Inday TrendingInday Trending
Nawawala ang mga Salawal ni Amado!

Nawawala ang mga Salawal ni Amado!

“Sinong kumuha ng brief ko sa sampayan?!” sigaw ni Amado nang makitang wala nang brief ang sipitan na sinampay niya kahapon.

“Amado, sino naman ba ang nagdiskita sa salawal mo? Grabe ha, ilang beses nang nangyari sa’yo ‘yan! At saka bakit ang brief mo lang pare? Iyong mga brief nga namin labang Breeze pa iyan at binabad pa sa Downy hindi naman ninanakaw,” natatawang wika ng kaibigan niyang si Carlo.

“Siguro ikaw lang talaga ang trip ng magnanakaw na iyan bro,” sang-ayon naman ni Jeric. Lima silang mga lalaki sa boarding house kaya kataka-takang brief lang niya ang laging kinukuha. Kakaunti na nga lang ang brief na meron siya’y ninanakaw pa.

“Amado, siguro may crush sa’yo ang nagnanakaw ng brief mo. Ang tanong maayos kaya ang pagkakalaba ng brief mo? Mabango kaya ‘yon? Grabe naman siyang magnasa. Sabagay mas okay na iyong brief kaysa g*hasain ka niya at pagsawaan ang iyong pagkalalaki,” birong wika ni Carlo kay Amado.

Ginagawang biro lang ng mga kasama niya ang lahat ngunit si Amado ay nalulungkot at natatakot. Nalulungkot dahil bibili na naman siya ng brief at natatakot dahil sa kakaibang trip ng taong kumukuha ng salawal niya. Kinabukasan ay sinamahan siya ng mga kolokoy niyang kaibigan upang bumili.

“May bagong bili na naman akong salawal. Sana maawa naman iyong kumukuha ng brief ko. Baka sa kakanakaw niya sa brief ko’y magpatayo na lamang ako ng factory ng brief,” wika ni Amado habang isa-isang nilalabas ang bagong biling brief.

“Suking-suki ka na ba sa underwear store, Amado? Halos linggo-linggo ka na kasing bumibili,” natatawang wika ni Jeric.

“Kung iniipon ko lang ang pinambili ko ng brief. Baka nakabili na ako ng sampung case ng pulang kabayo,” nakangising wika ni Amado.

“Sus! Grabe, sayang naman. Kung nagkataon pala nalasing na tayo ni Amado,” puno ng panghihinayang na wika ni Harold, isa sa kasama niya sa boarding house.

“Biboy, ikaw anong masasabi mo sa nagnanakaw ng brief ni Amado?” tanong ni Jeric sa kasama nilang tahimik lang sa gilid na si Biboy.

“Ha? W-wala akong maisip e,” nauutal na tugon ni Biboy.

Dahil nakakarami na ang magnanakaw ng brief kay Amado, kaya nakaisip siya ng paraan upang mahuli kung sino nga ba talaga ang kumukuha ng brief niya. Isang gabi ay sinadya niyang mag-sampay sa labas. Pain niya iyon upang malaman kung sino nga ba ang magnanakaw ng brief niya. Wala siyang pinagsabihan sa balak niya. Mas maiging siya lang ang gumawa ng plano upang hindi mabulilyaso.

Mahimbing nang natutulog ang lahat habang alerto naman ang tainga niya sa ingay ng labas. Nang bigla siyang makarinig ng kaluskos sa bahay nila. Inisip niyang baka isa lamang sa kaibigan niya ang magbabanyo. Ngunit salubong ang kilay na mas pinakiramdaman ang mahinang kaluskos. Kataka-takang maingat iyon at mukhang ayaw makagawa ng ingay kaya dahan-dahan itong gumagalaw. Masyadong maingat ang bawat galaw nito at iniiwasang makagawa ng ingay. Narinig niyang binubuksan nito ng dahan-dahan ang doorknob. Nang masigurong nasa labas na ito ay siya naman ang bumangon upang sundan ito. Dahan-dahan siyang sumilip sa bintana upang tignan kung sino ang kasamahang lumabas at kung ano ang ginagawa nito. Agad niyang tinakpan ang bibig ng mapasinghap ng malakas sa nakita.

Kinabukasan habang naghahanda siya para pumasok sa trabaho ay sinadya niyang makasabay sa paglabas si Biboy.

“Biboy, sabay na tayo,” nakangiting wika ni Amado sa lalaki.

“Bakit? Magpapalibre ka ng pamasahe?” sagot naman ni Biboy.

“Oo sana,” kakamot-kamot sa ulong wika ni Amado.

