Mula sa malayo ay kita ni Wendel ang ama. Sisigaw sana siya ngunit nilapitan ito ng isang katrabaho nito. Si Mang Kaloy.
“Hindi ka pa uuwi, Mang Ramon? Sabay ka na sa amin?”
Sa kabila ng agwat nila ay hindi nakaligtas sa kanya ang mga sinasabi nito.
Ngumiti ang may katandaan na si Mang Ramon na kaibigan nito at kapwa magsasaka.
Suot ang salakot ay tinanaw nito ang langit na kulay kahel na. Sa tantiya niya ay alas-sais na ng hapon.
“Mauna na kayo. Ayos lang.”
Ngumiti ito at tumango, “Sige pero magpahinga ka pare, ha? Sumobra ata ang kasipagan mo!” pabirong sabi nito.
“Hindi naman, dinodoble ko lang ang kayod ngayon. Aba! Malapit na mag-kolehiyo si Wendel. Alam mo naman? Gusto ko sana ay sa Maynila siya.”
Ngumiwi ang kausap.
“Maynila? Aba e, mahirap iyon! Sigurado ka ba? Mahal ang bayad doon.”
Tumango ang ama. Alam niya iyon. Hindi ito ang unang tao na nagsabi ng bagay na iyon.
Ngunit sa kabila ng lahat ay hindi kailanman siya pinigil ng ama sa pangarap na mag-aral sa Maynila.
“May tiwala ako sa’yo, anak. Alam kong ‘di mo ko bibiguin.” Naalala niya ang sinabi nito nang minsan niyang tanungin kung bakit siya sinusuportahan nito sa kabila ng kahirapan.
Nang hapong iyon ay sabay silang umuwi ng ama patungo sa bahay nilang barong-barong.
Siya ang may dala ng salakot nito pauwi. Tahimik ang paligid palibhasa’t dapit hapon na.
“Bukas na ang pagsusulit para sa unibersidad, ‘tay. Hindi mo ba talaga ako pipigilan? Mahirap sa Maynila, ‘tay. Maraming gastos. Matatagalan pa bago ko kayo matulungan,” nag-aalalang sabi ni Wendell.
“Isa pa, hindi rin ako sigurado kung papasa ako sa pagsusulit? Pa’no kung hindi?”
Sa wakas ay nasabi niya ang isa pang matagal nang bumabagabag sa kanya. Hindi nagsalita ang ama kaya nagpatuloy siya.
“Eh pano kung manatili na lang ako dito, ‘tay? ‘Wag na muna ako mag-aral? Pwede namang tulungan ko na lang kayo dito sa bukid? ‘Di ba?”
Huminga ng malalim ang kanyang ama at sa wakas ay nagsalita.
“Akala ko ba gusto mong maging doktor? Anong nangyari sa pangarap mong iyon?”
Kahit na pangarap niya na mag-aral sa Maynila at maging doktor ay alam niya rin na kailangan niyang tulungan ang pamilya niya.
Ilang taon pa ang gugugulin niya sa pag-aaral?
“Tay naman, siyempre. Pero minsan, naiisip ko tama naman ang mga sinasabi nila. Mas makakatulong ako kapag nandito ako at tulungan kita magsaka.”
Huminto ang kanyang ama, hinawakan ang kanyang balikat.
“’Wag mong isipin ang sinasabi ng iba. Buhay mo ‘yan. ‘Wag ka mag-alala sa akin, anak kita. Responsibilidad ko na tulungan ka na tuparin ang pangarap mo.”
Wala nang nagsalita. Malalim ang iniisip ni Wendel.
“Kumain na tayo ng maaga para makatulog na. Maaga ka ba luluwas? Ihahatid kita hanggang pier.”
Ngunit nang gabing iyon ay hindi siya dinalaw ng antok. Gising ang kanyang diwa hanggang sa sumapit ang oras ng kaniyang pag-alis.
“Tawagan mo ako pagdating mo doon. Umuwi ka kapag nalaman mo na ang resulta,” bilin ng kanyang ama.
“Paano pag ‘di ako nakapasa?” nag-aalinlangang tanong niya.
“Umuwi ka pa rin. Marami pang pagkakataon. Sige na, ingat ka roon.”
Ang usapan nila ay mananatili siya sa Maynila hanggang sa lumabas ang resulta. Halos isang buwan. Walang internet sa probinsiya kaya’t hindi mababalitaan ng ama ang resulta kung sakali.
Paspasan ang naging pagrereview niya.
Sumapit ang pagsusulit. Pamilyar sa kanya ang mga tanong ngunit sa antok na ngayon lang nagparamdam, kaba at kawalang tiwala sa sarili ay tila naghalo-halo sa isipan ni Wendel ang mga nabasa.
Natulala siya. Naisip ang mga sinasabi ng mga tao na dapat ay nasa bukid na lang siya.
Sa pagkakatulala ay nakita niya ang patagong pasahan ng isang papel. Alam na agad ni Wendel kung ano ang nakasulat. Mga sagot.
Napalunok siya, nakakita ng pag-asa para pumasa.
Nang akmang aabutin niya ang papel para kopyahin ang sagot ay naisip ang ama.
“May tiwala ako sa’yo, anak. Alam kong ‘di mo ko bibuguin.”
Tila sirang plaka itong nagpaulit-ulit sa kanyang isip.
Marahas siyang umiling.
“Hindi, Wendel.”
Hindi bale na ang bumagsak. Ang mahalaga ay malinis ang konsensiya. Ano ang mararamdaman ng ama kung malalaman nito ang kanyang iniisip?
Sa natitirang oras ay sinubukan niya na sagutan. Iniisip ang mukha ng pag-asa. Ang amang nagtatrabaho sa bukid mula umaga hanggang gabi para sa kanya.
Hindi niya ito bibiguin. Ang pagkabigo ay hindi pagbagsak sa pagsusulit kundi ang pagsuko sa pagsubok sa kanyang pagkatao.
Sa mga aral ng kanyang amang labis ang tiwala sa kanya.
“Ayos lang, Wendel. Ayos lang ang lahat,” kasabay ng pagbuntong-hininga ay pikit matang pinasa ang papel.
Ilang linggo ang lumipas. Sa lumipas na araw ay sinubukan niyang mag-isip ng positibo hanggang sa dumating ang araw na iyon.
“Wendel! Wendel! Nakalabas na ang resulta! Tingnan mo na, dali!” sigaw ng kaibigang si John sa kanya.
Ilang beses siyang nagpakawala ng mabigat na hininga.
“Kahit ano ang resulta, tatanggapin ko.” Nanginginig na binuhay ang kompyuter na nirerentahan.
Nangilid ang kanyang luha sa nakita.
Top 2: Wendel Amales
Hindi niya binigo ang kanyang ama! Hindi niya binigo ang sarili kaya’t tuwang-tuwa siya sa resulta. Sa oras na iyon, siguradong-sigurado siya. Iyon na ang simula ng pag-unlad niya kasama ang kaniyang ama.
Pinagpapala ang mga taong tapat higit sa lahat. Sinubok siya ng Diyos at nagtagumpay siya!