Dahan-dahang naglakad palapit sa pinto si Julienne. Sarado na ang ilaw sa salas nila pero kinakabahan pa rin siya. Kaliwa’t kanan ang kanyang paglingon sa takot na makita siya ng kanyang mga magulang.
Akmang bubuksan niya na iyon nang masagi niya ang vase na naka-display sa gilid.
“Sh*t!” anas niya. Buti nalang ay nasalo niya rin kaya nakahinga siya nang maluwag.
Tuluyan na siyang lumabas at patakbong lumayo. Ilang dipa lamang ay napangiti na siya. Natanaw niya na kasi ang motor ng kanyang nobyo- si Timothy.
Nakita niyang ngumiti rin ito at kinindatan pa siya kaya ‘di maiwasang mamula ng mga pisngi ni Julienne.
“Dala mo na ba lahat ng gamit mo? Bakit ang liit ng bag?” bulong nito sa kanya, hinapit siya sa bewang at masuyong dinampian ng halik sa labi.
“E-Eh. Kung dadalhin ko lahat baka abutin ako ng liwanag sa pag-eempake. Ayos na ito,” tila nahihiyang sabi niya.
Kinuha ng lalaki ang bag at ini-start na ang motor.
“Sakay na mahal ko. Handa ka na bang magsimula ng bagong buhay?” kahit na may helmet na ito ngayon ay alam niyang nakangiti ang binata nang tanungin iyon.
“Oo naman. Basta kasama kita,” sinserong sabi niya.
Tama. Ang ginagawa nila ngayon ay isang pagtatanan. Tutol ang mga magulang niya sa kanilang relasyon dahil wala raw iyong patutunguhan. Disi siyete anyos pa lamang kasi siya habang si Timothy naman ay bente anyos. Hindi nito natapos ang pag-aaral dahil mas nais nitong maghanapbuhay na. Nasa huling taon na ito ng kolehiyo nang tumigil, magaling kasing mag-drawing kaya nagsa-sideline na lamang.
Ayos na iyon kay Julienne. Wala siyang pakialam sa kung ano ang magiging buhay nila dahil sabi niya nga kanina, basta kasama niya ito ay kumpleto na siya.
“Ang saya-saya ko!” sigaw niya habang tumatakbo ang motor nito, papunta sila sa Maynila kung nasaan daw ang pinsan ni Timothy. Doon muna sila titira hanggang ‘di pa nakakapag-andika ng sarili nilang bahay.
Medyo nagtaka siya kasi at walang kibo ang nobyo.
“Tim? Okay ka lang?” sabi niya mula sa likod ng motor. Hinigpitan niya pa ang yakap dito, sumandal din siya sa likod nito.
Pero wala pa ring imik si Timothy. Nanlaki ang mata niya nang mapansin na tila nawawalan ito ng control.
“T-Tim? Ano ang nangyayari?” kinakabahang wika niya.
“Just… just hug me babe. Please hug me,” halatang pilit nitong tinatago ang nerbiyos.
Masyadong mabilis ang sumunod na pangyayari. Ang natatandaan na lamang ni Julienne, sumalpok sila sa kasalubong na kotse. Kahit na mahigpit ang yakap niya sa nobyo ay tumalsik pa rin sila pareho. Ang huli niyang nasilayan ay ang walang malay na si Timothy, tapos ay pinanawan na rin siya ng malay.
“Hey?” natatawang sabi ng kaibigan niya sa telepono.
Nagising mula sa pagkakatulala ang dalaga, “Yes Sandy? You were saying something?” napatayo siya sa kama at tumanaw sa salaming bintana, kung saan kita niya ang liwanag mula sa mga building sa Maynila. Mataas ang floor na kinalalagyan ng kanyang condo.
“Naku, nabanggit ko lang ang reunion natin bukas. Nagkakaganyan ka na, siguro naalala mo ang ex mo ‘no?” tudyo nito.
“Wow! Hindi ah,” pilit niyang pinasigla ang boses. Sana hindi nito mahalata.
“Girl, it’s been 5 years. Tsaka isa pa, hindi naman natin siya ka-batch kaya malabo na magkita kayo sa reunion. Miss ka na namin ng mga kababata natin sa probinsya, masyado kang busy. Eh noong kinalimutan mo si Timothy kinalimutan mo na rin yata kami,” may halong tampo ang boses nito.
Tama, limang taon na ang nakalipas. Nang magkamalay siya noon sa ospital ay agad siyang dinala ng kanyang mga magulang sa Maynila at doon niya na itinuloy ang pag-aaral.
Napanatag siya nang malamang buhay ang nobyo pero ‘di niya na inabutan nang magka-malay ito.
Aminin niya man o hindi, araw-araw na ginawa ng Diyos ay naghintay siyang sundan siya ni Timothy. Pero wala, ni anino ng binata ay wala. Ang dami nang nangyari pagkatapos noon, naaksidente ang kanyang mga magulang. Kapwa binawian ng buhay ang mga ito, at naiwan siyang mag-isa. ‘Di niya alam kung paano magsisimula ulit lalo pa at second year college pa lamang siya noon.
Buti na lamang at nagkrus ang landas nila ni Ma’am Sophie, isa sa mga propesor niya sa college. Mabait ang guro, nag-prisinta na pag-aralin siya. Ipinasok rin siya nitong student assistant kaya may sahod siya, medyo malaki ang halagang iyon kaya nagawa niyang mangupahan at buhayin ang sarili.
