Inday TrendingInday Trending
Manika ng Mangkukulam

Manika ng Mangkukulam

Nakasimangot na dumampot ng dalawang pakete ng betsin si Perlita tapos ay iniabot iyon sa batang bumibili sa kanilang sari-sari store.

“Ano ang ulam ninyo? Bakit dalawang betsin? Marami kayong lulutuin?” taas ang kilay na tanong niya sa bata.

Napakamot naman ito ng ulo, “Eh. Ewan ko po. May bisita po kasi sina nanay at tatay tapos hindi ko alam ang tawag sa ulam namin. Ano yata, manok na kinasal.”

“Inasal!” pagtatama niya rito.

“Ay iyon po pala. Sige po Aling Perlita ha? Mauna na po ako,” wika nito tapos ay tumakbo na palayo.

Napaismid naman ang babae. Paano kasi, ang batang iyon ay anak ni Didith- kababata niya. Mula noon, hanggang ngayon na may sarili na silang mga pamilya ay may lihim na pag-iimbot pa rin siya sa babae.

Paano kasi, ang gusto niyang lalaki noon ay ito ang niligawan at napangasawa. Habang siya naman, niloko ng mister kaya ito, single mom. Pakiramdam niya ay inaagaw ni Didith ang lahat sa kanya kahit pa ‘di naman iyon sadya ng babae.

Ayon dito, kaibigan daw siya nito. Sus, ang daling sabihin! Hindi naman kasi nito naranasan ang maging pangalawa lang palagi. Kapag may contest sa barangay nila noon ay ito ang nananalo, mas matalino… mas maganda… at ngayon ay mas swerte pa sa buhay.

Kasi ay mahal na mahal ito ng asawa. Ang bali-balita ay nagseaman daw ang mister nito.

“Sus Dith, sinasabi ko sa iyo. Alam mo ba ang nababasa ko sa Facebook na gawain ng mga seaman? Kapag raw may stop sila sa isang destinasyon ay doon umoorder ng babae!” kantyaw niya rito isang araw.

“N-Naku hindi naman siguro. Good boy naman si Roman ko, tsaka may mga anak na kami para magloko pa siya,” depensa naman nito.

“Hindi mo rin masabi. Bakit ang akin? Parang maamong tupa iyon pala maamong p*ta! Puro babae ang inaatupag ‘pag nakatalikod ako.”

“Magkaiba naman si Roman at ang dati mong asawa, Perlita. Ayaw ko namang may mabuong hinala sa dibdib ko lalo at magkalayo kami ngayon,” paliwanag nito sa kanya.

“Ikaw rin. Gusto ko lang warningan ka kasi baligtarin man natin ang mundo, lalaki iyan. May pangangailangan. Tapos ilang taon kayong magkakalayo… talamak ang tukso sa paligid,” pamimilit niya pa. Lihim na napapangiti kasi naman ay alam niyang nagtatagumpay na siyang lasunin ang utak ng babae at sirain ang mood nito.

Hindi na nakipag-argumento pa si Didith at nagpaalam na.

Mabilis lumipas ang ilang buwan at lalong lumaki ang inggit ni Perlita. Paano kasi, sa halip na magkatotoo ang ninanais niya na maghiwalay ang mag-asawa ay kabaligtaran pa ang nangyari. Lalong tumibay ang samahan ng mga ito, hindi nambabae si Roman. Gumanda rin ang kita ng lalaki kaya mas malaki na ang ipinadadala nito kay Didith kada buwan.

Lalong lumalim ang kinikimkim na inggit ni Perlita, lalo na nang isang araw ay nakita niyang may nagde-deliver ng mga appliances sa tapat ng bahay nila Didith.

“Bwisit ka talagang babae ka, tingnan natin kung umubra ka pa sa gagawin ko,” nagngingitngit na sabi niya habang nakatanaw mula sa kanyang tindahan.

