Ang Katapat ni Zeus
“Naku! Umandar na naman ‘yang pagka-chickboy mo! Basta talaga nakapalda, kahit poste e talagang papatusin!”
Hindi lang siguro isandaang beses narinig ni Zeus ang mga katagang iyon hindi lamang sa mga kaibigan niya, kundi maging sa mga kakilala niya.
Bahagyang ikiniling ni Zeus ang ulo sa kanyang gilid upang bigyan ng pasimpleng babala ang kaibigang si Jake. Sinisira nito ang kanyang diskarte eh!
Tila nakakaunawa namang nanahimik ang kaibigan. Maya-maya lang ay nakuha niya na ang numero ng babaeng pinopormahan.
“Text kita mamaya ha,” pa-cute pang ngumiti ang binata bago tuluyang umalis ang babae na pulang-pula ang pisngi.
“Pare! Nakaisa ka naman! Lala mo talaga!”
“Hindi naman, pare.” Napakamot pa ng batok si Zeus dahil pakiramdam niya ay eksaherado lamang ang kanyang kaibigan.
“Sana pare ay makahanap ka rin ng iyong katapat sa larangan ng pag-ibig.” Tila may pananakot sa boses ni Marco, ang pinakatahimik nilang kabarkada.
“Pare lagot ka, isinumpa ka ni Marco!” humahalakhak na sabi ng kanyang mga kaibigan na ipinagkibit-balikat na lamang niya.
Nang kinahapunan, papunta si Zeus sa sakayan ng bus nang umulan ng napakalakas.
Iniisip niya kung tatakbuhin na lang ba ang distansiya o magpapatila na lamang ng ulan nang may payong na nagprotekta sa kanya mula sa ulan.
Paglingon niya ay tila namalikmata siya sa nakita. Isang napakagandang babae! Tipid siyang nginitian nito.
Type niya ba ako? Jackpot! Sigaw ng isipan ni Zeus. Mas binagalan niya ang paglalakad.
Nang makarating sa waiting area ng mga bus ay abot-abot ang pasasalamat ni Zeus sa babae.
“Miss, maraming salamat sa pagpapayong mo sa akin.” May mapang-akit na ngiti sa labi ni Zeus.
Sa kasamaang palad, tila wala yata itong epekto sa babae. Ngumiti lamang ito at hindi na nagsalita.
Akmang magbubukas si Zeus ng panibagong usapan nang dumating ang bus na kanina pa niya hinihintay.
Binalot ng pag-aalala ang gwapong mukha ng Zeus dahil hindi na siya magkakaroon ng tiyansa sa babaeng pumukaw ng kanyang atensiyon.
Ngunit tila ipinag-adya ng tadhana na makilala niya ito dahil sa bus din na sasakyan niya ito sumakay.
“Yes!” Hindi mapigilang sigaw ng binata, na ikinalingon ng marami.
Napapahiya namang umakyat na siya sa bus.
Maluwag agad ang kanyang ngiti nang maabutang walang katabi ang babae. Umupo siya sa tabi nito.
Ilang minuto nang umaaandar ang bus nang magsimula siyang usisain ang babae.
“Miss, ako si Zeus. Anong pangalan mo?” tanong niya sa babae.
“Hi. Libby,” tipid na sagot nito bago ibinaling ang paningin sa hawak nitong cellphone.
“Malapit ka lang dito?” pagpapatuloy ni Zeus.
“Oo.”
Hindi pa din sumuko si Zeus kahit halatang hindi interesado sa kanya ang babae. “Ilang taon ka na?”
Sa wakas ay nag-angat ng tingin ang babae upang bigyan siya ng matabang na tingin bago sumagot. “25.”
“Ah, mas matanda ka sa akin ng ilang taon…” mapaglarong wika ni Zeus kay Libby.
“Siguro,” matipid pa ring sagot ng babae, na marahil kaya lamang sumasagot ay dahil sa magandang asal.
Hindi yata talaga siya interesado, sa isip-isip niya. Pero bakit?
Last na. “May boyfriend ka na?”
Wala siyang nakuhang sagot mula rito.
Ang biyahe ay napuno ng nakabibinging katahimikan.
Maya-maya pa ay tumayo na si Libby, at walang lingong-likod na bumaba ng bus.
Si Zeus naman ay nagtataka. Tila hindi man lamang interesado kahit kaunti sa kanya ang babae. Bakit kaya?
Laman ng isipan ni Zeus si Libby. Hindi pa rin siya makapaniwala na mayroong hindi naaapektuhan ng kanyang charm at karisma.
Lunes. Ang lakas ng tawa ng kaibigan niyang si MJ nang ikwento niya rito ang buong pangyayari.
“Pare, ayan ang sinasabi ko sa’yo. Ang katapat mo!” wika ni Marco.
Hindi na nagsalita pa si Zeus.
“Nga pala, pare. May bagong teacher daw sa Math?” usisa ni Johnny.
“Pare, meron nga! Ubod ng ganda!”
“Talaga? Sakto may Math kami after lunch. Tingnan natin kung maganda talaga.”
Pagbalik nila ay nasa may pintuan ang kanilang principal. Ipapakilala raw ang bagong teacher.
Nang makita ang pamilyar na babae ay natigagal si Zeus. Ang babae ay walang iba kundi si Libby. Magiging teacher niya ito!
Napayuko si Zeus nang magtama ang kanilang paningin.
Halos hilahin ni Zeus ang oras dahil hiyang-hiya siya sa inasta niya sa kanyang guro.
“Goodbye, class!” Hudyat ng pagtatapos ng kanilang klase.
Agad tumayo si Zeus at lalabas na sana nang tawagin siya ni Ms. Mendoza o ni Libby.
“Zeus, kumusta ka naman?”
“Ok lang po.”
“Zeus, ‘wag mo nang gagawin sa ibang babae yung ginawa mo sa akin ha? Baka matakot sila sa’yo.”
“Opo, miss. Pasensiya na po.” Hinging paumanhin ni Zeus.
“Sana ay hindi mo gamitin ang gwapo mong mukha upang makapanakit, hijo? Alam ko naman na mabuting tao ka.”
Tumango-tango si Zeus. Aminado siya, nagkamali talaga siya. Hindi niya kinonsidera ang nararamdaman nito at ginawa niya lang ang gusto niya.
Mula noon ay naging mas maayos na ang pakikitungo ni Zeus sa mga kababaihan.