Habang naglalakad silang dalawa ay naglakas loob si Amado na kausapin si Biboy. “Biboy, nakita ko pala ang ginawa mo kagabi,” panimulang wika ni Amado. Nakakailang ngunit kailangan niyang sabihin iyon kay Biboy. “Hindi kita huhusgahan Biboy, pero sana aminin mo sa’kin ang buong katotohanan,” pangungumbinsing wika ni Amado sa kaibigan.

“Amado, sorry talaga kung napagtitripan ko ang brief mo. Kung ang tumatakbo ngayon sa isip mo’y b*kla ako at delikado akong kasama’y nagkakamali ka. Sana iwaglit mo iyon sa isipan mo, pero totoong b*kla ako, Amado. Hindi ko lang kayang lumabas sa lungga ko, natatakot akong mahusgahan at baka lumiit ang tingin sa’kin ng karamihan. Noong una pa lang kitang nakilala gusto na talaga kita. Ang bait mo kasi at hindi ka kagaya ng mga kasama natin. Kaya ang pagkagusto ko sa’yo’y dinadaan ko na lang sa pagkuha ng brief mo. Siguro nga may sakit ako sa pag-iisip pero dun ko lang nailalabas ang sobrang pagkagusto ko sa’yo. Nakukuntento ako sa feelings ko kapag nakikita ko ang brief mo kasama sa mga gamit ko,” buong tapang na pag-amin ni Biboy kay Amado.

“Nauunawaan kita Biboy, pero sa tingin ko’y mas maiging maging matapang kang aminin sa lahat kung ano ang tunay mong pagkatao. Mas okay iyon kaysa magtago ka at palihim na kumukuha ng brief sa lalaking gusto mo. Sa totoo lang noong hindi ko pa kilala kung sino ang kumukuha ng mga brief ko’y, natatakot ako. Kasi iniisip kong baka anumang oras ay pwede akong mapahamak. Baka pwede akong atakihin ng baliw na taong palihim na kinukuha ang brief ko. Pero nung umamin ka sa’kin ay nawala ang takot ko. Kasi alam kong ginagawa mo iyon dahil hindi mo magawang lumantad sa karamihan.

Biboy, magpakatotoo ka. Kung hindi ka man matanggap ng lipunan, ang mahalaga tanggap ka ng mga taong nakakakilala sa’yo at ng mga taong mahal ka,” wika ni Amado sabay tapik ng balikat ni Biboy. “Huwag ka nang malungkot. Walang magbabago Biboy, magkaibigan pa rin tayo at hinding-hindi mababago ang turing ko sa’yo kahit na babae pa ang puso mo. Pero sana naman huwag mo ng kolektahin ang mga brief ko. Alam mo naman na tatlo na lang ang brief ko ngayon kasi laging nawawala,” natatawang wika ni Amado na tinawanan na rin ni Biboy.

“Maraming salamat Amado ah? Ang bait-bait mo talaga. Hayaan mo mula ngayon hindi ko na kukunin ang mga brief mo at ibabalik ko na iyong iba. Hindi ko naman iyon sinuot. Sinama ko lang sa lagayan ng mga gamit ko. Natutuwa kasi akong makitang may nakahalo kang gamit sa gamit ko. Pasensiya ka na talaga,” seryosong wika ni Biboy.

Nanatiling lihim ang sikreto ni Biboy, hindi kailanman sinira ni Amado ang kaibigan. Ginagalang niya ang pagkatao at desisyon nito. Mula nga noon ay hindi na nawawala ang mga brief ni Amado. Matagal na panahon ang dumaan bago lumantad ang tunay na pagkatao ni Biboy. Nagulat ang lahat ngunit kalaunan ay natanggap naman ng mga ito ang pagkabinabae ng kaibigan nila.

Gaya nga ng laging sinasabi ni Amado kay Biboy, mahirap magtago at magpanggap. Hindi naman mahalaga kung ano ang maging reaksyon ng mga taong nakapalibot sa’yo. Ang pinakamahalaga lang naman sa lahat ay tanggapin ka ng mga taong mahalaga sa’yo lalo na nang pamilya mo. Patuloy ang buhay hangga’t alam mong wala kang ginagawang masama sa kanila.

“Maraming-maraming salamat sa’yo Amado, kung hindi dahil sa’yo baka hanggang ngayon ay nagtatago pa rin ako sa lungga ko at patuloy na nagpapanggap,” wika ni Biboy.

“Wala iyon, pare. Kung saan ka masaya, suportahan kita,” nakangiting wika ni Amado, sabay tapik ng braso ni Biboy.

Advertisement