Ibinilin niya muna sa isa sa mga pamangkin ang sari-sari store. Lumuwas siya sa probinsya at pinuntahan ang nabanggit ng nanay niya noon na mangkukulam daw.

Oo, ganoon na kalalim ang galit niya sa babae at ipababarang niya na ito.

“Ano ang gusto mong mangyari?” sabi ng matandang mangkukulam nang kaharap niya na ito.

Napamasid si Perlita sa paligid, may mga maliliit na manikang gawa sa tela, may nakatali na buhok sa leeg ng mga ito. Ang iba naman ay nakasandal sa mga larawan. Puno ng kandila ang barung-barong, may mga dahun-dahon ring nasa bote na hindi niya alam kung para saan.

“T-Turuan ninyo po sana akong mangkulam. Kahit iyong basic lang, gusto ko kasing sa akin mapunta ang lahat ng swerteng tinatamasa ng magaling kong kababata,” may pait sa tinig na wika niya.

“Ah, inggit,” nakangising sabi ng matanda. Nakakikilabot ang tingin nito lalo pa at mas tumindi iyon dahil sa tanglaw ng kandila.

Hindi nakatingin ng diretso si Perlita. Walang imik na tumayo ang lola, maya-maya pa ay bitbit nito ang dalawang manika.

“Ang isang manika ay swerte, ang isa naman ay mamalasin. Itali mo lamang ang isang hibla ng buhok mo at ang buhok niya naman sa isa tapos orasyonan mo gabi-gabi,” wika nito, tapos ay itinuro sa kanya ang dasal. Parang Latin.

“Totoo po ba ito? Ibig kong sabihin, kahit na ano’ng gustong gawin ko sa kanya… gagawin ko sa manika at mangyayari na?” namamanghang wika niya.

Tumango ang matanda, “Kahit na gustuhin mong tubuan siya ng ketong, ibulong mo lang- mangyayari.” Sa muling pagngisi nito ay namasdan ni Perlita na dadalawa na lamang pala ang ngipin ng lola, bulok pa pareho.

Iniabot niya na ang bayad pero bago siya tuluyang lumabas sa kubo nito at naisipan niya muling magtanong, “Tapos? W-Wala namang kapalit iyon diba?”

“Ineng, ang lahat ng bagay sa mundo ay may kapalit,” makahulugang sabi nito.

Hindi na nakasagot pa si Perlita.

Natatakot man ay bulag na sa inggit ang babae. Kaya pagdating niya sa Maynila ay sinimulan niya na ang plano. Naging mabait din siya kay Didith para hindi halata.

“Dith, ano yang nasa buhok mo? May lisa ka?” tanong niya isang umaga na bibili ito ng softdrinks.

“Ha? Huy wala ah! Hindi naman ako nangangati,” sagot nito. Bagamat halatang tila nahiya.

Nagkunwari si Perlita na tinitigan ang bumbunan nito. “Ay dumi lang pala,” wika niya.

Pinagpag ni Didith ang ulo, “Okay na?”

“Ayan pa. Halika tatanggalin ko,” nakangisi niyang sabi.

Inabot niya ang ulo nito at bumunot ng buhok.

“Aray! Bakit mo binunot loko ka,” natatawang sabi ni Didith.

“Sorry madikit eh. Ayan nawala na.”

Walang kaalam-alam ang babae sa kanyang binabalak. Noon ding gabing iyon ay itinali niya ang buhok nito sa unang manika at ang buhok niya naman sa ikalawa. Sa salas niya na lamang iyon isinagawa dahil wala pa naman ang kanyang anak, kinse anyos na ito ay may practice raw sa eskwelahan kaya male-late ng uwi.

Ibang kilabot ang kanyang naramdaman kaya tumayo siya sandali at kumuha ng kumot sa kwarto. Pagbalik niya ay nakabalabal na sa kanya ang kumot.

Sinimulan niya na ang orasyon. Nais niyang i-testing muna kung totoo, ang hiniling niya ay magkaroon sana ng maraming kurikong sa mukha si Didith.

