Inday TrendingInday Trending
Ubod ng Pangit!

Ubod ng Pangit!

Mabilis na bumaba sa taxi si Joy, nangangatog ang kanyang mga kamay. Ang bilis din ng tibok ng puso niya, para nga siyang nabibingi dahil tila rinig niya sa tenga ang dagundong noon.

“Miss, bayad mo!” galit na bulyaw ng drayber.

“Ay! P-Pasensya na manong, kasi ay kinakabahan ako. ‘Wag ka namang maingay baka makatawag ng atensyon-“

“Basta magbayad ka na lang, ang dami mong satsat!” kakamut-kamot sa ulong wika nito.

Kumuha naman ng pera si Joy at iniabot iyon sa drayber.

“Panget na nga ay may balak pang mag-123.”

Narinig niyang komento nito bago tuluyang nagmaneho palayo. Inihakbang niya na ang mga paa papasok sa restaurant.

Ilang minuto lang kasi ang nakalipas nang makatanggap siya ng text mula sa isa sa mga kaibigan na nakita raw nito si Miguel, ang kasalukuyang apple of the eye niya na may kasamang ibang babae.

Ayaw niya sanang maniwala kaya lang ay nagsend ito ng larawan, kaya heto siya. Manghuhuli sa akto.

Hindi naman naging mahirap dahil nahagip agad ng paningin niya ang lalaki na may kaakbay na magandang dalaga. Masaya pa itong kumaway sa waiter.

“Bill please!” sabi nito.

“Sure ka ba babe?” tanong ng dalagang kasama nito.

“Oo naman, baby girl. Pagagastusin ba naman kita? I got this,” kumindat pa ang damuho.

Walanghiya, pero ‘pag siya ang ka-date ay napakaburaot! Sagot niya lahat kahit pang-taxi nito, hihingi pa ng extra money. Iyon pala ay ipanglilibre lang sa iba.

Ilang beses siyang bumuntong hininga tapos ay naglakad na palapit.

“Miguel,” tawag niya sa lalaki.

Bakas ang pagkagulat sa mukha nito, tumayo ito at inasahan na ni Joy na magpapaliwanag. Hinila kasi nito ang braso niya papunta sa isang gilid.

“What? Ano ang sasabihin mo, huling-huli kita sa panloloko mo!”

“Shut up Joy, you are causing a scene. Baka mapahiya si Bianca,” nagbabantang sabi nito.

Lahat ng pag-asa sa puso niya ay gumuho nang marinig iyon. Wala naman pala itong pakialam sa nararamdaman niya, kundi para pala sa kalaguyo kaya siya inilayo.

“Ang kapal naman ng mukha mo! Matapos mong magpabili ng iPad sa mall, matapos mong humingi ng pangdown kamo sa kotse?! Ipagpapalit mo ako sa haliparot na yan?” pinipigil ang galit na sabi niya. Hindi lingid sa kanyang kaalaman na nakakatawag na sila ng atensyon ng ibang tao.

Nagngalit ang bagang ni Miguel, “Hindi kita ipinagpalit.”

“Hah! Wag mo akong gaguhin! Ano pala ito-“

“Hindi kita ipinagpalit dahil siya naman talaga ang girlfriend ko, Joy! Wake up. Sa tingin mo ba talaga papatol ako sa’yo? Nakita mo na ba ang sarili mo sa salamin? Hindi make up ang kailangan mo, pintura! Para tuluyan nang matakpan yang pagkapangit-pangit mong mukha!”

Hindi nakasalita si Joy. Tama naman ang sinabi ng binata, kaya nga siguro kahit na malapit na siyang mag-trenta anyos ay wala pa rin siyang nagiging nobyo, ito lang. Kasi nga ay pangit siya. Lahat ng lalaki na isinet-up sa kanya ng mga kaibigan ay hindi na siya kino-contact pa matapos na makita ang kanyang hitsura.

Akala niya nga, true love na nang hindi huminto si Miguel. Iyon pala ay may motibo rin, peperahan lang siya.

“Baby, ‘di pa ba kayo tapos?” taas ang kilay ng magandang dalaga. Hinagod pa siya nito ng tingin mula ulo hanggang paa, habang may pinipigil na ngiti sa mga labi. Halatang nais bumunghalit ng tawa dahil kaawa-awa ang itsura ni Joy ngayon.