Hanggang ito, may maganda na siyang trabaho at nakalipat na sa condo. Isa na rin kasi siyang assistant manager.
“Okay. Pupunta na ako,” buntong hininga niya. Limang taon na naman diba? Wala na siguro… pero bakit iba ang tibok ng kanyang puso?
Mabilis lumipas ang oras at heto si Julienne, lakad takbo palapit sa table ng mga ka-batch. Kasi naman ay late na umalis ang bus mula Maynila, nahuli tuloy siya sa reunion.
“Oh my God! Kinabahan ako, akala ko hindi ka darating.” napahawak sa dibdib na sabi ni Sandy.
“Grabe ka naman. Nasa biyahe kasi ako kaya ‘di ko masagot ang mga tawag mo. Tsaka, akala mo naman hindi matutuloy ang reunion kung wala ako,” natatawang sabi niya, pasimple nang umupo.
“Hindi matutuloy ang reunion kung hindi dahil sa ating Architect na bukod sa nagbigay na ng libreng serbisyo sa pagdidisenyo ng eskwela natin para sa renovation, ay nag-ambag pa ng malaki-laki para sa handa!” nakangiting sabi ng host.
Nagpalakpakan ang mga tao, “Tawagin naman natin ang gwapong-gwapong sponsor natin mga ka-batch, Architect Timothy Santiago!”
Na-bato naman sa inuupuan niya si Julienne.
“Thank you guys,” nakangiting sabi ng binata, kinuha ang mic.
Laglag ang panga ng dalaga, ibang-iba na ang dating nito pero kita niya pa rin sa mga mata ang Timothy na minahal niya noon.
Mas malapad na ang mga balikat, clean cut na ang buhok- malayo sa long hair nito noon. Wala na rin itong mga hikaw.
Aminin man ni Julienne o hindi ay sinulyapan niya ang daliri nito kung may suot bang wedding ring, at nagtutumalon ang puso niya nang makitang wala.
Ngingiti na sana siya pero nawala iyon nang dumilim ang paligid at tumutok sa kanya ang ilaw.
“What the f*ck?” bulong niya sa sarili. Unti-unti niyang ibinaling ang tingin sa binata sa unahan na ngayon ay titig na titig sa kanya.
“Actually, I’d like to take this opportunity to talk to someone. Bear with me guys, kailangan ko lang talaga siyang makausap. You see, I waited 5 years.” panimula nito, tapos tumingin muli sa kanya.
“Five long years, Julienne. Nang magising ako mula sa aksidente ay wala akong matandaan. Ganoon ako for six months, unti-unting bumalik ang mga alaala at susundan na sana kita sa Maynila kaya lang sumampal sa akin ang katotohanan na ako ang dahilan kung bakit nalagay sa peligro ang buhay mo. Ako at ang aking kapusukan.
Kaya kahit na gustong-gusto ko ay pinigil ko ang sarili ko. Kasi sisirain ko lang ang buhay mo ‘pag nagkataon, you are beautiful… intelligent. May future. You were so naive at alam ko na kahit na anong sabihin ko ay susundin mo noon. Gusto kong maging karapat-dapat kaya itinuloy ko ang pag-aaral ko, Julienne. Tapos nag-ipon ako, nagtrabahong mabuti.”
Napatayo si Julienne mula sa kanyang kinauupuan.
“Until my cousin Sophie called me, sabi niya doon ka raw nag-aaral kung saan siya nagtuturo. My God, nakuntento na ako sa pagtanaw-tanaw. Oo… siya iyong pupuntahan dapat natin sa Maynila.”
Napatakip sa bibig niya ang dalaga, windang na windang sa mga rebelasyon.
“Sinabi niya rin sa akin nang maulila ka kaya ako ang nagpa-aral sa’yo. Dinodoble ko ang pinapasahod sa iyo ng eskwelahan para masigurong okay ka. At ngayon… ‘di na ako makapaghintay. Diyos ko, sapat na naman siguro iyon para patunayang mahal talaga kita hindi ba? Bigyan mo lang ako ng pagkakataon ay araw-araw kong patutunayan iyon.”
Pagkasabi noon ay bumaba mula sa stage ang binata at humakbang palapit sa kanya.
Umugong ang kilig sa buong paligid. Maging ang kaibigan niyang si Sandy ay itinutulak siya. Tigib ng luha si Julienne, ‘di niya akalaing ganoon siya kamahal ni Timothy.
“S-So pinlano mo lahat ito?” ‘di mapigilang tanong niya nang magkatapat na sila.
Nahihiyang tumango ito, “‘Di ka ba nagtataka na Paskong-Pasko ay may high school reunion kayo?” nakangiting tanong ng binata.
Napahagikgik na lamang din si Julienne.
Nagsimula sila sa umpisa, muli siyang niligawan ni Timothy at sinagot niya rin naman ito matapos lamang ang ilang buwan.
Ilang taon silang naging mag-nobyo at ngayon ay kasal na, masayang inaalagaan ang kapapanganak pa lamang nilang panganay.
Laging tandaan na ‘di kailangang pilitin ang isang tao na magbago, dahil kung totoo ang pag-ibig niya ay siya na mismo ang kusang gagawa noon para sa’yo.