Ang Mga Basahan ni Nanay Violeta
Matagal nang nagtitinda ng basahan si Nanay Violeta.
Kilala na si Nanay Violeta ng mga tao. Mapa-drayber, sapatero, mamimili sa palengke, ay si Nanay Violeta ang hinahanap kapag bumibili sila ng basahan.
Kaya naman popular nang kwento na napag-aral ni Nanay Violeta ang kanyang anak, na ngayon ay pawang mga propesyunal na, sa tulong ng pagbebenta nito ng mga basahan.
“Nanay, bakit ho kayo nagtitiyaga pa rito eh maari na ho kayong magpahinga at magretiro, gayong napagtapos niyo na ang inyong mga anak?” isang araw ay takang tanong ni Bella, ang dalagitang kasa-kasama ni Nanay Violeta.
Inaruga ni Nanay Violeta si Bella humigit kumulang tatlong taon na ang nakalilipas. Sinasaktan kasi si Bella ng ama nito.
Noong una ay ayaw lamang humiwalay ng batang si Bella sa matanda sa takot na bumalik ang ama at kunin siya. Ngunit nung huli ay ginusto na rin niyang sumama sa matanda dahil parang anak ang turing nito sa kanya. Napakabait ng matanda.
Misteryosang ngumiti si Nanay Violeta. “Kapag umalis ako dito, may mga maiiwan. Ayoko ng nang-iiwan.” Iyon ang isinagot niya kay Bella.
Madalas bumisita ang mga anak ni Nanay Violeta rito. Maraming bitbit na mga mamahaling pagkain, gamit, at kung ano-ano pa para sa matanda.
“‘Ma, sumama na ho kayo sa akin sa Amerika,” narinig niyang sabi ng anak nitong Paul ang pangalan.
“Anak, hindi pa pwede. ‘Di ba nasabi ko na sa inyo ito? Hindi ako pwedeng basta basta umalis,” sagot naman dito ni Nanay Violeta.
“Dahil na naman ba ito kay–” hindi na nito naituloy ang sasabihin. Tila sinaway ito ni Nanay Violeta.
Narinig niya na lang ang malakas na pagbuntong hininga ni Paul at lumabas na ng kwarto ng matanda.
Nagsalubong pa ang mga mata nila kaya bahagyang napahinto ito sa paglakad. Tila may gusto itong sabihin ngunit nagbago ang isip ngunit napailing na lang at nagpatuloy sa paglalakad.
Nang silipin niya ang matanda ay nakatitig ito sa bintana habang malungkot ang mga mata.
“‘Nay, may nangyari ba?” subok niyang pag-usisa.
“Wala naman ‘nak, sige na, magpahinga ka na rin!” taboy nito sa kanya.
“Ayaw mo muna makapagkwentuhan, ‘nay?” Alok niya pa.
“Hindi na muna anak, pagod din ako ngayong araw.”
Lumabas siya ng kwarto nang mabigat ang dibdib. Sigurado siya, mayroong dinidibdib ang matanda.
Papasok sana siya sa kanyang silid nang marinig ang anak nitong si Paul na may kausap sa cellphone.
“Ate, hindi ko talaga makumbinsi si Mama na sumama sa akin. Hindi niya talaga kayang iwanan si Bella!” Iritado pang napasabunot sa buhok nito ang lalaki.
Gulat na gulat naman si Bella. Hindi niya akalain na siya pala ang dahilan kaya hindi tuluyang makasama ni Nanay Violeta ang kaniyang tunay na pamilya.
Nang gabing iyon, nagdesisyon siya na kakausapin ang matanda at kukumbinsihin itong sumama na sa mga anak nito.
Siya? Bahala na kung saan siya mapadpad.
“‘Nay? Pwede ho tayong mag-usap?” tanong ni Bella sa matandang kasalukuyang nag-aayos ng mga basahang ibebenta nito ng araw na iyon.
“Ano ‘yun?”
Nagsimula nang mag-init ang sulok ng mga mata ni Bella.
“Aksidente ko ho kasing narinig si Kuya Paul kagabi… na kaya hindi raw kayo makasama sa kanya ay dahil… d-dahil sa akin.”
“‘Nay! Kailangan niyo ho sumama sa pamilya niyo! Hayaan niyo na ho ako. Magpapahinga lang ako saglit pero lalaban ulit ako.” Patuloy ang kanyang pagkumbinsi sa matanda.
“Teka, bakit kita iiwanan?” takang tanong ng matanda.
“‘Nay, pamilya niyo ho sila…” marahang paliwanag ni Bella upang mas maipatindi sa matanda ang sitwasyon.
“At ikaw… hindi ba kita pamilya?” tanong ng matanda na nagpatahimik sa kanya.
Hinawakan ni Nanay Violeta ang nakasalansang mga basahan.
“Hindi naman basahan ang tao at pamilya na pwede na lang basta basta iwan kapag meron nang bago, at kapag meron nang mas maganda.”
Hindi nakapagsalita si Bella dahil nag-unahan na sa pagpatak ang kanyang mga luha. Lalo na nang mahigpit siyang yakapin ng matanda.
“Pwede ba naman iwan ng inang nag-iisa ang kanyang anak?”
Tama ang matanda. Ang pamilya ay pamilya.
Napag-alaman ni Bella na kaya hindi siya maaring isama sa America ng mga anak ni Nanay Violeta ay dahil pala hindi pumapayag ang kanyang ama na ibigay ang mga importanteng dokumento na kailangan niya.
Kaya naman tinakot nila ito na isusumbong nila ang mga ginawa nitong pananakot at pananakit sa kanya. Sa huli ay isinuko rin nito ang pagiging “ama” sa kanya.
Makakaalis na sila ni Nanay Violeta, kasama si Bella, sa katapusan ng buwan. Excited siya dahil alam niyang malaking bagong pamilya ang kanyang aabutan.