Pangit na nga, lalo pang nagmukhang miserable dahil kumalat ang eyeliner sanhi ng tuloy-tuloy na pagdaloy ng luha.

“Grabe ka naman,” tanging nasabi niya kay Miguel.

“Now go! Stop making a scene, nakakahiya,” sabi ng lalaki tapos inakbayan si Bianca at inakay palabas. Naiwan siyang pinagtitinginan ng mga tao.

Nakasakay na siya ng taxi pauwi sa bahay ay iyak pa rin siya nang iyak. Nakatitig siya sa salamin habang palihim na kinukwestiyon ang Diyos kung bakit ang unfair ng buhay. Bakit may sobrang ganda, bakit may sobrang pangit na tulad niya? Hindi ba pwedeng balance lang- pantay lang? Para walang nasasaktan.

Sana nabiyayaan siya kahit na kaunting tangos ng ilong, sana gumanda kahit na paano ang kutis niya. Sana kasi nagpigil muna sa pag-iri ang nanay niya nang magpaulan ang Panginoon ng kakapalan ng labi, ang kanya kasi ay pwede nang makabuo ng isa pang mukha sa sobrang laki. Sana, kahit na sa tangkad bumawi siya pero hindi eh. Malinis naman siya sa katawan kaya lang talagang… talagang ‘di sapat eh.

Mula noon, tinanggap na ni Joy na tatanda siyang mag-isa. Walang lugar sa mundo para sa mga bakekang na tulad niya.

Makalipas ang siyam na taon

Humalukipkip si Joy, kahit kasi naka-jacket na siya ay kay lamig pa rin sa pakiramdam. Palibhasa ay December na.

Napukaw ang atensyon niya ng mga batang nagtatakbuhan. Isang batang lalaki at batang babae na nasa edad pito pareho. Kasunod ng mga ito ang isa pang paslit na nasa apat na taong gulang naman. Agaw pansin talaga ang mga ito dahil blonde ang buhok at asul ang mga mata.

Halatang ibang lahi. Napangiti naman si Joy, ang gagandang mga bata. Parang mga manika.

Natawa pa siya nang maalala ang kanyang kabataan dahil madalas din siyang masabihan na ‘parang manika’ noon. Iyon nga lang, manika ng mangkukulam.

Namula ang kanyang pisngi nang marinig ang isang baritonong boses.

“Hey, not so fast kids!”

Ah, kaya pala nagtatakbuhan ang mga ito ay dahil hinahabol ng ama. Kay gwapo! Kano rin ang lalaki, halatang dito namana ng mga bata ang asul na mata. Matangkad ito, kahit na naka T-shirt ay bakas naman ang maganda nitong pangangatawan. Diyos ko, balikat pa lang ulam na.

“Beautiful…” ‘di naiwasang wika ni Joy sa kanyang sarili.

‘Di niya namalayan na nakalapit na pala sa kanya ang mag-aama.

“Yes honey, you are beautiful,” sabi ng lalaki sa tapat ng kaniyang mukha, tapos ay dinampian ng halik ang kanyang mga labi.

“Egg sandwich! Thanks mom!” sabi ng batang lalaki.

Oo. Ito ang pamilya niya.

Ilang taon na ang nakalipas, nang sukuan niya ang buhay at tanggapin sa sarili na wala na siyang makakatuwang.

Lumipat siya ng kumpanya dahil iyong dati ay katapat lamang ng pinagtatrabahuan ni Miguel- ayaw niyang makita ito.

‘Di niya naman inaasahan na ang bago niyang boss ang magpapatibok sa kanyang puso- si Steven. Kano ang lalaki at naisipan lang magnegosyo sa Pilipinas.

Tinanggap siya nito, hindi nakikita ang kanyang panlabas na anyo. Sa halip ay puso niya ang tinitingnan- gandang-ganda raw kasi ito roon.

Sa katunayan, sa sobrang pagkabighani nga nito sa kanila ay nakarami sila ng anak. Kambal na panganay, isang batang lalaki at ngayon ay buntis pa rin siya kahit na malapit na siyang magkwarenta.

“Thank you for making me complete, honey. You are the love of my life,” bulong ni Steven habang himas ang kanyang tiyan.

Isang napakagandang halimbawa ang kwentong ito na hindi dapat hinahanap ang pag-ibig kasi masasaktan lamang tayo kapag maling tao ang ating natagpuan. Kusa itong dumarating, tanging Diyos lamang ang nakakaalam kung kailan.

Advertisement