“Ano’ng ginagawa mo, ma?”

Napapitlag siya nang marinig ang boses ng anak.

“Mary Anne! Kanina ka pa?” kinakabahang tanong niya.

“Kani-kanina lang po, ginagaya mo na ang mga nasa movie, ma,” natatawang sabi nito. Lumabas ito sa pinto na nagkokonekta sa bahay nila at sa tindahan niya, may bitbit itong pancit canton. Mukhang ‘di naman narinig ng kanyang anak ang orasyon, sabagay- bulong lang naman kasi ang ginagawa niya.

Hindi niya na ito sinagot at pumasok na lamang siya sa kwarto kung saan itinuloy niya na ang dasal.

Kinabukasan, nakangiting dumilat si Perlita. Excited na siya.

Agad siyang bumangon at dumiretso sa banyo. Nasa kalagitnaan siya ng paghihilamos nang mapahinto dahil kakaiba ang nararamdaman niya sa kanyang mukha. Bakit ang gaspang?!

Tumakbo siya sa pinakamalapit na salamin at doon ay napaiyak.

“Mary Anne!” natatarantang tawag niya sa kaniyang anak.

Nagmamadali naman itong lumapit sa kanya at napasigaw rin nang makita siya.

“M-Ma! Ano ang nangyari sa’yo?!”

“Hindi ko alam!” umiiyak siya. Baku-bako ang kanyang mukha, malaki pa sa tigyawat ang tumubo roon. May nana rin at galit na galit. Tipong masagi lang ng kahit na anong bagay ay magpuputukan.

Mabilis na tumawag ng tricycle ang anak niya at sumugod sila sa emergency room.

“Ano ba kasi ang orasyon na ginagawa mo, ma? Uminom ka ba ng mga herbal-herbal? Aanhin mo naman po iyon eh makinis na naman ang mukha mo,” kinakabahang sabi ni Mary Anne.

Hindi siya makasagot.

“Tapos may weird ka pa na mga manika na may buhok. Nang hawakan ko ang mga iyon kagabi ay kinilabutan talaga ako. Binitiwan ko kaagad,” komento nito.

Doon napalingon si Perlita, “H-Hinawakan mo ang mga manika?!”

Tila nagtataka namang tumingin sa kanya ang anak, “Opo. Eh kasi kakaiba eh. Nakalapag sa mesa. Ni walang mukha. Kaya sa takot ko, nabitiwan ko nalaglag pareho sa sahig. Ano lang po… naibalik ko agad tapos dumiretso ako sa tindahan para kumuha ng pancit canton kasi ‘di ako nakapag-dinner sa school eh. Sorry po kung pinakialaman ko…” mahinang wika nito.

Sinasabi niya na nga ba! Naipagpalit ni Mary Anne ang dalawang manika kaya sa kanya tumalab ang kulam! Ngayon ay hindi niya na alam ang gagawin.

Taimtim na lamang siyang nagdasal sa Diyos habang abala ang doktor sa pagtingin sa kurikong sa kanyang mukha.

Humingi siya ng tawad. Napagtanto niya ang kanyang kamalian, ang magalit kay Didith kahit wala naman itong ginagawa para sadyaing saktan siya. Sadyang ‘di lang siya marunong makuntento sa kaniyang buhay.

Tila sinubok lang naman siya ng Panginoon dahil sinabi ng doktor na allergic reaction lamang ang nangyari sa kanya. Baka may nakain raw siya na hindi siya hiyang. Binigyan siya nito ng anti-histamine at ilang oras lang ay humupa na rin ang mga rashes.

Nagpapasalamat na umuwi si Perlita. Itinapon niya na ang mga manika at nangakong ‘di na magiging mapag-imbot sa kapwa.

Walang kasiguruhan kung totoo nga ang kulam pero isa lang ang sigurado siyang totoo- ang karma.

Advertisement