Inday TrendingInday Trending
Ganti ng Isang Espesyal na Bata

Ganti ng Isang Espesyal na Bata

“Joni, wala tayong bigas bukas. Hindi na ako pauutangin ni Aling Ellen sa tindahan, punong-puno na ang listahan natin,” sambit ni Aling Tessie sa kanyang asawa.

“Makakapagdelihensiya ako bukas. May bahay kaming pipinturahan ng kumpare ko. Tatanungin ko ang may-ari baka pwedeng makabale muna sa kanila ng pangunang sweldo ko. Bago mananghalian ay mag-uuwi ako ng bigas at maiuulam natin,” pahayag ni Joni sa kanyang misis.

“Pasensiya ka na at matumal ang gawa namin ngayon. Susubukan kong umekstra sa konstraksyon para may dagdag na panggastos tayo,” dagdag pa ng mister ni Tessie.

Mahirap lamang ang pamliya ni Mang Joni at Aling Tessie. Mayroon silang isang anak na nag-aaral sa elementarya. Kulang na kulang ang naiuuwing pera ni Mang Joni mula sa kanyang pagpipinta. Madalas ding umekstra ito bilang isang karpintero. Ngunit nauuwi lamang ang kanyang kinikita sa pagbabayad ng mga nautang nila.

Kinabukasan ay nagtungo si Joni sa bahay na pipinturahan nila ng kanyang kumpareng si Obet. Tulad ng sinabi ng ginoo sa kanyang asawa ay agad bumale ng sahod ni Joni upang may ipambili ng kanilang makakain. Noong tanghali ay agad umuwi si Joni sa kanilang bahay, at mabilis na bumalik upang muling magtrabaho.

Kinahapunan ay natapos nila ang harapan ng bahay. Habang binabagtas ang daan patungong sakayan ay nakita ni Joni ang isang espesiyal na batang lalaki na may Down Syndrome. Umiiyak ito at paikot-ikot sa kanyang pwesto. Magpapatuloy na lamang san si Mang Joni sa paglalakad ngunit hindi maatim ng kanyang konsensya na pabayaan ang bata.

Sinubukan niyang kausapin ang bata at itanong ang pagkakakilanlan nito at ng kanyang mga magulang ngunit hindi ito nagsasalita. Kung sumagot naman ang bata ay malayo ang sagot sa katanungan ni Joni.

Nais sanang dalhin ni Joni sa himpilan ng pulisya ang bata ngunit halata ang takot nito. Ayaw pa nitong humiwalay ng pagkakakapit sa ginoo. Napagdesisyunan na lamang niya na iuwi sa bahay ang espesyal na bata.

“Nasisiraan ka na ba talaga ng bait, Joni? Hirap na nga tayo sa kakainin natin, nag-uwi ka pa ng isang bibig na papakainin. Abnormal pa ang batang ‘yan! Mas marami ang pangangailangan ng mga taong ganyan. Parang-awa mo na, Joni, kung hindi mo makita ang magulang ng batang ‘yan ay dalhin mo na lang siya sa awtoridad!” nanggagalaiting sambit ni Tessie.

“Bukas na bukas ay ayaw ko nang makita ang batang ‘yan dito, Joni!” babala pa ng misis niya.

Nakatulog ang dalawa sa sala. Dahil sa pagkalambing ng espesyal na batang lalaki na ito ay mabilis na lumambot ang puso ni Mang Joni. Kinabukasan ay ginising siya ng bata sapagkat nagugutom na ito. Dahil hindi niya alam ang ipapakain sa bata ay bumili siya ng gatas sa tindahan.

“Ibinili mo pa ng gatas ang batang ‘yan. ‘Yung anak mo nga hindi nakakalasap ng gatas,” yamot ng asawa.

“Pagpasensyahan mo na siya, Tessie. Espesyal ang batang ito kaya may espesyal din syang pangangailangan. Kung may pera nga lang ako ay hindi lang ‘yan ang ipapakain ko sa kanya,” saad ng ginoo. “Naaawa kasi ako sa batang ito. Hindi na nga sapat ang kanyang pag-iisip ay nahiwalay pa sa kanyang mga magulang.”

“Ang sabihin mo baka talagang sinadyang itapon ang batang iyan sapagkat pabigat sa kanila. Tapos ikaw itong mag-uuwi sa kanya rito at pahihirapan mo ang pamilya natin nang dahil lang sa batang ‘yan,” mariing sambit ni Tessie.

“Hanggang kailan ba dito ang batang ‘yan? Ibigay mo lang ‘yan sa mga pulis. Huwag mo sabihin na ipaaalaga mo pa sa akin ang batang ‘yan!” wika ng ginang.

Dahil ayaw ni Aling Tessie na alagaan ito at maging ang bata ay ayaw humiwalay kay Mang Joni ay pinarapat na lamang ng ginoo na dalhin ito sa trabaho. Naisip niyang baka makita pa niya ang mga magulang nito.

Nagdaan ang mga araw ngunit wala pa ring kumukuha kay Mang Joni ng espesyal na batang ito. Hirap na rin silang mag-asawa sa pagtustos sa mga pangangailangan nito. Hindi kasi nila ito basta mapakain ng kung anong pagkain dahil baka magkasakit pa ito. Dahil dito ay lalo pang nabaon sa utang ang mag-asawa. Kahit na naiinis si Tessie ay wala namang siyang magawa sa desisyon ng kaniyang mister.

Isang araw ay may nakarating na balita kay Mang Joni na may mag-asawa daw na naghahanap ng isang espesyal na bata. Agad niya itong pinuntahan at isinama sa kanilang bahay upang makita ang batang kayang kinumkop. Nang makita ng mag-asawa ang espesyal na bata ay laking tuwa nila.

“Kay tagal ka naming hinanap, anak. Huwag ka nang hihiwalay kay mommy,” sambit ng ina nito habang hinahagkan ang anak at patuloy sa pag-iyak.

“Maraming salamat po sa pagkupkop ninyo sa anak ko. Alam ko pong hindi siya madaling alagaan ngunit pinatuloy ninyo siya sa inyong tahanan. Maraming salamat po talaga,” walang hanggang pasasalamat ng mag-asawa.

“Bilang pabuya po ay ito po ang tatlong daang libong piso kapalit ng mabuting kalooban ninyo. Alam ko pong hindi matutumbasan ng perang ito ang ginagawa ninyong kabutihan para sa aking anak, ngunit tanggapin niyo na po bilang pasasalamat namin,” wika ng ginang.

Ikinagulat ng mag-asawang Joni at Tessie ang laki ng halagang ibinibigay sa kanila ng magulang ng espesyal na bata.

Bago umalis ang mga ito ay tumakbo ang bata patungo kay Joni. Niyakap siya ng mahigpit ito at hinalikan sa pisngi. Napatunayan ng mga magulang ng batang iyon ang pagmamahal na binigay ni Mang Joni sa bata.

Samantala, ginamit ng mag-asawa ang pabuyang kanilang natanggap upang bayaran ang kanilang pagkakautang sa tindahan. Nagtayo sila ng isang maliit na tindahan at bumili ng dalawang baboy upang makapagsimula ng negosyo. Hindi nila inaasahan na ang espesyal na batang iyon pa pala ang magdadala ng swerte sa kanilang buhay.

Advertisement