Tessa?” naguguluhang tanong ng ina ni Perry.
Kinaumagahan ay nagmamadali nilang pununtahan ang bahay nina Romeo at kinausap ang mga magulang nito. Napag-alaman nila na magta-tatlong buwan pa lang na yumao ang dating nobyo. Isa ito sa mga nasawi nang lumubog ang sinasakyang barko papunta sa pinagtatrabahuhan nito sa Romblon.
“Natatandaan ko na, nabanggit niya sa akin noon na pinag-aaaralan niya kung paano magkaroon ng telekinetic power,” wika ni Tessa.
“Magta-tatlong buwan na rin mula nang unang matuklasan ang kapangyarihan ni Abby. Ibig sabihin, noon ding araw na iyon sumanib ang hindi matahimik na kaluluwa ni Romeo,” sambit naman ni Perry.
“Patawarin mo ako kung hindi ko agad naipagtapat sa iyo, sa inyo ng mga magulang mo ang tungkol kay Abby,” sambit ni Tessa sa asawa.
“Wala kang dapat na ipaliwanag. Noon ko pa alam na hindi ko anak si Abby. Tinanggap ko iyon dahil mahal kita. Ang hinintay ko lang sana ay ang magtapat ka sa akin,” sagot ni Perry.
Nangilid ang luha ni Tessa. Bagamat pinatawad at tinaggap siya ng asawa sa naging paglilihim ay ma bigat pa rin iyong iniwan sa kanyang dibdib.
Nagdadalantao na ako noon nang makilala kita at nagka-ibigan tayo. Nagbunga ang minsan naming pagniniig ni Romeo. Labis kong pinagsisisihan ang pagtatago sa iyo ng katotohanan dahil ayaw kong mawala ka pa sa akin. Mahal na mahal kita,” paliwanag ni Tessa.
“May kasalanan din ako kay Romeo, hindi ko sinabi sa kanya na nagkaroon kami ng anak. Ipinagkait ko sa kanya na makilala ang aming anak. Akala ko kasi ay tuluyan na siyang umalis at kinalimutan na ang lahat kaya hindi ko naisip na ipagtapat sa kanya ang tungkol sa batang dinadala ko. Sana kung nasaan man siya ngayon ay matahimik na siya at mapatawad ako sa lahat ng aking ginawa sa kanya,” dagdag pa ni Tessa.
Buong pagmamahal na niyakap ni Perry ang asawa.
“Matagal na kitang pinatawad. Huwag ka mag-alala dahil hindi na rin galit ang mga magulang ko sa iyo. Tanggap na rin nila si Abby,” tugon ng lalaki.
Mula noon ay nagsimulang muli ang mag-anak. Nangako si Abby na hindi na gagamitin ang naiibang kakayahan para sa ikatatahimik ng kanilang pamilya. Bumalik ulit sa pag-aaral si Abby sa bagong eskwelahan na nilipatan niya. Para makapagsimula ng panibagong buhay ay lumipat ng bahay ang mag-anak at pinilit na mamuhay ng normal at tahimik. Hindi na rin nagparamdam at sumanib kay Abby ang kaluluwa ni Romeo. Sa isip nila ay napatawad na rin sila nito at masaya na sa lugar kung saan man ito naroon ngayon.