Inday TrendingInday Trending
Ang Batang Uwi ni Jopet

Ang Batang Uwi ni Jopet

Maaga pa lamang ay bulung-bulungan na ang anak ni Aling Delia na si Jopet. Nag-aaral kasi ito sa Maynila at matagal nang hindi nakakauwi sa kanilang baryo. Ngayong nakauwi na ang binata ay laking gulat ng lahat na makita ang isang batang bitbit nito. Hindi tuloy maiwasan ng mga kapit-bahay na pagtsismisan si Jopet.

“Nakita n’yo ba ang batang lalaking bitbit ng anak ni Aling Delia na si Jopet? Kamukhang-kamukha niya ang bata, ano? Siguro ay nakabuntis sa Maynila kaya natagalan ng pag-uwi rito!” pangunguna ni Aling Metring sa tsismisan.

“Tingnan mo ang mga kabataan ngayon. Ginagawa ng mga magulang ang lahat ng kanilang makakaya para mag-aral sila at mabago ang buhay nila ngunit puro landi ang inaatupag! Ayan tuloy at isang batang ama na siya!” sambit naman ni Aling Ester.

“Sinabi mo pa. Nako, hindi na makakalabas ng taas noo ‘yang si Delia. Mantakin mo, ang tanging pag-asa nila sa buhay ay ganyan pa ang kinahinatnan. Nasaan kaya ang nanay ng batang iyon?” dagdag naman ni Aling Nena.

Patuloy ang naging pagmamasid ng mga ale sa bahay nila Jopet upang makakuha ng impormasyon. Kalat na kasi sa kanilang baryo ang pag-uuwi ng binata ng isang bata. Kung anu-ano na rin ang naging bersyon ng mga ito.

Isang araw ay nakita ng mga ginang ang binata na ipinapasyal ni Jopet ang bata. Habang bitbit niya ito ay ipinapakita ng binata ang mga ibon na nasa himpapawid. Hindi naman maiwasan ng mga nag-uumupkang mahaderang magkukumare na paringgan si Jopet.

“Ayan kasi, pinag-aaral ng magulang ay iba ang inaatupag. Kaya ‘yung anak mo, Nena, bantayan mo baka mamaya bigla na lang mag-uwi ng bata ‘yun,” natatawang sambit ni Aling Ester.

“Kawawa naman ang mga magulang. Buong akala ay makakatawid na sa kahirapan. Pag-uwi dito ay dagdag responsibilidad pa pala ang dala,” pagpaparinig naman ni Aling Metring.

Hindi na natapos ang pagtsitsismisan ng mga ito. Ngunit kahit anong parinig nila sa binata ay balewala lamang ang mga sinasabi ng mga ginang.

Nang sumunod na araw naman ay kasama ni Jopet ang bata na nagpunta ng palengke. Tuwang-tuwa ang bata sa nakikita niyang mga laruan. Nang hindi ito nabili ni Jopet ay nag-iiyak ang bata. Kita ang pagkaaligaga ni Jopet sa kung ano ang gagawin upang mapatahan ito. Dahil dito ay hindi nila maiwasang pagkwentuhan muli ang bata.

Hindi tumigil ang balita tungkol sa pagiging isang batang ama ni Jopet. Nang makarating ito sa mga magulang ng binata ay lubusang galit ang kanilang naramdaman.

“Kalat na sa bayan na nakabuntis daw ‘yang anak mo at ninakaw niya ang bata sa ina nito kaya umuwi dito sa probinsya. Huminto na daw siya sa pag-aaral dahil sa kanyang responsibilidad. Sobra naman silang gumawa ng kwento. Hindi naman nila alam ang totoo,” nagngangalit na wika ng ina ni Jopet.

“Hayaan mo na, Delia, alam naman natin ang katotohanan. Saka hayaan mong kay Jopet manggaling ang lahat. Wala naman siyang utang na paliwanag sa mga ‘yan,” saad ng kaniyang ama.

“Pabayaan n’yo na po sila. Pasensya na rin po kung nadamay kayo sa desisyon kong ito,” paghingi ng paumanhin ng binata.

Ilang Linggo pa ang nakalipas at palagi pa ring pinagtatawanan at hinahamak si Jopet ng mga taga-baryo dahil sa pagiging batang ama raw nito. Patuloy sila sa pagtatawanan.

Dahil sa tindi ng mga naririnig tungkol sa kanyang anak ay hindi na nakapagpigil pa ang ina niyang si Aling Delia.

“Tigilan nyo na ang panghahamak ninyo sa anak ko dahil hindi nyo alam ang buong katotohana! Parang wala kayong magawa sa mga buhay ninyo, palaging ang anak ko na lamang ang inyong nakikita,” galit na sambit ni Aling Delia.

“Bakit, Delia, totoo namang nakakadismaya ‘yang anak mo ah? Napakalaki ng perang inilabas ninyo upang mapag-aral siya tapos ay gumawa lamang pala siya ng bata sa Maynila,” sambit ni Aling Ester. “Wala ka nang maipagmamalaki sa amin ngayon dahil iresponsable rin pala ‘yang anak mo!” dagdag pa ng ginang.

“Tigilan nyo na siya! Hindi niya anak ang batang iyan!” pag-amin ng ina. “Ang batang iyan ay anak ng kaniyang matalik na kaibigang babae sa Maynila. Itinakwil ng mga magulang dahil itinuring siyang isang malaking pagkabigo ng kaniyang pamilya. Dahil din sa mga taong kagaya ninyo na walang ginawa kung hindi husgahan ang kapwa ay nagka-depresyon ang ina ng bata at piniling kitil*n ang sarili niyang buhay,” galit na pahayag ni Aling Delia.

“Dahil sa awa niya sa bata ay inako ng anak ko ang responsibilidad. At para sabihin ko sa inyo ay nakapagtapos na siya ng pag-aaral ng may karangalan. Imbes na inaatupag niyo ang panghuhusga sa buhay ng anak ko ay bakit hindi nyo na lang asikasuhin ang mga anak ninyo sa bahay nang may magawa kayong matino!” pagtatapos ng ginang.

Lubusang ikinagulat ng lahat ang katotohanang sinabi ng ina ni Jopet. Hindi sila makapaniwala na ginawa lamang pala ito ng binata dahil sa kabutihang loob nito. Lubusang hiya ang kanilang naramdaman. Humingi sila ng tawad kay Jopet at sa pamilya nito.

Mula noon ay huminto na ang balita tungkol sa pagiging batang ama ng binata. Naging usap-usapan na ang kabutihang kaniyang ginawa. Kahit na hindi kay Jopet nanggaling ang bata ay pinalaki ito ng binata at ng kaniyang pamilya na puno ng pagmamahal. Nagbigay ang bata ng lubusang kaligayahan sa kanilang pamilya.

Kahit kailan ay hindi naging tama ang humusga ng kapwa. Gaano man katotoo o hindi ang tsismis ay mali pa rin ang pag-usapan ang buhay ng ibang tao. Gamitin natin ang oras natin sa makabuluhang bagay at huwag sa pagkakalat ng mga bagay na hindi naman tayo sigurado. Ano ang mararamdaman mo kung isang araw ikaw na pala ang laman ng bulung-bulungan?

Advertisement